Halos pitong buwan na ang lumipas simula nang yanigin ng pagbabago ang takbo ng ating mundo. Unti-unting naramdaman ng bawat isa ang bigat ng kalagayang dulot ng pandemya—mula sa mga karaniwang gawain hanggang sa paraan ng ating araw-araw na pamumuhay. Sa pagbubukas ng panibagong kabanata ng ating buhay, taglay nito ang pag-aalinlangang tapusin ang isang pahinang malabo ang mga letra at tagpi-tagpi ang pagkakalagay ng mga salita. Gayunpaman, nananatili ang mga taong handang isantabi ang takot at pagtuunan ang katatagan bago muling lakbayin ang daan tungo sa paghanap ng mga kasagutan.
Oras ang katunggali sa paglipas ng bawat sandali. Hindi maikakaila ang bigat ng mga suliraning kinahaharap ng bawat isa ngayong iba ang kanilang kasalukuyang pamumuhay mula sa nakagisnan. Kaugnay nito, inihandog ng DLSU Harlequin Theatre Guild ang palabas na pinamagatang “Unmute” na binubuo ng apat na kuwentong sumasalamin sa mga isyung panlipunan ngayong panahon ng pandemya. Handog nito ang iba’t ibang kuwentong nakakulong sa apat na pader ng tahanan at naipaaabot lamang sa pamamagitan ng pagharap sa kamera. Rinig ang pagsusumamo sa bawat hagod ng paghinga; kita ang pagod sa riin ng pagpikit ng mga mata. Isang tanda na hindi kailanman matutumbasan ng pananabik sa isang haplos ang bigat ng isang pamamaalam. Isa rin itong paalala ng pakikibaka at muling pagsisiwalat ng kahalagahan ng boses ng bawat mamamayan.
Paghilom sa puwang ng pagkawala
“Kung may boses ako magsalita, anong dahilan ko para manahimik?” isang nakabibinging katanungan ang nagpapirmi sa mga manonood sa kanilang pagtahak sa istoryang “White Noise” sa ilalim ng direksyon ni Hannah Papa. Isa itong kompilasyon ng mga kuwentong nagpapakita ng mga kaakibat na hamon ng pagiging estudyante, guro, frontliner, at asawa sa gitna ng pandemya. Paninibago at pagkapa sa sistemang hindi nakasanayan ang isa sa mga hamong ipinakita ng palabas. Sa pag-usad ng istorya, ipinadarama ng palabas sa mga manonood ang hinagpis ng bawat karakter kasabay ng sidhi ng kanilang pag-aasam na mapanatili ang kanilang pag-asa sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap.
Kasunod na ipinalabas ang “Salamat, Patawad, at Paalam” sa ilalim ng direksyon ni Juan Castillo. Umikot ang istorya sa paggunita sa naipong alaala ng tatlong magkakapatid katuwang ang kanilang kasambahay na si Manang Dodi na itinuring nilang bahagi na ng kanilang pamilya. Sa paghihintay na muling makapiling ang kaniyang mga anak na nasa probinsya, binawian ng buhay si Manang Dodi dahil sa cardiac arrest na dulot ng COVID-19. Sa pagtatampok ng kuwento ng isang Locally Stranded Individual (LSI), sinasalamin ng palabas na ito ang naratibo ng mga nagnanais umuwi sa kanilang mga tahanan, at ipinakikita ang mga balakid na kanilang kinahaharap dahil sa krisis-pangkalusugan sa bansa.
Panata sa bayan at sarili
Sa pagsibol ng panibagong araw, dahan-dahang nakikipaghabulan ang tibok ng dibdib sa mga kamay ng orasan. Sa istoryang “Sa Muling Pagsikat ng Araw” ni Guion Marciano, ipinaalala nitong kapag dumating na ang araw ng pamamaalam, buong-lakas ang katumbas ng muling pag-ahon at pagtindig madama lamang muli ang init ng araw at lamig ng gabi. Ipinakita nito sa mga manonood na sa pagpikit lamang natin ganap na makikita ang kahalagahan ng bawat sandali at sa muling paghaplos lamang tunay na mapapawi ang pagtangis at pagsusumamo.
Bukod sa pagtalakay ng pagwaksi sa mahinang pag-unawa sa konsepto ng iba’t ibang uri ng kasarian, isa rin itong pakikibaka ukol sa hindi pagtanggap ng lipunan sa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, at Queer (LGBTQ+) Community sa Pilipinas. Tila itinuring na paglaya ni Maia, pangunahing karakter sa istorya, ang pag-alis sa sariling bansa sapagkat isa ito sa humahadlang sa pagtamasa niya ng sariling kalayaan. Gayunpaman, hanggang mayroong pumipigil sa pagwagayway sa watawat ng karapatan ng bawat isa, patuloy pa rin ang laban para makamtan ang pantay-pantay na karapatan para sa lahat, magkakaiba man ang kasarian.
Ipinakita naman ang kahalagahan at bigat ng isang boto sa huling bahagi ng palabas. Sa istoryang “Boboto na si Bunso” ni Erica Grey, ipinaalala ng mga karakter ang mahalagang tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino upang lalong palakasin at pagtibayin ang boses ng sambayanan. “May bilang ang boto mo,” mensahe ng kuwento nina Miguel at Alex para sa mga nag-aalinlangan hinggil sa kahalagahan ng kanilang boto.
Nakalakip ang mensahe ng kuwento sa linyang “Tao o Taon ang mawawala,” sapagkat idinidiin nito ang kahalagahan ng pakikialam, pakikibahagi, at pakikiisa sa pagtalakay sa mga usaping magiging batayan ng ating kinabukasan. Isa itong panawagan upang paglingkuran ang ating bayan sa pamamagitan ng pagsasakilos sa ating mga tungkulin bilang isang Pilipino.
Sa pagitan ng liwanag at dilim
Tumatagos sa mga bitak ng pader ang mga kuwentong nais hagkan ang munting butil ng kasiyahan. Ipinaabot ng mga kuwentong ito ang mga pagsusumamo na tila musika lamang sa tainga ng mga hindi nakaririnig. Umaalingawngaw ang bulong ng panawagan mula sa huling hininga ng mga Pilipino na naging biktima ng palyadong pamamahala sa kasagsagan ng pandemya.
Sa paglipat ng bawat pahina tungo sa bagong kabanata, patuloy lamang ang paglaban para sa mga naaapi—ang paglatag ng kamalayan at pagbibigay ng kalakasan sa mga nasa laylayan at sa mga nangangailangan. Hindi titigil ang digma ng pluma at papel hangga’t hindi natitisod ang dilang hapo sa pakikipagtalastasan; hangga’t hindi nalulumpo ang mga binti sa paulit-ulit na pagtindig para sa muling pakikipaglaban.