Green Spikers, napiyapi sa pagdaluyong ng Tamaraws at Bulldogs

Kuha ni josh Velasco

BIGONG KUMIPKIP ng tagumpay ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 19–21, 10–21, at National University (NU) Bulldogs, 16–21, 17–21, sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 23.

Natadtad sa ginuntuang pag-araro

Binuksan nina Green Spiker Andre Espejo at Tamaraw Amet Bituin ang ikaapat na araw ng torneo sa palitan ng mga palo. Pumabor ang momentum sa mga taga-Morayta sa ikalawang bahagi ng set matapos magpasiklab ng 5–0 run, 11–16. Kinapos ang tangkang pagdikit ng Taft mainstays sa talaan nang bigong abutin ng kaliweteng si Von Marata ang binitawang cut shot ni FEU player Reynan Postorioso, 19–21.

Agad na napuruhan ang DLSU nang magpakawala ng 5–0 run ang tandem mula Morayta sa ikalawang set, 1–5. Ikinadena ng Taft duo ang talaan matapos habulin ang pagragasa ng mga Tamaraw, 6–all. Mariing binakuran ni Bituin si Morata na naging hudyat ng isa na namang 5–0 run mula sa FEU, 9–18. Hindi na pumabor sa mga taga-Taft ang bentahe nang tuluyang umalagwa ang mga pambato ng Morayta at inangkin ang panalo, 10–21.

Naudlot na pagtuldok

Dikit na talaan ang naging eksena sa pagdako ng DLSU sa ikalawang bakbakan kontra NU Bulldogs. Salitan ng mga hampas at error ang naging kuwento ng set, 16–all. Samantala, minulto ang luntiang tambalan ng sarili nilang error na nagpainit sa pag-arangkada ng mga taga-Jhocson. Winakasan ni NU player Rein Gemarino ang set nang kumamada ng dalawang magkasunod na service ace, 16–21.

Maagang rumatsada ang Green Spikers nang puwersahang hulugan ang depensa ng Bulldogs, 5–2. Ibinalik naman ng Jhocson mainstays ang pagbomba sa bisa ng one-handed block ni Gemarino kay Espejo, 6–8. Napako ang iskor ng Berde at Puting kampo nang magpaulan ang asul na koponan ng 6–0 run pasan ang dalawang service ace ni Alex Iraya, 7–14. Bunsod nito, nabigong dungisan ng Green Spikers ang makinang na karera ng Bulldogs, 17–21.

Sa pagkakatalisod sa dalawang pangkat, bumagsak ang Taft mainstays sa 2–4 panalo–talo kartada. Hindi man uusad sa semifinals ng torneo, susubukan ng grupong pumarada sa isang pambihirang pagtatapos kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa parehong lunan sa ika-2:00 n.h., Nobyembre 24.