IBINULSA ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang panalo kontra University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 69–62, sa kanilang ikalawang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 10.
Itinanghal na Player of the Game si Lady Archer Luisa San Juan matapos pumukol ng 18 puntos, apat na assist, at isang block. Naging kasangga niya sina Lee Sario tangan ang 15 puntos at Kyla Sunga bitbit ang 14 na marka. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Achrissa Maw ang Diliman mainstays sa bisa ng isinumiteng 25 puntos.
Maagang umiral ang opensa ni Sunga matapos gawing bentahe ang kaniyang tangkad sa loob, 6–5. Agad namang sumagot si Maw gamit ang isang layup na sinundan ni Alexandra Mendoza ng floater, 6–9. Ngunit, niyanig ni Sario ang depensa ng Fighting Maroons nang magpakawala ng tira mula sa labas ng arko, 15–11. Ganap na sinelyuhan ng Lady Archers ang unang kuwarter hawak ang isang kalamangan mula sa layup drive ni Team Captain Bernice Paraiso, 17–16.
Sinubukang ibalik ni Maw ang momentum sa Fighting Maroons nang magpakawala ng layup sa pagbubukas ng ikalawang kuwarter, 17–18. Subalit, hindi ito hinayaan ng Taft mainstays at bumulusok ng nagbabagang three-point shot si San Juan upang palobohin ang kanilang bentahe, 27–21. Gumanti naman si Diane Nolasco ng tres upang panipisin ang kalamangan ng Berde at Puting hanay, 27–24. Sa huling minuto ng kuwarter, muli pang humirit si San Juan ng tirada mula sa labas ng arko na sinundan ni Patricia Mendoza ng layup drive, 36–25.
Dala ang hangaring paigtingin ang kanilang kaangatan, bumira ng isang three-point shot si San Juan upang salubungin ang ikatlong kuwarter, 39–25. Sa kabilang dako, uminit ang mga palad ni Kye Pesquera nang umukit ng sariling bersiyon ng tres, 39–28. Umigting ang opensa ng Taft-based squad sa mga sumunod na serye matapos magpaulan nina Sario at Luisa Dela Paz ng magkasunod na tres at lunurin ng 15 markang kalamangan ang Diliman-based squad sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 53–38.
Sa pagtungtong sa huling kuwarter, tumipa ng isang layup drive si Maw upang makawala sa luntiang momentum, 55–42. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Mendoza at tumikada ng tira sa labas ng arko, 60–45. Muli namang nagparamdam si UP player Pesquera sa loob ng kort nang kumamada ng tres, 62–51. Nagpakitang-gilas din si Nolasco sa mga sumunod na minuto nang magtala ng three-point ball possession upang tapyasin ang bentahe ng Lady Archers, 64–57. Bunsod nito, humagupit ng tres si San Juan upang ibalik ang kanilang dalawang markang kaangatan, 67–57. Tinangka pang humabol ni Maw mula sa kaniyang tatlong magkasunod na free throw, ngunit hindi ito naging sapat upang pigilan ang pagragasa ng Taft mainstays, 69–62.
Napasakamay ng Lady Archers ang 4–8 panalo–talo kartada sa torneo. Sunod na haharapin ng Berde at Puting pangkat ang mabalasik na National University Lady Bulldogs sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa ika-12:00 n.t. sa Miyerkules, Nobyembre 13.
Mga Iskor:
DLSU 69 – San Juan 18, Sario 15, Sunga 14, Mendoza 11, Bacierto 4, Dela Paz 3, Binaohan 2, Paraiso 2, Dalisay 0, Santos 0, Camba 0.
UP 62 – Maw 25, Pesquera 14, Ozar 7, Nolasco 5, Mendoza 4, Bariquit 4, Solitario 3, Lozada 0, Tapawan 0, Vingno 0, Sauz 0, Quinquinio 0, Barba 0.
Quarter scores: 17–16, 36–25, 53–38, 69–62.