Kaliwaang Pag-PAWN-tirya: Green at Lady Woodpushers, nagtapos sa magkaibang pahina

Kuha ni Josh Velasco

HUMAPAY sa magkabaliktad na tadhana ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Woodpushers sa kasukdulan ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Collegiate Chess Tournament sa SV Gym ng Adamson University (AdU), Nobyembre 19.

Pinatingkad ng Lady Woodpushers ang luntiang bandera sa ikalawang puwesto matapos bulabugin ang mga piyesa sa pugad ng AdU Women’s Chess Team, 4.0–0.0. Bumaba naman ang Green Woodpushers sa ikaapat na puwesto matapos bigong pasakan ang pagratsada ng Far Eastern University (FEU) Men’s Chess Team, 1.0–3.0.

Paglampaso sa bawat kanto

Pambihirang pambungad ang pinalakad ni Lady Woodpusher Sara Olendo sa pagbubukas ng ika-14 na round kontra sa pambato ng San Marcelino na si Christine Hernandez sa bisa ng Sicilian Defense. Pinatatag ni Olendo ang kaniyang hari tungo sa isang kingside castling sa ikawalong galaw. Kumaripas ang reyna ng Berde at Puting pambato sa g6 na agad sinundan ng obispo sa g4. Nagbanggaan pa ang parehong reyna ng dalawang atleta sa ika-20 galaw, ngunit hindi hinayaan ni Olendo na makalaya sa gapos ang palkon. Sinikil ng taga-Taft ang kaniyang reyna upang ipanalo ang Board 2 sa loob lamang ng 22 palitan ng tirada, 1.0–0.0.

Ibang pamamayagpag naman ang ipinadama ng sophomore na si Checy Telesforo laban kay Phoebie Arellano gamit ang Réti Opening sa Board 4. Walang pag-aalinlangang isinugal ni Ch. Telesforo ang bishop nang kainin ang knight sa c6 para sa maagang check sa hari ni Arellano. Sinunggaban ng tubong Marcelino ang pagkayag gamit ang pawn at nasadlak sa patibong ng taga-Taft na bumasag sa piyesa ng AdU. Nasilayan ang maagang pagbagsak ng parehong queen ng mga manlalaro bago itarak ni Ch. Telesforo ang dominasyon ng kaniyang rook sa e7. Muling pumintig ang pawn ng luntiang pambato nang sumulong sa dulo at palitan ng queen upang magresulta sa pamumuhunan ng Lady Woodpusher sa mga aktibong armas na nagpasuko sa AdU sa ika-42 paglapat ng piyesa, 2.0–0.0.

Paglagak ng pawn sa g4 tungo sa King Indian Defense, Fianchetto variation ang ibinalandra ni AdU player Angela San Luis kontra kay Team Captain Francois Magpily sa Board 1. Kumana ng queenside castling ang San Marcelino-based athlete sa ikasampung maniobra, ngunit pumihit si Woman National Master Magpily ng kaparehong pagmamatyag sa kingside. Mariing palitan at abante ng mga pawn sa gitna ang ipinamalas ng dalawa, subalit unti-unting naging agresibo ang knight ni San Luis sa pagpuntirya sa kingside f1. Kumubra ng mga mapanggitgit na galaw si Magpily nang pumuwesto sa a3 upang mamayani sa queenside. Hindi na nakapiglas pa si San Luis sa mga pakulo ni Magpily at sumuko sa ika-42 galaw. Bunga ng maagang 3.0–0.0, waging inuwi ng Berde at Puting pangkat ang ikalawang gantimpala.

Sa pinal na sagupaan sa Board 3 nina Lady Woodpusher Rinoa Sadey at AdU player Mariane Flora, nasilayan ang Exchange variation ng French Defense sa pagkawala ng magkabilaang piyon sa d4 at d5. Umariba ang knight ni Flora sa g4 bunsod ng tangkang pamumuwersa sa f6 at h6. Ngunit, sinagot ito ng bishop ni Sadey sa f7 upang depensahan ang lungga ng hari. Marahang naubos ang mga piyesa nang dumako sa ika-53 hakbang at ang mga kabalyero na lamang ang tumugis upang dakipin ang hari. Sa huli, pinalukso ng kinatawan ng DLSU ang knight sa a6 upang lansagin ang langkay ng AdU at lampasuhin ang kabisera, 4.0–0.0.

