Pagsasapormal sa Law Commission Act of 2024 at ng commission president, pinangasiwaan sa mga sesyon ng LA

IPINASA ang mga panukalang batas para sa institusyonalisasyon ng Law Commission (LAWCOM) at ni Attorney General at dating Chief Legislator Sebastian Diaz bilang LAWCOM president sa ika-17 at ika-18 mga regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Nobyembre 20 at 27.

Pangungunahan ng LAWCOM ang mga pagsusuri at konsultasyon hinggil sa mga batas sa De La Salle University (DLSU), kabilang ang mga pagbabago sa University Student Government (USG) Constitution.

Pagpapalakas ng batas

Tinalakay ni Chief Legislator Elynore Orajay ang pangangailangan ng LA ng isang lupon ng mga tagapayo para sa pagpapabuti ng mga batas sa loob ng USG, kabilang ang Konstitusyon. Layunin din ng LAWCOM na abisuhan ang iba pang opisina ukol sa pagpapatupad ng mga legal na reporma. Maaari silang umagapay sa pagbuo, pagwaksi, at pagsasaayos ng mga batas upang tumalima sa mga polisiya ng Pamantasan.

Inaatasan ang Komisyong magsagawa ng mga pag-aaral, konsultasyon, o pagdinig para sa pangangalap ng datos. Iminamandato rin silang magtatag ng sistema para sa pagbantay at pagsuri ng mga batas ng lehislatura.

Pamumunuan ang LAWCOM ng commission president na i-e-endoso ng USG president at pipili ng hanggang apat na komisyoner. Nararapat namang nakapaglingkod bilang lehislador o mahistrado ang uupong commission president.

Magkakaroon naman ang mga komisyoner ng LAWCOM ng kapangyarihang magpatawag ng mga indibidwal o humingi ng mga makabuluhang dokumento. Isusumite nila sa commission president ang rason ng pangangailangan nito upang maaprubahan.

Padadalhan ng demand to appear or produce na may bigat ng isang subpoena ang ipinatawag na indibidwal matapos tatlong beses na hindi sumunod sa kahingian ng komisyoner.

Pagkuwestiyon sa resolusyon

Inusisa ni BLAZE2026 Jami Añonuevo ang pagkakaiba ng LAWCOM sa LA. Binigyang-linaw ni Orajay na wala sa lebel ng lehislatura ang Komisyon, bagkus magsisilbi lamang silang kaagapay ng LA sa pagrepaso at pag-enmiyenda ng mga batas.

Pag-alma naman ni EDGE2022 Billy Chan, “I’m kind of questioning lang the relevance of this commission, kasi aren’t all students allowed to suggest changes to the Constitution, for instance. And lalapit sila sa LA representatives [for that]?”

Ipinaliwanag ni Orajay na magiging kasangga ng LA ang LAWCOM sa pagsiyasat sa mga posibleng pagbabagong ito. Pagpapalalim ni CATCH2T26 Sai Kabiling, hango ang LAWCOM sa mga komisyon sa bansang tinututukan ang iba’t ibang batas. Isinalaysay niyang orihinal itong binuo para sa mga reporma sa Konstitusyon, ngunit napagdesisyonan ng mga may-akdang palawigin ito matapos isaalang-alang ang malaking bilang ng mga resolusyon sa Pamantasan.

Giit ni Kabiling, “There are some things that, you know, slip from our point of view. It’s great that we have an additional body. . . to ensure na may constant review pa rin at recommendations sa Legislative Assembly.”

Ikinabahala naman ni Añonuevo na nangangahulugan ang pahayag ni Kabiling na hindi nagagampanan ng mga lehislador ang kanilang responsibilidad. Ipinauwa ni Kabiling na hindi ginawa ang LAWCOM upang saluhin ang mga tungkulin ng LA.

Pangangatuwiran ni Orajay, “With the LAWCOM, mas sila ‘yung mga mas tutok. . . Hindi sila as bound by time and bureaucracy unlike us. . . Mas mapapabilis ‘yung processes natin, kasi mayroon silang certain outline.”

Inaprubahan ang resolusyon sa botong 10 for, 0 against, at 0 abstain.

Unang pinuno

Itinaguyod ni FAST2022 Irish Garcia ang pagtatalaga kay Diaz bilang LAWCOM president matapos ang nominasyon ni USG President Raphael Hari-Ong. Binusisi naman ni EXCEL2024 Wakee Sevilla ang mga plano ni Diaz para sa pagbuo ng estruktura ng Komisyon at pagrebisa ng USG Constitution.

Ibinida ni Diaz ang layunin ng LAWCOM na magtatag ng mga ad hoc committee para sa iba’t ibang batas. Minamata niyang pag-isahin ang Code of Penalized Acts at Code of Violations, gayundin ang Administrative Code at Code of Conduct and Responsibilities. Binigyang-pansin din ni Diaz ang paggawa ng isang komite para sa pag-enmiyenda ng Omnibus Election Code at pagpokus sa mga isyu sa eleksiyon.

Makikipagtulungan naman siya sa Committee on Rules and Policies ng LA at Counsel Officers Committee ng Judiciary upang ipanukala ang mga posibleng pagbabago sa Konstitusyon.

Ipinunto ni Diaz ang pagtukoy sa mga hindi na kinakailangang opisina at posisyon sa loob ng USG kasunod ng pagbaba ng kanilang badyet. Nais din niyang repasuhin ang ugnayan ng DLSU sa mga kampus at kolehiyo nito, partikular na sa harap ng pagtaas ng populasyon sa kampus ng Laguna at ang paglunsad ng mga undergraduate program sa iba’t ibang kampus. 

Wika ni Diaz, “For me, the proposal that I want to focus on is how do we strengthen the relationship of the LCSG [Laguna Campus Student Government] with the rest of the USG? And by doing so, also ensure na we don’t end up always having to appoint officers in the Laguna Campus.”

Ibinahagi niyang nagkaroon na siya ng diskusyon kasama sina USG President-elect Ashley Francisco at LCSG President Nauj Agbayani ukol sa hangarin ng kampus ng Laguna para sa mas malakas na representasyon sa Pamantasan bago ang Special Elections 2024. Isinaad din ni Diaz na nararapat tiyaking iiral ang USG para sa mga undergraduate student sa Tañada-Diokno School of Law simula akademikong taon 2025–2026.

Samantala, ibinalita ni Diaz na nagpulong sila ng Office of Student Affairs at Office of the Vice President for Lasallian Mission hinggil sa The Academy. Isiniwalat niyang hindi matutuloy ang plano ng Pamantasang isama ang mga estudyante ng senior high school sa mga aktibidad sa pangkolehiyong lebel dahil sa limitasyon ng hiwalay na pamamahala ng Department of Education at Commission on Higher Education sa dalawang antas.

Binigyang-halaga naman ni Diaz ang gampanin ng LA sa pagtugon sa mga isyu ng iba’t ibang sektor sa pagsulong niya sa LAWCOM Act bilang kapuwa may-akda.

Paliwanag niya, “The Law Commission is there to review and study primarily structural and systemic issues. . . The uniqueness [and] the creativity of the LA still gets to happen. . . But then, I believe it would really help the LA if they get to focus more on the gut issues of their constituents.”

Hinirang si Diaz bilang LAWCOM president sa botong 9-0-0.