Ang Walang Hanggang Banyuhay Natin: Magtatagpo sa anomang panahon

mula sa Mad Child Productions

Pag-ibig o kapangyarihan—alin sa dalawa ang mas matimbang? Hindi na ito kailangan pang pag-isipan, tiyak ang tugon ng pusong umaapaw sa pag-ibig. Sa piitan ng tadhana’t mga nakatakdang landas, magpupumiglas ang tibok ng puso; aalpas ito at kakawala makapiling lamang ang sinisinta. 

Hango sa librong If Not, Winter: Fragments of Sappho ni Anne Carson, ikinuwento ni Mikaela Regis ang buhay ng limang babaeng nakipagsapalaran sa iba’t ibang hamon ng magkakaibang panahon. Sa direksiyon ni Kat Batara, isinadula ang walang hanggang pagbabanyuhay ng kababaihan sa pakikipagrelasyon, pakikibaka, at sa kabuoang pagdanas sa buhay bilang isang babae. 

Malaking bahagi ang gampanin ng kababaihan ng Mad Child Productions upang maitanghal ang naturang obra. Inukit nila ang kanilang mga sarili sa dulang ito mula sa pamamahala ng entablado at disenyo hanggang sa tunog at ilaw nito—lahat ng mahahalagang salik sa pagtagos ng kuwento sa manonood. 

Pagpili sa pag-ibig

Hindi alintana ng awit ang layo ng distansiya. Maririnig ito hanggang sa kasulok-sulukan ng mundo. Binuksan ang dula sa himig ng babaylang si Anggoran na makatindig-balahibong ginampanan ni Liway Perez. Nakatakdang ikasal ang kasintahan niyang si Dayang Buka na buong husay namang ginampanan ni Joy Delos Santos. 

Nang papiliin ang babaylan—pag-ibig o kapangyarihan? Walang pag-aalinlangan niyang naging kasagutan ang pag-ibig na tila bang nag-iisang tiyak at paulit-ulit na papanigan ng puso. Sa mapaglarong kapalaran, pilit silang pinaghiwalay sa buhay na binalot ng hapis. 

Subalit, hindi kailanman tuluyang napagwawalay ang dalawang itinadhanang kaluluwa. Waring nakabigkis ang mga landas at iisang pag-ibig ang ugat. Sa kanilang pagbabanyuhay upang muling magkrus ang mga nangungulilang puso, kukulayan ng wagas na pag-ibig ang kanilang bawat buhay. 

Iba’t ibang persona at panahon

Sa yugto ni Joan, na binigyang-buhay din ni Perez, at Alba, na ginampanan ni Ara Fernando, nasaksihan ang pagmamahal sa bayang handang ipaglaban—susuungin maging ang banta ng pamamaalam upang tumugon sa panahong sabik sa paglaya. 

May mga bagay na hindi na lamang sinasambit upang maiwasan ang pag-aalala ng mga mahal sa buhay. May distansiya mang nais tawirin at sikaping habiin, may pagkakataong nais din itong sarilihin. Sa tagpo ng mag-inang Annette, na binigyang-karakter din ni Fernando, at Laya, na ginampanan ni Teia Contreras, maingat na tinalakay ang isyu ng kalusugang pangkaisipan. Gayundin, tinahak ang agwat ng mga henerasyon sa pagkubli at pagharap sa mga ingay sa isip at ang maaaring pagkunan ng lakas. 

Sa pagpapatuloy sa buhay sa kabila ng dagok ng pagluluksa, sasandig ang nangungulila sa kapuwang nakararanas ng pighati. Sa magaan, ngunit madamdaming mga papel nina Iman Ampatuan at Contreras sa magkapatid na Charm at Jessa, natagpuan ang halaga ng pagdamay—siyang daluyan ng pag-asa sa mga yugtong hindi na maikubli ang mga matang namumugto. 

Hinahanap ng algoritmo at teknolohiya ng isang dating application ang magkatugmang kaluluwa. Sa mahusay na pagbibigay-buhay sa mga karakter nina Sam at Tina nina Ampatuan at Delos Santos, hindi maitatago ng mga manonood ang mga pusong pumipitlag sa kilig—patunay na hindi kailangang uriin ang sinoman mula sa alpabeto ng seksuwalidad ng tao, basta’t umiibig nang totoo. Sapat na ito upang maniwala sa kapangyarihan ng nakatakdang kuwento ng pag-ibig. 

Isang patutunguhan

Patuloy na ibabahagi ng kababaihan ang danas sa anomang pagbabanyuhay. Salamin ng tamis at salimuot ng buhay bilang isang babae ang pagsasadula sa sining na ito—pagbuno sa puwang na madalas hindi nabibigyang-tuon. 

Hindi balakid ang panahon sa babaylang umibig sa kasintahang babae o sa mga mag-aaral na nakikisa sa layon ng paglaya noong dekada ‘70. Maging sa mag-inang sinubukang unawain ang kani-kaniyang damdamin, magkapatid na humugot ng lakas mula sa isa’t isa sa kabila ng pagluluksa, o mga estrangherong unang beses magkikita, sumisidhi ang pag-ibig na walang kinikilalang anyo o hangganan ng panahon.