“Tama na! Sobra na! Kilos na!”
NAKIISA ang De La Salle University (DLSU) sa pagdaos ng “One Taft Candle Lighting and Prayer for the Nation” bilang panawagan kontra sa kahirapan, korapsyon, at kawalan ng pananagutan ng gobyerno sa St. La Salle Hall Facade, Enero 30.
Pinangunahan ng Committee on National Issues and Concerns at Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance ang naturang pagtitipon. Kabahagi naman ng pamayanang Lasalyano sa pagsindi ng mga mitsa ang mga kinatawan ng St. Scholastica’s College Manila, De La Salle–College of St. Benilde (DLS-CSB), at Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).
Sabay-sabay inilunsad ng DLSU, University of the Philippines Manila, Technological University of the Philippines, Philippine Normal University, Adamson University, at Manila Science High School ang naturang protesta sa kani-kanilang puwesto sa kahabaan ng Taft Avenue.
Tinig ng masa, liwanag sa kadiliman
Binigyang-halaga ni Gladstone Cuarteros, national coordinator ng Lasallian Justice and Peace Commission (LJPC), ang paghingi ng pananagutan mula sa pamahalaan hinggil sa kanilang mga pagkukulang sa taumbayan. Tiniyak ni Cuarteros na paraan ang protestang candlelight vigil para mapahayag ang saloobin ng mga akademikong institusyon ukol sa mga isyung namamayani sa Pilipinas.
Pagdidiin ni Cuarteros, “It is especially relevant and important, particularly for us, because we always say that we are with the least, the last, and the lost. We are with the country and its struggles for a better Philippines, for a better future.”
Nanindigan si DLSU University Student Government (USG) President Ashley Francisco na hindi lamang isang seremonya ang isinagawang pagsindi ng mga kandila, bagkus isang deklarasyon ng pagtindig sa mga adbokasiyang magdadala ng katarungan.
Aniya, “Sana magsilbi ang mga kandilang ito bilang simbolo at isang panawagan para sa sama-samang pagkilos sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating bansa… Ang hakbang na ito ay nagsisilbing paalala na kahit sa gitna ng mga pagsubok, nasa kamay natin ang pagbabago.“
Hinikayat din ni DLS-CSB Vice President of External Affairs Albert Villanueva ang mga kabataan na magdemanda ng pananagutan mula sa gobyerno bilang bahagi ng bagong henerasyon. Kaugnay nito, itinampok niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malasakit sa mga problema at kawalang-katarungan sa lipunan sa kasalukuyang panahon.
Ipinabatid ni Villanueva na sa gitna ng mga pagsubok na hinaharap ng bansa, napakahalaga ng isinagawang pagtitipon ng One TAFT bilang isang nagkakaisang komunidad—hindi lamang para sa kapakanan ng mga estudyante, kundi para sa buong sambayanang Pilipino.
Iginiit naman ni SCC College Student Council President Chloe Ladines na malaki ang papel ng kababaihan sa paglutas ng mga suliraning humahadlang sa pagkakaroon ng isang makatarungan at mapayapang bansa.
Tindig ni Landines, “Women’s empowerment and voices are crucial in pursuit of social justice. By empowering women, we empower the entire communities and pave the way for a more equitable and just society.”
Kinondena naman ni Santugon sa Tawag ng Panahon 39th President Earl Guevara ang kapabayaan ng pamahalaan na nagdulot ng kahirapan, pagbaba ng estado ng ekonomiya, at paglaganap ng kawalang-katarungan.
Ipinaalala rin ni Guevara na libo-libong Pilipino ang nasawi dulot ng mga kapabayaan at suliranin sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte. Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Guevara ang kahalagahan ng pagkakaisa at patuloy na paglaban sa kasamaan at katiwalian upang hindi mapatahimik ang taumbayan.
Ipinunto ni Graziele Fernandez, kinatawan ng Alyansang Tapat sa Lasallista, na kaakibat ng kapangyarihan ng mga Pilipinong magluklok ng mga pinuno sa puwesto ang kapangyarihang ialis sila mula rito. Nilinaw niyang ito ang tunay na diwa ng demokrasya. Aniya, “Tayong mga Pilipino ay may karapatang magdikta ng kinabukasan ng ating bansa.”
Binigyang-diin ni Kej Andres, tagapangulo ng SCMP, ang kahalagahan ng pagtitipon ng iba’t ibang sektor sa pagtuldok at paglaban sa mga pambansang suliranin para sa kapakanan ng taumbayan. Sa isang panalangin, hiniling ni Andres na magkaisa ang bawat mamamayan sa pag-unawang tanging sa pagkakaroon lamang ng katarungan para sa buong bayan makakamtan ang tunay na kapayapaan.
Sa pagwawakas ng mga mensahe ng pagkakaisa mula sa mga kinatawan, pinangunahan ng Lasallian Pastoral Office ang pagdarasal kasabay ng pagsisindi ng mga kandila.
Pakikibaka ng Pamantasan
Ipinahayag ni Francisco sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na bagamat naging balakid sa kanila ang kakulangan sa oras at ang pagpapakalat ng mga impormasyon, hindi ito naging hadlang sa pagkamit ng kanilang mga layunin.
Ibinandera din ni Francisco na nagsilbing proklamasyon ng paninindigan at pag-aksiyon para sa bayan ang pagsasagawa ng DLSU ng One Taft Candle Lighting and Prayer for the Nation, Education Stakeholders Media Forum, at ang pagpirma ni Br. Bernard Oca FSC at ng iba pang guro ng Pamantasan sa Education Sector Unity Statement Against Poverty, Corruption, and Impunity.
Tiniyak ni Francisco sa APP na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DLSU USG sa De La Salle Philippines, Samahang Lasalyano, at LJPC upang mapanatili ang tuloy-tuloy na pagkilos ng Pamantasan para sa mga adbokasiya ng pagbabago at sa malawakang kamalayan ng pamayanang Lasalyano.