AngCOP na aksiyon: Resulta ng COP29 para sa Pilipinas, inusisa sa ika-414 na sesyon ng Kamayan Para Sa Kalikasan

mula Green Convergence Philippines

BINALANGKAS ng koalisyong Green Convergence sa ikahuling sesyon ng Kamayan Para Sa Kalikasan forum para sa taong 2024 ang nagdaang Conference of Parties (COP) 29 sa Baku, Azerbaijan, Disyembre 20. Isiniwalat sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng diskusyong “Global Climate Talks: Expectations vs. Reality” ang kinalabasan ng pagtitipon at mga isasagawang lokal na plano para mapaigting ang tugong pangklima sa bansa.

Binigyang-diin ni Green Convergence President Dr. Victoria Segovia sa kaniyang pambungad na mensahe ang kanilang layuning mapakinggan ang iba’t ibang boses na nananawagan para sa kongkretong resulta ng nagdaang COP29. Itinaas din niya ang paghingi ng karagdagang suportang pampinansiyal at panteknolohiya mula sa mayayamang bansa para sa mga bansang mas bulnerable sa harap ng mga bantang pangklima. 

Butil ng perspektibang panloob 

Ibinahagi ni Albert Magalang, environmental management specialist ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang mahahalagang puntong nakuha ng pambansang delegasyon mula sa COP29. Sumibol mula sa naturang kumperensiya ang mga bagong hangarin ng iba’t ibang bansa, tulad ng paghangad ng tiyak na pondo para sa loss and damages mechanism sa Pilipinas at ang pagpapalawig ng karagdagang tulong-pinansiyal para sa mga mas mahihirap na bansa.

Sa kabila ng layunin ng New Collective Quantified Goal (NCQG) na makalikom ng USD 300 bilyong tulong-pinansiyal bawat taon pagsapit ng 2035, nananatili ang pangamba sa mga bansang higit na tinatamaan ng pagbabago sa klima. Wika ni Magalang, “While they represent significantly more than the goals as previously set—these are the past goals. This target would still fall short of the financial needs of vulnerable nations like the Philippines.” 

Bukod pa rito, isinasalaysay ni Magalang ang iba pang puwang na kinakailangang punan ng mga sektor pagdating sa isyung pangklima. Ilan dito ang unti-unting pagbawas sa paggamit ng fossil fuels, pagsakatuparan ng mga pinagkasunduang tulong-pinansiyal, at pagtaguyod ng koneksiyon sa pagitan ng klima at kalikasan. Iginiit niyang hudyat ang kinalabasan ng COP29 para mas mabigyang-diin ang kolektibong pagtugon sa krisis sa klima.

Pagtanim sa mga mungkahi

Alinsunod sa talakayan ng COP29, muling pinagtibay ng lipunang sibil ang kahalagahan ng pagbabahagi ng teknolohiya at kaalaman sa pagitan ng mga bansa upang mainam na maipatupad ang mga mekanismo ng mitigasyon at adaptasyon. Ayon kay Rodne Galicha, executive director ng Living Laudato Si’, “Dapat ang malalaking bansa na naging dahilan ng mga disasters na ito, dahil sa mga epekto sa krisis sa klima, ay dapat magbigay ng tulong [o] ayuda to address, to avert, minimize ‘yung losses and damages na nararanasan.” 

Binigyang-halaga rin ng mga lipunang sibil ang konsepto ng just energy transition na nakaugat sa hustisyang pangklima at karapatang pantao. Batay kay Galicha, marapat ding nakapaloob sa nasabing hakbang ang pagsasaalang-alang ng mga susunod na henerasyon at kapakanan ng mga ecosystem sa mundo. 

Nakapaloob sa adbokasiyang ito ang dagdag pondo para sa NCQ sa COP29 na hinihiling ng iba’t ibang grupong taasan pa sa mahigit isang trilyon ang pondo. Inihain ni Galicha ang suhestiyong marapat manggaling sa publiko ang karagdagang badyet na kakailanganin para sa kalikasan. Dagdag pa ng national convener para sa Aksyon Klima Pilipinas, “Ang pagbibigay lamang ng 300 billion with no guarantee of public provision of funding does not put the global south countries, katulad ng Pilipinas, into deeper depth.”

Minimithi ng sektor ng lipunang sibil na palawigin ang usapin ng pagtugon sa krisis pangklima mula sa pandaigdigang entablado patungo sa lokal na antas. Hinihiling ni Galicha ang pagsasagawa ng bottom-up approach sa pamamagitan ng panrehiyonal at pamprobinsyang lebel ng konsultasyon at talakayan. Inaasahan ng naturang sektor na masosolusyuan sa darating na COP30 ang mga hindi napagkasunduan sa nakaraang COP at maituturing ito bilang kumperensiya ng sangkatauhan at kapuwa anyo ng buhay.  

Pagyabong ng pananagutan

Pinahalagahan ni DENR Greenhouse Gas Management and Reporting Unit Chief Sandee Recabar ang pagsusumite ng Pilipinas ng ikalawang Nationally Determined Contributions (NDCs) sa United Nations Framework Convention on Climate Change. Aniya, paraan ito upang mapagtibay ng Pilipinas ang pagnanais na isulong ang mga aksiyon hinggil sa isyung pangklima, maabot ang mga layunin sa pagbawas sa polusyon, at palakasin ang paghingi ng suporta mula sa mas mayayamang bansa. 

Isinaad din ni Recabar ang nilalaman ng NDC Implementation Plan (NDCIP) para sa taong 2023 hanggang 2030 na mayroong anim na pundasyon. Magsisilbing gabay ang naturang balangkas upang maisakatuparan ng bansa ang iba’t ibang layuning tututok sa mga estratehiyang pangmitigasyon. Kaagapay nito, binigyang-pansin sa NDCIP ang mga konsepto ng just transition, gender inclusion, pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan, at pagkakaroon ng risk registers upang matiyak ang lubusang pagpapatupad ng NDC. 

Kasalukuyang sinusuri ng gobyerno ang mga puwang at balakid na hinaharap ng unang NDC bago ipasa ang ikalawang bersiyon nito sa COP30 sa Brazil sa Nobyembre. Hango rito ang huling iniulat ni Recabar na pagkukulang sa pag-abot sa mga hangaring inilatag at hindi pagsali sa sektor ng pangkagubatan pagdating sa pag-analisa at paglikha ng mga layunin. Pahayag pa niya, “We are also working on how do we now update the NDC and increase our climate ambition.”


Mabigat pa rin ang pasanin ng mga bulnerableng bansa sa harap ng mga bantang pangklima. Hangga’t mailap ang paghihigpit sa pananagutan ng mga bansang malaki ang ambag sa paglala ng krisis sa klima, hindi malabong manatiling hanggang konsepto na lamang ang mga napag-uusapan sa pandaigdigang entablado. Sa darating na COP30, paggiit sa hustisyang pangklima at paniniguradong maisasakatuparan ang mga salitang bibitawan ang inaasahan ng mga bansang nais makaahon mula sa pinsalang dulot ng mga mas nakaaangat sa kanila.