NAGULANTANG ang De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers sa top seed na Far Eastern University (FEU) Women’s Chess Team, 1.0–3.0, sa kanilang ikalawang tagisan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Chess Tournament sa SV Gym ng Adamson University, Nobyembre 13.
Banggaan ng mga piyesa
Lulan ang hangaring maipagpatuloy ang clean sweep mula sa Round 11, ibang direksiyon naman ang pumukol sa Lady Woodpushers sa kanilang pagpasok sa panibagong yugto ng torneo. Maagang nagsalpukan ang itim na hari ni Kapitana Francois Magpily at puting reyna ni FEU player Mhage Sebastian. Lumamon ang puting piyesa sa D8, ngunit nakabawi ang itim na piyesa sa parehong puwesto. Subalit, naging matarik kalaunan ang daang tinahak ng luntiang pinuno hanggang sa yumukod siya sa ika-57 galaw, 0–1.
Dikdikang sagupaan naman ang bumungad sa laban nina Lady Woodpusher Checy Telesforo at ang taga-FEU na si Franchesca Largo. Nanindak ang reyna ni Largo sa ika-24 na galaw matapos umiwas sa basbas ng obispo ni Telesforo. Sa kabila ng tangkang pagratsada ni Largo, nanatili pa rin ang tikas ni Telesforo at agad tinapos ang harapan sa ika-46 na move upang humabol sa talaan, 1–1.
Pagdako sa ikatlong tapatan, pilit na itinulak ni Taft-based player Sara Olendo ang kapitana ng Recto-based squad na si Vic Derotas sa laylayan. Gayunpaman, nahulog lamang si Olendo sa mga beteranang patibong ng katunggali upang hindi na makatakas pa ang kaniyang hari mula sa pagkakakulong, 1–2.
Humirit pa ng tablang kartada si Taft mainstay Rinoa Sadey kontra kay FEU player Mary Joy Tan matapos nilang paabutin sa 75 move ang bakbakan. Sa huli, nabigong pumitas ng panalo si Sadey at tuluyang isinuko ang salpukan sa mga nagrereynang tamaraw, 1–3.
Paglaya sa tanikala
Sa gitna ng nakapanghahamong eksena sa likod ng torneo, ibinahagi ni DLSU Team Captain Magpily sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang mga estratehiya sa pagkayod tungo sa inaasam na ginto. Aniya, “Yung strategy is lagi lang kami nag-eensayo. Hindi kami nagbibigay ng panahon mag-relax talaga, kasi kailangan continuous pa rin ‘yung training namin. And also, nandiyan si Coach Randy to give us preparation and si Coach Susan para bigyan kami ng pampakondisyon, mentally and emotionally.”
Bagaman nababalot pa rin ng pag-aalinlangan ang Lady Woodpushers para sa mga nalalabing laro, binigyang-diin ng Kapitanang desidido pa rin ang Berde at Puting koponang makabawi gamit ang pinagbuting estratehiya at pinalakas na stamina.
Nanatili sa ikatlong puwesto ang Lady Woodpushers sukbit ang 16 na match point at 21 board point matapos matalisod sa mga tamaraw. Susubukang umarangkada ng Lady Woodpushers kontra National University Women’s Chess Team sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa Sabado, Nobyembre 16.