INILATAG sa “Pathways to Environmental Governance: Community Engagement in Waste Management” ang kasalukuyang problema sa basura kasabay ng pagdiriwang ng International Zero Waste Month sa pangunguna ng Center for Social Concern and Action at ng Sustainability Hub-Manila sa Pablo Nicolas Auditorium, Enero 15.
Layunin ng programang tutukan ang mga hamon sa pamamahala ng basura at itaas ang kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa mga epekto nito. Pinaiigting din ng inisyatiba ang kolaborasyon ng Pamantasan, mga organisasyong pangkalikasan, publiko at pribadong sektor, at lokal na pamahalaan ng Maynila upang siyasatin ang mga solusyong tutugon sa problemang ito.
Likas-kayang solusyon
Binuksan ni Catherine Orbien, executive director ng Solid Waste Management Association of the Philippines Inc., ang talakayan sa pagkilala sa gampanin ng Informal Waste Sector (IWS) alinsunod sa R.A. 11898 o Extended Producer Responsibility Act of 2022, na naglalayong mas mapahusay ang pamamahala sa basura.
Binubuo ang IWS ng mga manggagawang tagakolekta at tagaresiklo ng basura na hindi saklaw ng mga pormal na regulasyon ukol sa pamamahala ng basura ng pamahalaan, mga organisasyon, at pribadong sektor. Inilahad ni Orbien na hindi kadalasan nabibigyan ng sapat na atensyon at benepisyo ang mga manggagawang ito para sa mga gawaing kanilang isinasakatuparan.
Kaugnay nito, nagsilbing instrumento si Orbien sa pagbibigay ng hanapbuhay sa 3,500 manggagawa mula sa IWS na nagmula sa 10 lokal na pamahalaan sa limang rehiyon ng bansa, kabilang ang Nueva Ecija, Camarines Sur, Albay, Negros Occidental, Agusan Del Norte, Surigao Del Norte, at South Cotabato. Dagdag pa rito, may 2,000 manggagawa mula sa mga Recycling Coops, na nagsisilbing pangunahing tagapagpatupad ng mga prinsipyo ng Solid Waste Management sa Pilipinas.
Ibinida naman ni Engr. Mary Jane Hernandez, administrative officer V ng Department of Public Services ng Maynila, ang mga proyektong kanilang ipinatutupad sa Maynila. Kabilang dito ang clean-up drive operations sa mga kalsada at estero, kampanyang pang-edukasyon, at ang mga posibleng oportunidad na pagkukunan ng kita ng mamamayan.
Patuloy ring pinalalakas ng lungsod ang kanilang mga ugnayan sa iba’t ibang institusyong nagsusulong ng programang pangkalikasan gaya ng AlasKalikasan ng Alaska Milk Corporation, Tapon to Ipon ng Coca-Cola, at ang Nilad for Maynila program ng Maynilad. Hangarin nitong insentibahan ang mga mamamayan upang mahikayat na makilahok sa kampanya sa kalinisan.
Binigyang-pansin naman ni Rina Papio, tagapagtatag ng The Soilmate Collective Inc., ang patuloy na pagdami ng basura mula sa pagkain. Layunin ng kaniyang adbokasiyang malutas ito gamit ang siyentipikong pamamaraan, partikular ang Bokashi composting. Sa pamamagitan ng prosesong ito, ginagawang lupa ang basura mula sa pagkain, na magpapalakas sa sektor ng agrikultura at makakatulong sa pagpapababa ng greenhouse gases.
“From land fillers, let’s all become land healers,” panawagan ni Papio.
Ipinakilala naman ni Engr. Jo Ann Gamba, account officer ng Holcim Phillippines Inc. ang Geocycle, isang teknolohiya sa ilalim ng kanilang kompanyang layong iproseso ang basura bilang materyales sa produksiyon ng semento. Magbibigay-daan aniya ang teknolohiyang ito para sa circular economy at sa likas-kayang kapaligiran para sa mga Pilipino.
Itinampok din ni Aiza Christina Sinlao, managing director ng EcoDrive Global Corporation, ang kanilang 24-Hour Food Waste Composter na idinisenyo upang gawing compost ang mga nasasayang na pagkain sa loob ng 24 oras. Pinatatakbo ito gamit ang init, pag-aerate, at ang natural na microbial activity na nagpabibilis sa proseso ng decomposition.
Nanindigan naman si Metro Manila Development Authority Undersecretary Procopio Lipana na patuloy na magsisikap ang kanilang opisina upang matiyak na kinikilala at isinasabuhay ng bawat pamahalaang lungsod ang R.A. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, bagay na sangkap aniya sa pagtupad sa kanilang adhikang zero waste na Pilipinas.