Pagrupok ng mga piyesa

Sinimulan ni Green Woodpusher Tenshi Biete ang pakikipagtagisan sa FEU player na si Dale Bernardo gamit ang King’s Pawn Opening na nagresulta sa Sicilian Defense. Pinaigting ng dalawang manlalaro ang kanilang depensa sa bisa ng magkasunod na kingside castling sa ikawalo at ikasiyam na galaw. Nangahas naman ng queen trade ang Taft-based player sa g7. Nagpatuloy pa ang palitan ng piyesa sa ika-45 move nang gitgitin ng taga-Taft ang depensa ng nakadilaw. Pumabor ang bentahe kay Biete matapos bumihag ng dalawang rook kapalit ng isang rook at bishop. Inangkin ni Biete ang tagumpay sa Board 2 sanhi ng kalamangan sa posisyon na nagpasuko sa tamaraw, 1.0–0.0. 

Sinalubong ng English Opening ang tagisan nina Green Woodpusher Cyril Telesforo at FEU player MJ Bacojo sa Board 1. Matapang na sumalakay ang knight ng Morayta mainstay upang kuhanin ang bishop ni Cy. Telesforo sa e7. Tinangkang magpakitang-gilas ng taga-Taft sa pawn trade, ngunit pumabor ito sa pambato ng Morayta na lumilok ng queen promotion at rook alignment. Sa ika-41 galaw, pinuntirya ni Bacojo ang rook ni Cy. Telesforo kapalit ng kaniyang bishop upang angkinin ang bentahe. Itinabla ng FEU player ang serye nang mapilitang mag-resign ang Lasalyano, 1.0–1.0.

Umeksena ang Sicilian Defense sa salpukan nina Green Woodpusher Daniel Lemi at FEU player Istraelito Rilloraza sa Board 4. Tangan ang momentum, hindi nagpatinag si Rilloraza at umasinta ng dalawang pawn trade sa d4 at g4, at isang knight trade sa d4 sa ika-23 move. Gumanti naman ng palitan ng knight si Lemi sa g4 at b5 na naglagay ng double pawn sa parehong manlalaro. Mabilis itong ginantihan ng taga-Taft gamit ang pawn trade sa c5 sa ika-30 galaw. Gayunpaman, naisahan ng rook si Lemi na naging dahilan ng pagsuko ng kaniyang kaharian sa Berde at Gintong hanay, 1.0–2.0.

Buhat ang kapalaran ng koponan, mahigpit na kumapit sa patalim ng Sicilian Defense si Green Woodpusher Jester Sistoza kontra kay Jeth Romy Morado sa Board 3. Kumatig sa kingside castling ang magkabilang panig upang bigyang-proteksiyon ang kanilang mga hari. Naghain ng inisyatibang knight trade ang taga-Morayta sa c6 sa ika-23 move, subalit hindi nagpatinag ang Taft-based player nang gumuhit ng kaparehong taktika sa d5 sa ika-32 galaw. Lalo pang tumindi ang gitgitan matapos ang dalawang palitan ng rook sa c8 at c1 sa ika-43 move. Gayunpaman, sinindak ng Morayta-based player ng check mula sa reyna si Sistoza bago tuluyang sakupin ang pinal na puwesto sa podium, 1.0–3.0.

Batingaw ng huling hakbang

Tinutukan ni Team Captain Magpily ang nakataya sa pagharap sa langkay ng AdU. Itinatak ng kampo ang pagpapanatili ng kanilang mga taktika at ang respeto sa bawat kalaban. Pagbibigay-diin ng Kapitana, “We’re still playing with the best players here in [the] UAAP.”

Hindi man nasungkit ang inaasam na ginto, ibinahagi ni Magpily ang kagalakang makabalik sa podium matapos malaglag noong nakaraang season. Motibadong ibinida ng pinunong isang hakbang ito papalapit sa kampeonatong hinahangad ng koponan para sa Pamantasan.

Isinalaysay naman ni Kapitan Olvido ang kaniyang saloobin hinggil sa kanilang panapos ngayong Season 87. Nanghihinayang niyang pagsasalaysay, “Yung last game namin is battle for third, sobrang lapit na namin, kaso kinulang lang, eh.” Gayundin, nagpasalamat si Olvido sa suporta ng pamayanang Lasalyano sa kanilang grupo at ipinarating na babawi sila sa susunod na kabanata.

Sa pagtatapos ng torneo, umani rin ng mga indibidwal na parangal ang mga miyembro ng Berde at Puting pangkat. Nakamit nina Kapitana Magpily at Ch. Telesforo ang pilak na medalya sa Boards 1 at 5. Pinarangalan din ng tansong medalya si Sadey sa Board 3. Naiuwi naman nina Green Woodpushers Biete at Lemi ang pilak sa Board 2 at tanso sa Board 4.