Lady Archers, naduhagi sa atungal ng Growling Tigresses

Mula UAAP Season 87 Media Team

HUMANDUSAY ang mga kawal ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa mabalasik na puwersa ng University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses, 52–70, upang isara ang ikalawang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa FilOil EcoOil Centre, Nobyembre 23.

Nagpakawala si Lady Archer Luisa San Juan ng 15 puntos at isang assist para sa opensa ng DLSU. Umagapay rin sa Berde at Puting koponan sina graduating player Lee Sario at Betts Binaohan na gumawa ng pinagsamang 15 puntos. Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si España stalwart Ana Mae Tacatac na may 14 na puntos at tatlong assist.

Kinalawang ang naging bungad ng Taft-based squad nang maungusan ng 14 na marka mula sa mga kamay ng defending champions, 0–14. Nagsimulang pumuntos si Binaohan mula sa jump shot sa huling isang minuto at apat na segundo ng kuwarter, 2–14. Agad namang inapula nina reigning Most Valuable Player Pastrana at Vergen Maglupay ang pagpapasiklab ng Lady Archers, 2–20. Nagwakas ang unang kuwarter sa isang freethrow mula kay Team Captain Bernice Paraiso tangan ang 17 puntos na pamamaga ng talaan, 3–20. 

Maagang umalagwa ang Lady Archers mula sa jump shot ni Lee Sario pagdako ng ikalawang yugto, 5–20. Sumunggab naman si Binaohan mula sa arko at nagpamalas ng sariling bersiyon ng jump shot, 9–22. Ibinaba ng Taft-based squad sa sampu ang kalamangan ng Golden Tigresses sa bisa ng tres ni point guard Luisa Dela Paz, 12–22. Unti-unting bumulusok ang Lady Archers matapos mabaon mula sa sunod-sunod na tres ni Tacatac, 16–34. Muli nang nakakuha ng momentum ang mga pambato ng Taft mula sa mga nag-iinit na tira ni Dela Paz, 22–36, na sinagot ni Tacatac ng isang tres, 22–39. Nagtapos ang ikalawang kuwarter sa freethrow ni Patricia Mendoza, 23–39. 

Sinindihan ni Nicole Danganan ang pagpapasiklab ng Growling Tigresses sa unang bahagi ng ikatlong kuwarter matapos magsumite ng two-point basket, 23–41. Sinabat ito ng isang libreng tres mula kay Sario upang putulin ang kalamangan ng UST, 26–41. Umaatikabong pasa ang pinakawalan ni Gin Relliquette patungo kay CJ Maglupay upang paigtingin ang bentahe ng España-based squad gamit ang isang layup, 35–54. Tinangka pang tapyasin ni San Juan ang barikadang ikinamada ng mga tigre, 38–54, ngunit walang kinatatakutang bumagtas si Relliquette ng three-point money upang selyuhan ang kanilang kampanya sa naturang kuwarter, 38–58.

Mabilisang layup ang sinalubong ng ginintuang hanay sa depensa ng DLSU sa pangunguna ni Rozie Amatong, 38–60. Buwelo at rebound mula sa hindi naipasok na tres ni Bea Dalisay ang nag-udyok kay center Kyla Sunga na magrehistro ng two-pointer upang pataasin ang kumpiyansa ng Taft-based squad, 41–62. Ninais pang makadikit ni San Juan gamit ang ‘no-look shot’ na sinundan ng isang pukol ni Sario sa loob ng two-point zone, subalit hindi ito naging sapat upang mapabagsak ang matatapang na tigre mula España, 52–70.

Bunsod nang pagkalaglag sa Final Four, tuluyan nang nagpaalam ang Berde at Puting koponan sa naturang season bitbit ang pinaghirapang 4–10 panalo–talo kartada.

Mga Iskor:

DLSU 52 – San Juan 15, Sario 9, Binaohan 8, Sunga 7, Dela Paz 6, Mendoza 3, Santos 2, Dalisay 1, Paraiso 1, Bacierto 0, Camba 0. 

UST 70 – Tacatac 14, Pastrana 10, Santos 9, Danganan 9, Sierba 7, Maglupay 6, Reliquette 5, Ambos 2, Amatong 2, Bron 2, Soriano 0, Pineda 0, Serrano 0, Pescador 0.

Quarter scores: 3–20, 23–39, 38–57, 52–70.