INILUNSAD ng anim na estudyante mula sa University of Asia and the Pacific ang Proyektong Panlaban Epidemya, isang donation drive, upang makapagbigay ng personal protective equipment (PPE) sa National Children’s Hospital. Magtatagal hanggang Oktubre 31 ang pagtanggap ng monetaryong donasyon na sinimulan na noong Oktubre 12.
Kabilang sina Charlene Rustia, project head; Jana Alameda, public relations officer; at Kristine Mulliken, finance and sponsorships officer, sa bumubuo ng Proyektong Panlaban Epidemya. Layunin nilang masiguro ang kaligtasan ng mga bayaning frontliner na sumusugpo sa pandemyang COVID-19 sa bansa.
“Nakita [namin] ang iba’t ibang problema na [nangyayari] sa ating bansa. . . ngunit para sa amin, ang tumatak na obserbasyon ay ang sakripisyo ng ating mga frontliners o tinatawag din [naming] daily heroes,” pagbabahagi nila.
Inaalala rin ng grupo ang kalagayan ng mga batang nagpositibo sa COVID-19 na kasalukuyang namamalagi sa National Children’s Hospital. Naniniwala sila na nahihirapan ang pampublikong ospital sa paglaban sa banta ng virus bunsod ng kakulangan sa PPE, kaya napili nila ito bilang benepisyaryo ng donation drive.
Ibinahagi rin ng grupo na nakikipagtulungan sila sa Hygienelink, isang kompanya na pagmamay-ari ng isa sa mga miyembro ng inisyatiba, ukol sa paggawa at pagsuplay ng mga PPE para sa National Children’s Hospital. Gagamitin ang perang makakalap nila para sa pagpapasahod sa mga mananahi. Layon ng grupo na mangalap pa ng monetaryong donasyon na ibibigay sa mga mananahi bilang kanilang sahod.
Pinagplanuhan ng grupo na magtatagal lamang ang donation drive sa loob ng tatlong linggo dahil sa agarang pangangailangan sa PPE, ngunit tatanggap pa rin umano sila ng donasyon lagpas sa petsang binanggit sakaling hindi maabot ang layuning halaga na Php 60,000 na may katumbas na 100 PPE.
Sa kasalukuyan, umabot na sa halagang Php 13,180 ang perang nalikom ng grupo. Kaugnay nito, nananawagan silang makilahok ang sinomang nagnanais tumulong, sa pamamagitan ng pagpapadala ng donasyon sa kanilang GCash, BPI, at EastWest Bank Accounts. Matatagpuan sa kanilang Facebook page na Proyektong Panlaban Epidemya ang karagdagang impormasyon ukol dito.
Taos pusong nagpapasalamat ang grupo sa mga nakibahagi sa kanilang proyekto. Mensahe ni Rustia, “Sa mga nagbigay na ng kanilang donasyon, gusto naming magpasalamat sa [inyong] paniniwala sa donasyon na ito at sa patuloy na pagtulong sa ating frontliners. Para naman sa magbibigay pa lamang, makakasigurado kayo na kahit anong halaga ay malaking tulong na para sa ating mga frontliners.”
Pinaalalahanan din ni Almeda ang lahat ukol sa kahalagahan ng paggamit sa pribilehiyo upang makatulong sa mga nangangailangan. Dagdag pa ni Mulliken, hangad niyang marami pang makiisa sa bayanihan lalo na sa panahong ito.