Green at Lady Paddlers, kumawala sa ikalimang araw ng UAAP

Kuha ni Margaret Zapata

UMARYA ng panalo ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Paddlers sa pagpapatuloy ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Table Tennis Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Nobyembre 23. 

Namayagpag ang Green Paddlers sa kanilang mga sagupaan kontra University of the Philippines (UP) Men’s Table Tennis Team, 3–2, at University of the East, 3–0. Inihawla naman ng Lady Paddlers ang kanilang karibal na Ateneo de Manila University (ADMU) Women’s Table Tennis Team, 3–2, ngunit nabiktima ng puwersa ng UP Women’s Table Tennis Team, 2–3. 

Pumailanglang na dominasyon

Pinangunahan ni DLSU Team Captain Elijah Yamson ang pagratsada ng Berde at Puting koponan kontra Fighting Maroons matapos gulpihin si Gabriel Nieva sa unang salpukan, 11–9, 11–7, 11–6. Subalit, lumantad ang baguhang karanasan ni DLSU rookie Yvess Reg sa pangkolehiyong kompetisyon nang yumukod kay UP veteran Luis De Asis sa kabila ng pagrehistro ng maagang angat, 11–4, 9–11, 5–11, 3–11. 

Trinabaho naman ng luntiang tambalan nina Andrei Villacruel at Peter Zambrano ang muling pagpapaliyab sa momentum ng mga taga-Taft pagdako ng doubles match matapos kumana ng panalo kontra sa mga pambato ng Diliman na sina Earnst Salloman at Paul Tolentino, 14–12, 11–8, 11–8. Ngunit, nauwi sa decider match ang engkuwentro nang bigong masiil ni Green Paddler sophomore Red Torres ang tagumpay at isuko ito sa palad ni Dirk Odian II, 11–2, 6–11, 11–7, 6–11, 3–11. 

Sa kabila ng bigong pag-ungos sa unang bahagi ng bakbakan, unti-unting lumitaw ang bentahe sa kort ni sophomore Troy Docto nang salakayin ang kuwartel ni Diliman mainstay John Pacis, 11–13, 11–9. Nagpatuloy ang pagsalaksak ni Docto ng mga tirada patungo sa naghihikahos na depensa ni Pacis upang selyuhan ang mahalagang panalo ng Green Paddlers, 11–6, 11–9. Bunsod ng talas ng mga palaso, nanaig ang luntiang hanay kontra sa naghahabol na Fighting Maroons, 3–2.

Muli namang pinadagundong ni Kapitan Yamson ang kort nang ipalasap ang pagkatalo sa mandirigmang si Miguel Panelo sa opening singles match, 11–3, 11–6, 11–6. Nakamtan din ni Green Paddler Dino Marcelo ang kaniyang unang panalo sa torneo matapos puksain si UE player Kurt Villarico sa ikalawang sagupaan, 13–11, 11–6, 11–9. 

Tangan ang momentum mula sa pag-arangkada nina Yamson at Marcelo, pinaigting ng tambalang Villacruel at Zambrano ang dominasyon ng Taft-based squad kontra sa pagtatangka nina Red Warriors Engelo Columna at Vincent Origenes, 11–9, 11–9, 11–9. Bunsod nito, nakamit ng DLSU ang perpektong kartada sa ikalimang araw ng torneo, 3–0. 

Tumaliwas na pana 

Sinalubong ng pagkatalo ang umaga ng DLSU Lady Paddlers nang mabigo si Mariana Caoile na habulin ang matikas na si ADMU player Destine Jover, 6–11, 11–9, 5–11, 6–11. Gayunpaman, hindi ito pinalampas ni Kapitana Angel Laude nang agad bawiin at tapusin ang ikalawang laro laban kay Audrey Solis, 11–7, 11–6, 11–7. Hindi naman napangalagaan nina Chime Caoile at Arianna Lim ang pagpabor sa kanila ng tapatan matapos ang mahaba at magkalapit na alitan sa doubles match kontra kina Kaela Aguilar at Elira Docto, 10-12, 11-5, 7-11, 6-11.

Nagsilbing lakas ang pagkadapa ng pangkat sa doubles round para kay DLSU veteran Cielo Bernaldez nang walang pag-aatubiling wakasan ang laro kontra kay reigning Rookie of the Year Jelaine Monteclaro, 12–10, 11–7, 11–7. Sinundan naman ito ng dahas ni Shyrein Rodequeiro sa makabuntong-hiningang 5-set game laban sa nagkukumahog na agilang si Kathleen Bulaqueña, 8–11, 11–5, 5–11, 11–5, 12–10, upang manaig ang Taft-based squad sa mga taga-Loyola Heights, 3–2.

Sa pagsalubong ng panibagong salpukan sa hapon, hindi nagpatinag ang tindig ng luntiang koponan nang panimulan ni Laude ang kampanya ng Lady Paddlers kontra kay Bethel Sadora ng UP Women’s Table Tennis Team, 11–3, 11–2, 11–1. Tinangka namang panatilihin ni M. Caoile ang kislap ng Taft sa dikit na tapatan, ngunit nabigo pa rin siyang abutin ang itinalang bentahe ni Khorquina Lozada, 11–9, 11–8, 16–18, 8–11, 6–11. Gayundin, dumausdos ang tambalan nina C. Caoile at Lim sa puwersa nina Angela Puentespina at Rea Rusiana, 11–7, 11–5, 8–11, 6–11, 5–11.

Matapos ang dalawang magkasunod na pagkabigo, hinatiran ng pag-asa ni Bernaldez ang koponan ng Taft sa maagap na panalo kontra sa kinatawan ng UP na si Ella Hicap, 11–7, 12–10, 11–8. Sa kabila ng mataas na hangarin ng Lady Paddlers na sungkitin ang ikalawang panalo sa parehong araw, kinapos ang puwersa ni Redoquerio sa pagtapyas ng kalamangan ni Althaea Salvador sa kapana-panabik na fourth singles match, 11–13, 13–11, 10–12, 4–11. 

Pag-asam ng gantimpala

Ipinahayag ni DLSU rookie Reg sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga napagtanto niyang pagkukulang mula sa sagupaan nila ng UP. Pag-amin ng bagong salta, “‘Yung play style ko kanina, parang wala akong tiwala sa sarili ko. Umaasa lang ako sa depensa ko. Tapos kinakabahan din ako. . . ‘Yung parang wala akong kumpiyansa [at] wala akong lakas ng loob.”

Nang tanungin tungkol sa kaniyang mga gagawing pagsasaayos, ibinahagi ni Reg sa APP na susubukan niyang panatilihin ang kaniyang setup. Dagdag pa niya, kailangan niyang maging matapang upang makatira ng opensa at hindi malunod sa mga palo ng mga susunod na katunggali. Sukbit ni Reg ang mithiing makatulong sa mga kasamahan upang palakasin pa ang kanilang 7–3 panalo–talo kartada sa pagtungtong sa Final Four round.

Bagaman malamlam ang naging takbo ng araw ng Lady Paddlers, nahagip ng pangkat ang 6–4 panalo-talo baraha upang selyuhan din ang puwesto sa Final Four.