Lady Spikers, nginatngat ng Lady Bulldogs sa Game 1

HINDI NAKAPORMA ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa nagkukumahog na National University (NU) Lady Bulldogs, 16–25, 12–25, 25–27, sa kanilang unang tunggalian sa best-of-three finals series ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Nobyembre 22.

Sa kabila ng pagkabigo, pinangunahan nina DLSU Team Captain Angel Canino at opposite spiker Shevana Laput ang naging opensa ng Lady Spikers tangan ang pinagsamang 20 puntos. Hinirang namang Most Valuable Player of the Match si NU playmaker Camilla Lamina matapos kumumpas ng 15 excellent set.

Maagang inutakan ni NU opposite hitter Alyssa Solomon ang butas na kort ng DLSU gamit isang dropball kasunod ang error mula kay Laput, 3–6. Ngunit, hindi natinag si Laput at nagpakawala ng dalawang off-the-block hit na sinundan ng kill block ni middle blocker Amie Provido, 10–12. Pumukol pa si Laput ng isang crosscourt hit, 11–14, subalit sunod-sunod na nagpasabog ng mga bomba si open spiker Vangie Alinsug upang palawakin ang bentahe ng NU, 12–19. Saglit na nagyelo ang momentum ng NU nang magtala ng service error si Solomon, 13–19, ngunit agad itong binawi ni Alinsug sa bisa ng dalawang malupit na tirada at isang service ace, 13–22. Itinakda ng huling service error ni Bjyne Soreño ang naging pagtatapos ng unang set, 16–25.

Patuloy na rumatsada ang Lady Bulldogs sa ikalawang set nang sindakin ang depensa ng Lady Spikers, 0–4. Inirehistro ng Taft mainstays ang kanilang unang puntos sa yugto gamit ang crosscourt hit ni Soreño, ngunit agad itong nalusaw matapos siyang magpamigay ng error, 3–6. Nagpanimula ng panibagong pag-asa para sa Berde at Puting koponan ang service error ni Solomon, subalit patuloy na pinutakte ng NU ang depensa ng DLSU, 6–12. Nagpasiklab naman ng backrow attack ang beteranang si Alleiah Malaluan na pinaigting ng off-the-block hit ni rookie Shane Reterta at block ni sophomore Lilay del Castillo, 9–18. Gayunpaman, tinuldukan na ni Chams Maaya ang naturang set sa isang matikas na off-the-block hit para sa mga nagngangalit na Lady Bulldogs, 12–25. 

Mabagal ang naging takbo ng ikatlong set bunsod ng palitan ng errors ng dalawang koponan, 3–4, bago itabla ni Canino ang sagupaan sa isang crosscourt hit, 4–all. Sa kabila nito, hindi pa rin nakaporma ang depensa ng Berde at Puting kalasag laban sa walang humpay na mga atake ng bulldogs, 6–11. Muling sumulong ang Lady Spikers matapos ang mga regalong error ng NU, block ni Del Castillo, at back-to-back basag-blocker hit ni Laput, 17–18. Nagpakislap pa ng isang kill block si Provido upang itabla ang talaan, 21–all. Gayunpaman, mabilis na kumayod si Lady Bulldog Alinsug ng drop shot upang balewalain ang pag-arangkada ng mga nakaberde, 25–27.

Kakailanganing bumawi ng Lady Spikers sa ikalawang paghaharap kontra Lady Bulldogs upang panatilihin ang kanilang kapit sa kampeonato sa parehong lugar sa ika-5:00 n.h. ngayong Linggo, Nobyembre 24.