Lady Archers, nasilaw sa nagniningning na karera ng Lady Bulldogs

mula UAAP Season 87 Media Team

NASADLAK ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa walang galos na National University (NU) Lady Bulldogs, 63–72, sa ikalawang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa University of Santo Tomas (UST) Quadricentennial Pavilion, Nobyembre 13.

Muling pinangunahan ni Luisa San Juan ang hanay ng Lady Archers sa pag-igpaw ng 19 na puntos kasangga ang anim na rebound at tatlong steal. Lumilok naman si DLSU center Kyla Sunga ng 12 puntos at limang rebound. Samantala, itinanghal na Player of the Game si Aloha Betanio matapos rumehistro ng siyam na puntos tangan ang limang rebound at assist.

Pumirme sa panig ng mga taga-Jhocson ang bola sa unang minuto ng bakbakan bunsod ng makailang ulit na pagresiklo sa kanilang mga mintis na tirada. Sinunggaban na ng Lady Archers ang pagkakataong mangibabaw at itinarak ang maagang dominasyon sa paint, 6–0. Sinimulan naman ni Gypsey Canuto ang pag-atungal ng Lady Bulldogs, 6–2, ngunit agad itong pinatahimik ni Lady Archer Patricia Mendoza nang pumukol ng pambihirang jumper sa huling segundo ng shot clock, 10–2. Hinamon ng mga turnover ang pamamayani ng grupo mula Taft na sinamantala ni Betanio upang pumuslit ng isang fastbreak play tungo kay Kristine Cayabyab, 12–9. Tumugon ang beteranang taga-Taft na si Lee Sario at isinulong ang anim na kaangatan mula sa isang three-pointer, 15–9.

Binuksan ni Lady Bulldog Princess Fabruada ang ikalawang kuwarter sa isang layup basket, 18–13. Nagsumite pa si Canuto ng three-point na humila pababa sa bentahe ng DLSU, 20–18. Mula sa inorkestrang distribusyon ni Betanio, nagpakawala ng magkasunod na tres ang NU tandem nina Marga Villanueva at Cielo Pagdulagan upang sukbitin ang kalamangan, 24–29. Lalong pinalamig ni Pagdulagan ang karera ng Lady Archers nang bumira ng isang two-point shot upang mabawi ang manibela ng laro, 24–33.

Maagang bangungot mula sa three-point zone ang inihatid ni NU Team Captain Camille Clarin sa depensa ng nagkukumahog na Lady Archers sa pagtapak sa ikatlong kuwarter, 24–36. Hindi naman nagpadaig si San Juan matapos bumuwelta ng magkapares na dos, 34–44. Umalagwa ng tirada sa labas ng arko si Betanio sa tulong ng pasa ni Cayabyab, 35–51. Sinubukan pang tapyasin ni Lady Archer Sunga ang bentahe ng NU, ngunit masyadong nag-init ang kamay ni Betanio at sumalansan ng puntos upang wakasan ang yugto, 41–56.

Maalab na sinimulan ng luntiang koponan ang huling sampung minuto ng sagupaan sa bisa ng pagratsada ni center Sunga sa paint mula sa pasa ni Sario, 43–56. Umukit naman ng tres si Lady Bulldog Clarin na sinundan pa ng floater ni Kaye Pingol upang palobohin ang kalamangan ng Jhocson-based squad, 47–63. Pagpatak ng 1:13 marka, pinasiklab ni San Juan ang labas ng arko sa pag-alalay ni Sario na pinaigting ng isa pang stepback three-pointer, 57–67. Patuloy na kumaripas sa loob sina Sunga at Sario upang idikit ang talaan, 61–69. Kumuha pa ng steal si San Juan na ginantimpalaan ni Sunga ng midrange jumper sa nalalabing 3.6 na segundo bago nila isuko ang tagumpay sa mga bulldog, 63–72.

Nananatili ang Lady Archers sa ikalimang puwesto hawak ang 4–9 panalo–talo baraha. Tatapusin ng Taft mainstays ang kanilang kampanya sa torneo kontra UST Growling Tigresses sa FilOil EcoOil Centre sa ika-10:00 n.u., Nobyembre 23. 

Mga Iskor: 

DLSU 63 – San Juan 19, Sario 14, Sunga 12, Mendoza 6, Bacierto 4, Paraiso 4, Binaohan 2, Dalisay 2, Dela Paz 0.

NU 72 – Pagdulagan 11, Betanio 9, Canuto 9, Cayabyab 9, Clarin 8, Surada 7, Pingol 6, Konateh 3, Fabruada 3, Villanueva 3, Solis 2, Ico 2, Pring 0, Alterado 0, Garcia 0, Talas 0.

Quarter scores: 15–9, 24–33, 41–56, 63–72.