TINABAS ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang tuka ng Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles, 25–18, 25–20, 20–25, 20–25, 17–15, sa quarterfinals ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Nobyembre 3.
Nakapangyayaring pag-asinta ang naging pagganap ni Player of the Game Amie Provido nang umukit ng 13 puntos mula sa pitong atake, tatlong ace, at tatlong block. Hindi rin nagpaawat sa pagpapakawala ng palaso si open hitter Angel Canino matapos umalagwa ng 17 puntos. Sa kabilang dako, buong tapang na iniangat ni ADMU Team Captain Lyann De Guzman ang kanilang langkay nang magrehistro ng 17 marka.
Mga naglilipanang pana ang ibinungad ng DLSU sa panig ng ADMU matapos ibaon ni opposite hitter Shevana Laput ang kaniyang palo patungong zone 1, 4–2. Agad itong sinagot ni Blue Eagle Sobe Buena nang biyakin ang malapader na kamay ni middle blocker Lilay Del Castillo, 9–6. Nagpatuloy ang momentum ng Lady Spikers sa kanilang pagkamada ng 4–1 run sa bisa ng mga atake ni Canino mula sa open, 17–10. Sinubukan pang isalba ni JLo Delos Santos ang Blue Eagles gamit ang isang block, ngunit masyadong nag-init ang kamay ni Canino at tuluyang isinukbit ang unang set para sa Taft mainstays, 25–18.
Maagang pamasko mula sa gitna ang inihandog ni Lady Spiker Jessa Ordiales sa kampo ng Blue Eagles upang makabig ang bentahe sa simula ng ikalawang set, 6–4. Sumabat naman si ADMU playmaker Katherine Cortez ng 1-2 play na bumigla sa hindi matigatig na depensa ng Berde at Puti, 14–15. Tinangka pang lumipad ni Alexia Montoro gamit ang isang malabombang crosscourt shot, subalit pinigilan ni Alleiah Malaluan ang binabalak ng mga agila at sinelyuhan ang ikalawang yugto sa isang cut shot, 25–20.
Mas malakas na pagaspas ng mga agila ang sumalubong sa ikatlong set matapos silang umukit ng bentahe sa pangunguna ni De Guzman mula sa zone 4, 1–4. Nilunasan ng Taft mainstays ang paglatay ng mga agila matapos pihitin ang manibela ng laro sa bisa ng tatlong magkakasunod na service ace ni Provido, 9–7. Sumasalipadpad na atake rin ang ipinamalas ni Laput mula sa backrow upang maitabla ang bakbakan, 13–all. Nagawa pang magsumite ni Provido ng isang kill block sa nalalapit na pagtatapos ng set, ngunit hindi ito naging sapat upang pigilan ang puwersa ng Loyola-based squad mula sa pagsara ng pintong minamatang daanan ng mga atake ni Malaluan, 20–25.
Walang kinatatakutang mga agila ang humanay sa kalangitan ng Taft mainstays sa ikaapat na set matapos angkinin ang maagang kalamangan bunsod ng mga tipak ni Buena, 3–4. Hindi naman nagpaawat ang DLSU nang magpasiklab ng 6–1 run matapos bulagain ni Canino ang nangangatog na depensa ni Sarah Hugo, 9–5. Sa kabila nito, maliksing nakapagtala si Buena ng tatlong sunod-sunod na puntos mula sa open, 16–19. Nagawa pang itarak ni Laput ang punyal sa lapag ng Asul at Puti, ngunit sinabat ito ng panapos na palo ni Geezel Tsunashima, 20–25.
Malamlam na simula ang itinanghal ng Lady Spikers sa huling set matapos dumiretso ang kanilang dalawang atake sa net, 0–2. Gayunpaman, matagumpay na itinabla ni Provido ang talaan gamit ang isang makamandag na regalo, 7–all. Nagawa pang makauna ng Loyola mainstays sa match point nang tikwasin ni De Guzman ang block ni Malaluan, 14–13, subalit umiral ang tikas ng DLSU sa pagsauli ni Provido ng hampas ni Buena at tuluyang ibinigay sa luntiang koponan ang tiket patungong semifinals, 17–15.
Matapos ang pagkitil sa ekspedisyon ng Blue Eagles sa torneo, aabante sa do-or-die semifinal round ang Lady Spikers kontra University of Santo Tomas Golden Tigresses sa parehong lunan sa ika-3:30 n.h. sa Miyerkules, Nobyembre 6.