“Ang mga eleksiyon ay dominado ng Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon—kahit manalo sila o hindi, makatakbo o hindi.”
DUMAING ang mga estudyante para sa nararanasang limitasyon sa pamimilian at pagkakahati ng mga botanteng Lasalyano dulot ng monopolisasyon ng dalawang partidong politikal sa mga halalan ng University Student Government.
Karapatang pinoprotektahan ang iilan
Binigyang-diin ni Jane Peñaranda*, ID 122 mula Bachelor of Arts in Southeast Asian Studies at Bachelor of Science in Legal Management, na gumagawa ng malaking dibisyon sa mga estudyante ang pananaig ng mga partido. Iginiit niyang nawawalan ng interes ang mga botante sa eleksiyon dahil sa mas mabigat na pokus sa mga hindi produktibong retorika laban sa isa’t isa kompara sa plataporma ng mga grupo.
Pagpapalalim ni Peñaranda, “Nagiging sanhi ito ng malaking polarization at negative partisanship. May mga botante na bumoboto sa kabilang partido dahil lang hindi nila gusto ang mga kandidato mula sa kabila.”
Ipinunto rin niyang maraming benepisyo sa mga kandidato ang pagsali sa mga naturang organisasyon, kagaya ng suporta ng alumni at akses sa mga platapormang nagpapalawak ng kanilang ugnayan sa mga estudyante.
Ipinahayag ni Aronne Arellano*, ID 122 mula Bachelor of Science in Biology major in Molecular Biology and Biotechnology, na walang may karapatang ariin ang pamamahala. Ikinintal din niyang panahon ang halalan para sa pagsulong ng mga bagong plano.
Pag-alma ni Arellano, “Kung may tiwala tayo sa demokratikong karunungan ng Pamantasan, hindi tayo magpapakampante sa kaisipang sapat na ang dalawang pilian, kung saan marami pang mga ideya ang hindi nailalagay sa talaan.”
Ipinabatid din niyang nagkakaroon lamang ng palitan sa pag-upo sa posisyon ang Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon tuwing nadidiskalipika sa eleksiyon ang isa sa kanila. Sa kabila nito, kinilala ni Arellano ang mga partido bilang patunay na may kakayahan ang mga estudyanteng gawing organisado ang kanilang mga adbokasiya.
Reporma para sa halalan
Isinaad ni Vanessa Gonzalez*, estudyanteng lider mula sa isang opisyal na organisasyon sa De La Salle University, na hindi natutugunan ng dadalawang partido ang iba’t ibang danas ng buong komunidad. Naniniwala siyang produkto ng mga sistema ng eleksiyon ang limitasyong ito sa demokrasya.
Iminungkahi ni Gonzalez ang pagpapatibay sa transparency at pagtiyak na walang conflict of interests na magreresulta mula sa mga proseso ng halalan. Isang paraan ang pagsigurong hindi miyembro ng kalabang partido ang mga lalagda sa C-03 ng Certificate of Candidacy o ihahaing leave of absence mula sa opisina at sentral na komite ng kandidato.
Nais naman nina Peñaranda at Arellano na maisaayos ang burukrasya sa kasalukuyang prosesong elektoral na nagdudulot ng kawalang-kakayahan ng mga kandidatong makilahok. Ani Peñaranda, hindi napahahalagahan ang kritikal na pag-iisip sa isang eleksiyong walang pamimilian.
Nanawagan naman si Arellano sa Commission on Elections na mas bigyang-priyoridad ang pagtataguyod ng demokrasya at bawasan ang paghihigpit sa mga burukratikong patakaran. Paliwanag niya, “Ang kalagayan natin ngayon na nakatali sa ideya na ang pagpreserba ng demokrasya ay tila isang pasibong gawain ay nakababalisa at sumasalamin sa ating pambansang gobyerno.”
*Hindi tunay na pangalan