Saan ka sasandig tuwing hindi ka na napatatahan ng pag-uwi sa binuo mong tahanan? Kapag hindi mo pinatuloy ang bisitang pangungulila, ngunit nagpumilit itong samahan ka ngayong gabi, saan mo ito sandaling pauupuin? May buntong-hininga bago makipagsapalaran sa giyerang nagtitimpi sa kaloob-looban. Hindi ito namumutawi; hindi ito kayang ilarawan ng anomang salita. Isang emosyong walang makauunawa bukod sa nakararamdam.
Sa direksiyon ni Bobby Garcia, itinanghal ang walang-diyalogong dulang Request Sa Radyo sa Samsung Performing Arts Theater nitong Oktubre 10 hanggang 20. Mula sa masining na adaptasyon ni Clint Ramos sa dulang Request Program ni Franz Xaver Kroetz, muling binigyang-diin ang trahedya ng huwad na kapayapaang madalas nararanasan ng mga nag-iisa sa buhay. Isiniwalat ng dula ang masalimuot at nakadudurog na pagninilay sa ibang bayan. Sa limitadong pagtatanghal, magkahalili sa karakter ni Ms. Reyes sina Lea Salonga at Dolly De Leon.
Maingat na tinalakay ang sensitibong mga tema ng kalungkutan at pangungulilang ipinasilip sa isang gabing tahimik sa buhay ng bida. Mula sa pagdating sa bahay hanggang sa marubdob na pakikipagbuno sa bigat ng emosyon, masasaksihan ang paghihirap sa buhay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW).
Ulila sa ibang bayan
Hindi napapatid ang koneksiyon ng pagkatao sa lupang sinilangan. Bagaman naninirahan sa ibang bayan, saksi ang mga dingding ng bahay ni Ms. Reyes sa kaniyang tunay na pagkakakilanlan. Mula sa kaning isinasaing, mga plastik na itinutupi at itinatabi, luyang pinakukuluan at ginagawang salabat, hanggang sa musikang tumutugtog sa radyo—lahat ng ito, salamin ng pagiging Pilipino.
Susuungin ng mga OFW maging ang sakit na dulot ng distansiya at pag-iisa. Karaniwang naririnig ang kanilang mga kuwento dahil madalas sa bawat pamilya, may kamag-anak na nangingibang-bayan upang makipagsapalaran at matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay. Sa bawat pagkakataong maaari nilang masipat at maramdaman ang pinagmulan, kinakapitan nila ito nang parang mahigpit na yakap mula sa mapagkalingang bayan.
Kapiling lamang ang musika sa radyo, waring nasasaling din nito ang mga emosyong nananahan kay Ms. Reyes. Minsan, lunas ang mga awit. Ngunit, mangungulit ang bisitang pangungulila at iparirinig sa kaniya ang mga lirikong marahang dadaplis sa mga sugat na nagbabadyang kumirot muli.
Hindi nauusal na pagkapagal
May mga bagay na hindi kinakailangang sabihin upang mabatid. Mula sa paghakbang ni Ms. Reyes papasok sa kaniyang tahanan, ramdam na ang bigat ng kaniyang pinagdaraanan; waring naghubad ng maskara matapos ang pagpapanggap, ngunit nananatiling pasan mag-isa ang hindi nakikitang bigat. Maging sa paghihilamos sa pag-asang mabanlawan ang mga bakas ng pasakit, hindi nabubura ang kaniyang tunay na ekspresyon.
Mas umuugong ang damdamin sa dalisay na pakikinig sa pagtibok ng puso. Sa pagkakataong nang-aagaw pa rin ng puwang ang hindi natitinag na pangungulila, sining at musika ang naging sandigan ni Ms. Reyes. Tatalon at sasayaw sa indak ng tugtog, susubukang palayain ang sarili sa gapos ng lungkot. Ngunit kapag tapos na ang programa, mag-iingay muli ang katahimikang babagabag sa gabi. Pagkaraan ng ilang sandali, tahimik na kakawala ang mga tinimping luha.
Madalas, hindi na sumasapat ang pagbabaling ng atensiyon sa nakasanayang gawaing bahay upang punan ang kahungkagang lumalawak. Masyadong maligalig ang bisitang pangungulila. Sa magdamag na pagkapagal na hindi na malaman kung paano pa ipapahinga, unti-unting nauubos ang pag-asa. Sa isang eksena, sinubukan niyang matulog, ngunit hindi siya hinayaan ng nakabibinging katahimikan—siyang nagtulak sa kaniya upang muling buksan ang mga ilaw, bilangin ang mga natitirang gamot, at inumin ang mga ito kasabay ng paglagok ng alak. Gagawin niya ang lahat mapalayas lamang ang lungkot. Subalit, buong-lakas pa ring dadantay ang emosyon, babalutin siya’t bubulabugin—walang habas na lalatay sa pusong sabik sa tunay na kapayapaan.
Sa pagdalumat sa damdaming hindi maipaliwanag, tanging sa kaibuturan ng pagkatao niya nananahan ang dahilan ng kaniyang pinagdaraanan.
Pag-unawang hindi kailangan ng paliwanag
Walang itinuong pansin ang dula sa mga dahilan. Bagkus, binigyang-atensiyon nito ang pagtanggap sa iba nang higit sa ating nauunawaan tungkol sa kanila—bagay na mahalaga sa pagdurugtong ng buhay sa mga hindi natin batid na nasa bingit na pala.
Hindi lamang ito kuwento ng mga OFW na nasa medikal na larangan; istorya rin ito ng mga estudyante, magulang, manggagawa, at taong nag-iisa sa loob at labas ng Pilipinas. Maaaring kumatok at bumisita ang pangungulila at lungkot kahit kanino, kahit kailan, at kahit saan—walang pasabi sa hangganan ng pananatili.
Paalala ang dulang bantayan at alagaan ang kalusugang pangkaisipan, gayundin ang pahalagahan ang pangungumusta at pagdamay sa mga mahal sa buhay. Hindi man maisaboses ng mga salita ang nais iparating ng damdamin, maihahatid ito ng simpleng pag-akbay o pagtapik, pakikinig at pagngiti—mga simbolong nagpapaalalang may nariyan—at pagsasabi na ring “hindi ka nag-iisa.”