“Tulungan niyo po kami para sa clean Metro Manila at clean Philippines,” paghikayat ni Lipana sa mga dumalo sa programa.
Pagtaya at pagkilos
Bukod sa layong pataasin ang antas ng kamalayan ng mga mamamayan, naging plataporma rin ang talakayan sa paghimok sa iba’t ibang organisasyon at pribadong sektor na makipagtulungan sa pamahalaang lungsod ng Maynila upang isulong ang mga makabagong solusyon sa pamamahala sa basura.
“We are promoting the partnerships. Nandiyan ang mga funding institutions, ‘yung mga LGUs, and the private sector. . . Kailangan din manggaling mismo sa puso ninyo, sa kagustuhan ninyo, sa kakayahan ninyo, ‘yung gagawin ninyong plano,” wika ni Orbien.
Naniniwala naman si Papio na mahalagang salik ang epektibong pamumuno upang maisakatuparan ang mga likas-kayang gawain. Kasama rito ang pagiging bukas sa mga bagong ideya at kahandaang maglingkod. “Kapag nakikita nila kung saan napupunta ‘yung efforts nila, magtutuloy-tuloy siya, magiging sustainable siya,” pagdidiin niya.
Ibinahagi rin ni Papio na bukas ang kaniyang opisina upang magbigay ng pondo, libreng workshop, at mga materyales sa mga barangay na nais subukan ang Bokashi composting. Gayundin, tiniyak nina Gamba at Sinlao na handa ang kani-kanilang mga kompanya na makipagtulungan sa mga barangay para sa pagtataguyod ng isang likas-kayang kapaligiran.
Mungkahi mula at para sa mamamayan
Sa isinagawang question and answer session ng programa, maraming kinatawan ng barangay sa Maynila ang nagpahayag ng kalituhan dahil sa pagkaantala sa koleksyon ng basura, na nagdulot ng pagdami ng mga ito sa kanilang mga lugar. Tugon ni Hernandez, nagkaroon umano ng pagbabago sa hauler sa iba’t ibang distrito ng lungsod.
“Pagpasensiyahan ninyo po muna since nag-a-adjust pa po tayo sa collection, since marami pong basura because of holiday season. Kapag nahakot na po lahat, isasaayos po natin ang schedule,” pagpapalawig niya.
Hinimok din ni Hernandez ang mga nasasakupang magkaroon ng segregated collection. Aniya, mayroong nakatakdang uri ng basurang kokolektahin sa bawat araw ng linggo: Lunes, Miyerkules, at Biyernes para sa nabubulok, at Martes, Huwebes, at Sabado naman para sa hindi nabubulok. Makatutulong ito sa mabilisang paghihiwalay ng mga basura sa lungsod.
Binigyang-kasagutan din ni Hernandez ang pangamba ng mga barangay ukol sa kahingian ng lungsod sa 5-Year Solid Waste Management Plan, kahit tatlong taon lamang ang termino ng mga lider sa pamahalaang panlungsod.
“In terms of 5-year plan, nire-require po kasi ng DILG ang mga barangay. Kahit three years lang ang panunungkulan, pwede po ‘yun i-tailor, ‘yun po ay nagki-carryover. Pwede po ‘yun i-amend kung ano ang gusto nilang gawin,” aniya.
Hiling naman ni Maria Neritha Labadan, Waste Management Committee chair ng Barangay 714, na maipabatid sa kanila ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaang lungsod ng Maynila. Pahayag niya, ngayon lamang niya narinig ang ilan sa mga proyektong isinasagawa ng lokal na pamahalaan ng Maynila, bagay na makatutulong aniya upang maakses ang mga serbisyo at kagamitang kakailanganin sa pagpapatupad ng mga polisiya sa kanilang barangay.
Dagdag pa ni Labadan, bago sila mabigyan ng mga materyales, kinakailangan munang magsagawa ng sarbey sa sitwasyon ng barangay—gaano karaming basura at anong klaseng basura ang mayroon sila. “More on sa technical. Hindi ako nabigyan ng formal training para gawin ‘yun. Ikaw na lang din talaga maghahanap ng paraan paano masosolve ang problema ng barangay,” dismayadong sambit niya.
Hindi isinara ni Antonio Carlos Maralit, executive director ng De La Salle University Sustainability Office, ang programa dahil tumatalakay ito sa mga solusyon sa usaping basura, isang bagay na nararapat patuloy na pag-usapan. Nanindigan din siyang hindi titigil ang kanilang opisina sa pakikipagkolaborasyon sa iba’t ibang organisasyon tungo sa pagkamit ng likas-kayang pag-unlad para sa lahat.