PINAWALANG-BISA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang pagtatangka ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws na dungisan ang kanilang malinis na rekord sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 6.
Kinilalang Player of the Game si Mike Phillips matapos pangunahan ang dikit na palitan sa bisa ng pinakawalang double-double output mula sa 17 puntos, 15 board, limang steal, dalawang block, at dalawang assist. Umagapay rin si DLSU rookie Doy Dungo mula sa bench, hatid ang walong puntos at limang rebound. Nanguna naman sa Tamaraws si foreign student Mo Konateh matapos magsumite ng 14 na puntos at 27 board. Kahanga-hanga rin ang sinindihang momentum ni FEU Team Captain Royce Alforque na nagtala ng 11 puntos.
Bumungad sa unang kuwarter ang maagang buwenas na binitawan ni shooting guard Jcee Macalalag mula sa labas ng arko, 4–all. Sa pagpapatuloy ng bakbakang agad binalot ng palitan ng kalamangan, inirehistro ng kapapasok pa lamang na si Green Archer Lian Ramiro ang ikatlong tabla gamit ang isang midrange jumper, 8–all. Mahabang alat sa talaan ang gumambala sa Taft mainstays na sinubukan namang patirin ng dos ni Phillips sa poste kontra kay FEU big man Konateh, 10–17. Nanatili ang pamamaga ng bentahe ng mga taga-Morayta nang sumalisi ng layup si FEU guard Jedric Daa sa bingit ng buzzer mula sa sinalbang broken play ni floor general Janrey Pasaol, 10–19.
Pinanimulan ni FEU rookie Veejay Pre ang ikalawang kuwarter sa isang reverse layup, 12–24. Hindi naman pinayagan ng Berde at Puting hanay na lalong manaig ang Tamaraws nang muling pumuntos si Dungo sa bisa ng isang layup, 22–26. Nagpakawala rin ng jump shot si Macalalag upang paigtingin ang momentum ng luntiang koponan, 24–26. Matagumpay pang ipinantay ni reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao ang talaan gamit ang kaniyang sariling bersiyon ng jump shot, 26–all. Buhat ng pagratsada, tuluyang sinikwat ng DLSU ang kaangatan mula sa FEU gamit ang layup ni Dungo sa pagtatapos ng first half, 28–26.
Sa pagpitik ng ikatlong kuwarter, maagang dominasyon ang ipinamalas ni Phillips matapos parusahan ang ring hango sa assist ni Dungo, 30–26. Walang paawat ang pagpapasiklab ng court vision ni Dungo sa inaning fastbreak opportunity tungo sa rumaragasang si Macalalag para sa dos na tumiyak sa sampung puntos na kalamangan ng Taft-based squad, 36–26. Pinangunahan naman ni Alforque ang pagpupumiglas ng Tamaraws matapos ang mapangahas na pakikipagbanggaan sa malahiganteng pader ng DLSU sa ilalim, 37–30. Nagliyab pa ang mga palad ni Alforque na kumana ng pitong puntos sa iba’t ibang bahagi ng kort, 40–39. Buhat ng momentum, ganap na sinelyuhan ng Tamaraws ang abante nang lusutan ni Pre ang mga butas sa depensa ng Green Archers sa paint, 40–41.
Sinunggaban ng Green Archers ang bentahe sa ikaapat na kuwarter nang magsimula si DLSU Team Captain Joshua David sa kaniyang maapoy na step-back three, 46–47. Sinikap pang ibalik ng FEU ang kalamangan sa kanilang hanay, ngunit masyadong nag-init ang Taft-based squad mula sa putback ni Phillips, 48–47. Muling pinatunayan ng big man ang kalakasan ng pangkat nang sumalaksak ng dalawang puntos sa kabila ng tangkang pagharang sa kaniyang dunk shot, 56–51. Sa huli, ikinasa ni Dungo ang pangwakas na tirang kumandado sa pagkapanalo ng DLSU kontra sa koponan mula Morayta, 58–53.
Napanatili ng Green Archers ang kanilang 8-game winning streak buhat ng pagtuligsa sa Tamaraws. Susubukang palawigin ng Taft mainstays ang kanilang panalo sa muling pagsalakay sa University of the Philippines Fighting Maroons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-6:30 n.g. sa Linggo, Nobyembre 10.
Mga Iskor:
DLSU 58 – M. Phillips 17, Macalalag 9, Quiambao 8, Dungo 8, Marasigan 4, David 3, Gonzales 3, Austria 2, Ramiro 2, Agunanne 2, Gollena 0, Konov 0.
FEU 53 – Konateh 14, Pre 12, Pasaol 11, Alforque 11, Anonuevo 3, Daa 2, Bautista 0, Montemayor 0, Ona 0, Bagunu 0, Nakai 0.
Quarter scores: 10–19, 28–26, 40–41, 58–53.