MAGKASALUNGAT ang direksiyong tinahak ng mga pinakawalang palaso ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Paddlers sa pagwawakas ng unang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Table Tennis Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Nobyembre 21.
Nalula ang Green Paddlers sa pagaspas ng Adamson University (AdU) Men’s Table Tennis Team, 2–3. Sinalakay naman ng mga pambato ng Taft ang kampo ng University of the East (UE) Men’s Table Tennis Team, 3–1, upang irehistro ang isang panalo at isang talo sa nasabing araw. Samantala, dinomina ng defending champions Lady Paddlers ang UE Women’s Table Tennis Team, 3–0, at AdU Women’s Table Tennis Team, 3–0, sa parehong lugar at araw.
Kagimbal-gimbal na panimula
Maagang namayani ang presensiya ni DLSU Team Captain Elijah Yamson sa unang singles match kontra sa kinatawan ng AdU na si Benedict Rabaya, 11–3, 11–3, 11–6. Gayunpaman, nabiktima si rookie Yvess Reg sa mga patibong ng palkong si Amiel Aroma at tuluyang kinapos sa pagratsada sa decider, 8–11, 11–3, 11–9, 10–12, 6–11. Lumagapak din ang magkapanalig na sina Andrei Villacruel at Peter Zambrano sa kabila ng pagdomina sa mga naunang yugto at iniregalo ang panalo sa mga taga-San Marcelino na sina Jhon Balucos at Aldrean Gacho, 12–10, 3–11, 10–12, 11–6, 8–11.
Sa kabila ng napupunding dilaab, sumaklolo si DLSU sophomore Red Torres sa dumadausdos na pagsalakay ng luntiang sandatahan at sinelyuhan ang mapaghiganting panalo kontra sa bughaw na si Joshua Lascano, 11–8, 11–13, 11–5, 13–11. Gayunpaman, nabigo pa rin ang kampanya ng Taft-based squad kontra AdU nang bumulusok ang mga tirada ni Troy Docto laban kay Amiel Sumadsad, 11–4, 13–11, 5–11, 9–11, 16–18.
Umayon naman ang ihip ng hangin sa panig ng Green Paddlers nang makasagupaan ang mga mandirigma ng Silangan. Nangibabaw ang maalab na diwa ni Kapitan Yamson nang payukurin ang kawal na si Laridge Legaspi, 11–3, 11–8, 11–5. Nanaig din ang puwersa ni Torres sa kabila ng malamlam na bungad nang upusin ang kagitingan ni UE player Kurt Villarico sa ikalawang singles, 4–11, 10–11, 11–5, 11–5, 11–6.
Muling nabiktima ang tambalang Villacruel at Zambrano pagdako sa doubles match nang pumailalim sa mga kumpas nina Engelo Columna at Vincent Origenes, 9–11, 9–11, 9–11. Subalit, taas-noong tinapos ni Green Paddler Docto ang unang yugto ng torneo nang patumbahin ang nagngangalit na kinatawan ng Recto na si Johnster Rosales, 12–10, 10–12, 11–7, 5–11, 11–9.
Paglipana ng matatalim na pana
Nananatiling perpekto ang bitbit na rekord ni Team Captain Angel Laude sa torneo matapos padapain ang mandirigma ng Silangang si Jean Ramos sa opening singles match, 11–6, 11–9, 11–3. Agad namang pinaigting ng beteranang si Cielo Bernaldez ang pagkakagapos ng UE nang isawalang-bisa ang mga pagtatangka ni Danica Galang, 11–9, 11–8, 11–6. Hindi na hinayaan pang makatakas nina Taft-based duo Chime Caoile at Arianna Lim ang nagpupumiglas na sina Nelly Baroro at Maorielle Nicolas upang ibulsa ang unang panalo ng Lady Paddlers sa naturang araw, 11–9, 12–10, 11–6.
Muling nagpakitang-gilas si national team standout Laude buhat ng kaniyang mga agresibong palo kontra kay Lady Falcon Alyssa Toleco, 11-3. Dali-daling winakasan ng Kapitana ang unang sagupaan upang gatungan ang nagliliyab na momentum ng defending champions, 11–4, 11–4. Nagpatuloy ang pag-alab ng apoy mula sa hanay ng Berde at Puti nang pataubin ni DLSU veteran Bernaldez ang palkong si Trisha Ramoneda sa unang set, 11–7. Sumalamin naman ang eksena mula sa opening game nang tuluyang ipako ni Bernaldez si Ramoneda sa apat na puntos, 11–4, 11–4.
Hindi naman nagpahuli ang tambalan nina Caoile at Lim laban kina AdU player Mary De Guzman at Angel Panalo. Bagaman nagkaroon ng gitgitan ang dalawang pangkat, nanatili ang siklab ng mga dagling palo ng Taft-based duo, 7–11, 11–7, 11–4, 6–11, 11–8, na kumuha ng tagumpay ng Lady Paddlers kontra Lady Falcons, 3–0.
Hubog ng palaso
Isinalaysay ni DLSU sophomore Docto sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang mga naging motibasyon upang manalo sa kabila ng baku-bakong daang tinahak sa pagharap kina Sumadsad at Rosales. Sinolido niya ang kaniyang konsentrasyon sa laro upang hindi na marinig ang mga ingay sa kaniyang paligid—habang nasa kort man o sa oras ng timeout. Wika ni Docto, “Mag-relax lang [at] i-calm lang ‘yung sarili, tapos focus pa rin. Naka-focus ako sa kung paano ko makukuha ‘yung point ko. ‘Di ko na iniisip ‘yung score, lamang man ako o tabla.”
Sa kabilang banda, ibinahagi ni Kapitana Laude sa APP na marami silang natutuhan sa mga sinuong nilang engkuwentro at ang kaibahan sa kanilang galaw at laro mula sa nakaraang mga laban. Aniya, “Ngayon mas focus kami at mas eager kami manalo. Before, siguro mga first few games hindi pa gano’n [kalakas] ‘yung drive sa game, especially na mayroon na kaming two loss. Hindi na namin hinayaan madagdagan pa ‘yung talo namin.”
Siniil ng Green Paddlers ang 4–2 panalo–talo kartada na naglagay sa kanila sa ikatlong puwesto sa pagtatapos ng unang yugto. Parehong kapalaran din ang kinalagyan ng Lady Paddlers sa ikatlong araw ng torneo tangan ang 4–2 panalo–talo kartada at ikatlong puwesto.