BINIGYANG-BISA ang pagdaraos ng College Government of Education (CGE) Mandatory College Assembly kada unang termino simula akademikong taon 2025–2026 sa ika-19 at huling regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Disyembre 4.
Layunin nitong tipunin ang mga estudyante ng Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED) upang patatagin ang kanilang ugnayan sa isa’t isa at pataasin ang kaalaman ng freshmen ukol sa kolehiyo.
Pagpanday sa resolusyon
Pinanimulan ni EDGE2023 Una Cruz ang sesyon sa pagpresenta ng panukalang nagmamandato sa taunang college assembly ng BAGCED. Ipinunto ni Cruz ang kakulangan ng pamilyaridad sa isa’t isa ng kanilang mga estudyante sa kabila ng pagbuo sa pinakamaliit na kolehiyo sa Pamantasan.
Ibinahagi rin ni Cruz ang kawalan ng frosh convocation sa BAGCED at ang mababang partisipasyon ng mga ID 123 sa katatapos na College of Education Assemble na nagsilbing basehan ng panukala. Pagtalakay niya, “The CGE shall adopt the said event to enhance its manpower capabilities, ensuring a more successful execution and broader reach to effectively target and engage the entire college.”
Itatampok dito ang mga laro, palihan, at diskusyon sa pangunguna ng mga propesor at nakatataas na batch sa kolehiyo. Iginiit din ni Cruz na nagiging hantungan ng mga estudyanteng nagbabalak lumipat ng kolehiyo ang BAGCED sanhi ng hindi pagtugma ng mga programa rito sa kanilang mga personal na plano.
Nais ni Cruz na gawing plataporma ang pagpupulong upang mailahad ang iba’t ibang oportunidad sa larangan ng edukasyon sa tulong ng administrasyon ng BAGCED at ng home organization nitong Union of Students Inspired Towards Education (UNITED).
Gayunpaman, isiniwalat niyang nagsisimula pa lamang manumbalik ang operasyon ng UNITED matapos ang matagal na panahon. Pagsalag ni EDGE2022 Billy Chan, “Next year first term pa naman siya i-i-implement, [so it’s feasible for UNITED to help by then].”
Inusisa naman ni BLAZE2026 Jami Añonuevo ang pasya ng mga may-akdang isapormal ang college assembly sa halip na ang frosh convocation sa kanilang kolehiyo. Ipinaliwanag ni Chan na nagsimula ang resolusyon sa planong imandato ang frosh convocation, subalit inabisuhan sila ni CGE President Miggy Agcolicol na palawigin ito sa buong kolehiyo at sa mga nabanggit na aktibidad upang mapagtibay ang ugnayan sa loob ng BAGCED.
Magsusumite naman ng ulat ang mga opisyal ng CGE sa kanilang College Legislative Board (CLB) sa sitwasyong hindi maidaos ang college assembly. Pagkabahala ni Añonuevo, “Wouldn’t it be na it’s a bit biased. . . since they’re basically reporting sa CLB under the same college? It’s still under the same organization, so puwede niyong hatulan [ang mga hindi sumunod sa patakaran] ng something light.”
Bunsod nito, ipapasa na sa LA ang mga nasabing ulat. Tinutukan naman ni CATCH2T26 Sai Kabiling ang butas ng panukalang nagtatakda sa institusyonalisasyon ng programa sa halip na sa pagmamandato nito, gaya ng nakasaad sa titulo. Ipinaalala niyang kinakailangang matagumpay na naisakatuparan ng dalawang beses ang isang proyekto bago ito magawang institusyonalisado.
Nirepaso ni Chan sa LA floor ang mga pagbabago sa kanilang resolusyon. Tatawagin na itong CGE Mandatory College Assembly na isasakatuparan ng kanilang college student government sa unang termino ng bawat akademikong taon simula 2025. Dadaluhan ito ng mga miyembro ng executive board ng CGE. Samantala, iimbitahan dito ang lahat ng estudyante ng BAGCED at mga kumukuha ng minor course sa kolehiyo.
Inaprubahan ang pangwakas na resolusyon sa botong 6 for, 0 against, at 3 abstain.
Mga habilin ng lilisang lupon
Ibinalita ni Chief Legislator Elynore Orajay na natapos na ng LA ang pagproseso ng kanilang mga panukala. Bibigyang-tuon na lamang nila ang paghahanda para sa turnover sa susunod na administrasyon, bagaman walo lamang ang elected batch legislator (BL) kasunod ng Special Elections 2024 at hindi pa naibababa ng Office of the President ang direktiba upang punan ang mga mababakanteng puwesto.
Ipinaabot naman ng mga miyembro ng lupon ang kanilang mga sentimiyento sa paglisan nila mula sa posisyon. Pinuri ni EXCEL2024 at Committee on Rules and Policies (RnP) Chairperson Wakee Sevilla ang pagtaguyod ng RnP sa malalaking batas sa kabila ng kanilang kakulangan sa tao.
Isiniwalat din ni Sevilla na nasaksihan niya ang pagkakawatak-watak ng mga tauhan sa loob ng University Student Government (USG) sa kaniyang tatlong taong paninilbihan dito. Taliwas sa kaniyang dating karanasan, naniniwala siyang naging susi sa episyenteng operasyon ng kasalukuyang LA ang aktibong kolaborasyon.
Wika ni Sevilla, “I don’t know if anyone [here] will be a legislator next term. But if you are re-appointed, one of the best things we can do is carry the culture of this Legislative Assembly over to the next and teach the next legislators how it’s done.”
Binalikan naman si FAST2023 at Committee on National Affairs Chairperson Huey Marudo ang mga natanggap niyang bilin ukol sa pagkakakilanlan sa LA bilang pinakapartidista at politikal na sangay ng USG. Sa kabila nito, pinasalamatan niya ang lahat ng komite para sa pagbibigay-priyoridad nila sa kapakanan ng mga estudyante.
Ikinintal naman ni Kabiling, chairperson ng Committee on Students’ Rights and Welfare at isa sa dalawang two-time BL ng lupon, sa mga parating na baguhang lehislador ang kahalagahan ng pagtitiyaga sa trabaho at pagtatanong sa tamang tao upang matupad ang kanilang tungkulin. Payo niya, “Always remember, guys, it’s a big pressure. But look at our chief right now. They’re a first-time BL and they did so well. . . Take that as an inspiration, not as pressure.”