BINOMBA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang hanay ng University of the East (UE) Red Warriors, 21–16, 21–15, sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 16.
Binuksan nina Green Spiker Von Marata at Red Warrior Julian Celestial ang unang set sa palitan ng malalakas na tirada upang pagdikitin ang talaan. Sinamantala naman ng luntiang tambalan nina Marata at Andre Espejo ang magkakasunod na error ni Celestial upang sikwatin ang momentum, 12–9. Isang overball mula kay Celestial ang bahagyang nagpahina sa ritmo ng DLSU na sinundan pa ng net touch upang makahabol ang UE. Mabilis na naibalik ng Green Spikers ang kanilang kalamangan nang magrehistro ng double contact ang Red Warriors. Pinalawak ng knuckle shot ni Espejo ang bentahe ng Taft-based duo bago tuluyang isuko ni Celestial ang unang yugto bunsod ng isa pang error, 21–16.
Mabagal ang naging simula ng Taft mainstays sa ikalawang set dulot ng sunod-sunod na error, ngunit muling nagbigay-buhay sa kanila ang cut shot ni Marata pagdako ng ikalawang set, 6–3. Dinoble pa niya ito kasunod ng isang down-the-line hit at itinulak ang kaangatan ng DLSU sa walong marka, 11–3. Sa kabila ng pinasiklab na rally ng UE sa tulong ng error ng DLSU at down-the-line spike ni Allan Buensalida, agad na gumanti ang Green Spikers sa bisa ng ace ni Marata. Hindi na nakahabol pa ang Red Warriors matapos mabiktima ng sariling error at tuluyang ibinigay sa mga taga-Taft ang kanilang unang panalo sa torneo, 21–15.
Ibinahagi ni Marata sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang naging estratehiya upang gapiin ang sandatahan ng UE. Bida niya, “Nag-usap talaga [kami], dahil kahapon maraming [naging] miscommunication. Ngayon, ginawa namin kung ano ang pinagte-training namin.”
Itinaas ng Green Spikers ang kanilang kartada sa 1–2 panalo–talo matapos ang matagumpay na pagpana sa mga mandirigma. Sunod na makahaharap ng Berde at Puting koponan ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-2:45 n.h.bukas, Nobyembre 17.