TULUYANG NAPUKSA ang hanay ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Shuttlers matapos lapain ng nagngangalit na University of Santo Tomas (UST) Tiger at Lady Shuttlers, 2–3, 1–4, sa huling araw ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Collegiate Badminton Tournament sa Rizal Memorial Coliseum Badminton Hall, Oktubre 27.
Biting asinta
Agad na nagpasikat ang puwersa ni Green Shuttler Miguel Cuarte pagtapak sa luntiang kort upang gulantangin si Tiger Shuttler Lennox Cuilao sa unang set, 21–11. Sa kabila ng dominanteng umpisa, nanlumo si Cuarte nang sumailalim sa mapanlinlang galamay ni Cuilao sa sumunod na dalawang set, 17–21, 16–21. Samantala, maagang nagpundar si Green Shuttler James Capin ng mga puntos upang unang tintahan ang bentahe laban kay Francis Sarmiento, 21–16. Gayunpaman, hindi sumang-ayon ang ihip ng hangin kay Capin matapos niyang isuko ang dalawang sumunod na yugto sa nanlabang tigre, 19–21, 21–17.
Rumatsada ang tambalang Joshua Morada at Yuan Tan kontra kina UST players Cuilao at Bien Minaflor sa unang doubles match ng bakbakan. Mariing tinugunan ng Taft-based duo ang bawat kalmot na sumalubong sa kanila, 21–19. Ginantihan naman ng mga tigre ang mga tangkang pag-asinta ng Taft mainstays sa ikalawang set, 19–21. Patuloy na binagtas nina Morada at Tan ang ekspedisyon at dinepensahan ang mga nakasisilaw na tirada ng mga taga-España upang ililok ang unang panalo ng DLSU, 21–17.
Tangan ang momentum, inagningas nina Cuarte at Zaki Layno ang sagupaan sa ikalawang doubles match laban kina Ron Galve at Sarmiento. Pinairal ng Taft mainstays ang matatag na depensa at nakasisindak na opensa sa unang yugto ng tapatan, 21–16. Mas lalong hindi nakaporma ang mga taga-España sa ikalawang set nang isawalang-bisa ng tambalang Cuarte at Layno ang kanilang mga diskarte at pag-alma, 21–14.
Nakipagsapalaran naman para sa peligrosong do-or-die match si DLSU rookie Joshua Fajilan at ininda ang hagupit ng sugo ng España na si Angelo Tuazon. Hindi na nakabangon pa ang taga-Taft sa pambungad na set matapos makatamo ng mga galos, 10–21. Sa kabila ng pagsusumikap itawid ang laban, nilamon nang buo ang kinatawan ng Taft sa pagtatapos ng engkuwentro, 12–21.
Mapurol na palaso
Maagang napundi ang dilaab ni DLSU Team Captain Ghiselle Bautista kontra kay UST player Patricia De Leon sa unang sagupaan sa hanay ng kababaihan, 21–15, 18–21, 16–21. Sumalamin ang mapait na tadhana para kay DLSU player Lady Tuario matapos yumukod sa bangis ng tigreng si Reshane Nicor para sa ikalawang singles match, 21–19, 22–24, 13–21.
Nakipagtambalan naman si De Leon kay Mariell Alvarez upang upusin ang natitirang ningas ng Taft-based duo nina Viana Antonio at Mia Manguilimotan, 17–21, 17–21. Hindi rin nakaporma ang sabwatan nina Kapitana Bautista at Jacquelin Pantoja kontra sa ipinamalas na bagsik ng España-based duo na Jennifer Saladaga at Rhafi Anne Santos, 9–21, 11–21.
Sa kabila ng isinumiteng bentahe ng mga tigre, hindi hinayaan ni DLSU smasher Antonio na umuwi ang luntiang pangkat nang walang panalo. Magilas na galamay ang kaniyang itinanghal sa unang set kontra sa pambato ng España na si Angeline Vitangcol, 21–10. Daing ang hinagpis ng pagkatalo sa kabuoang tapatan, hindi na hinayaan pa ni Antonio na makaisa si Vitangcol at winakasan ang huling singles match, 21–19.
Aral ng mga pagkakataong pinalampas
Ibinida ni Fajilan sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaisipang bitbit niyang muntikan nang maging susi ng koponan patungo sa Final Four. Wika niya hinggil sa kahalagahan ng kanilang sinuong na engkuwentro, “‘Yon po ‘yung biggest factor. . . Sa pressure po. Tapos pangalawa [ay] ‘yung pagiging rookie ko.”
Ibinahagi rin ni Fajilan sa APP ang paalala ng kaniyang mga tagapagsanay at kasamahan sa koponang maging masaya sa bawat laro anoman ang maging resulta ng mga ito. Binigyang-diin niyang walang mawawala sa kaniya rito, bagkus dahilan ito upang magpatuloy siyang lumaban.
Hawak ang natatanging panalo kontra Adamson University Badminton Team at ang mga aral na naibulsa sa nabiting kampanya, tuluyang namalaam sa torneo ang Green Shuttlers matapos manlamig sa ikalimang puwesto sa ikatlong sunod na taon. Gayundin, hindi na muling nakabalik ang Lady Shuttlers sa Final Four na kanilang pinuwestuhan noong Season 85.