DINOMINA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kawan ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 80–65, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 26.
Itinanghal na Player of the Game si reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao matapos umukit ng career high na 33 puntos, 12 rebound, at dalawang assist. Naging kasangga rin niya sina Team Captain Joshua David at EJ Gollena na pumukol ng pinagsamang 18 puntos. Sa kabilang banda, pinangunahan ni ADMU rookie Jared Bahay ang Blue Eagles gamit ang kaniyang nalikom na 22 puntos.
Bumira ng nagliliyab na 5–0 run ang Green Archers sa bisa ng dos ni guard Jcee Macalalag at tres ni Kapitan David, 5–0. Pareho namang gumanti naman ng dalawang marka sina Kristian Porter at Bahay, 5–4, ngunit hindi nito napigilan ang naglalagablag na diwa ng tambalang Quiambao at Gollena na nagpakawala ng mga tira mula sa arko at paint, 15–4. Nagtangka pang kumaripas tungo sa matayog na paglipad sina Josh Lazaro at Shawn Tuano, subalit nanatiling nakayukod ang mga agila sa ilalim ng dahas ng Berde at Puting hanay sa pagtatapos ng unang sampung minuto ng bakbakan, 17–11.
Sa pagtapak sa ikalawang kuwarter, agad na kumamada ng layup si Tuano upang panipisin ang kalamangan ng luntiang grupo, 17–13. Tumikada naman si Quiambao ng magkasunod na tres upang pangalagaan ang bentahe ng Taft-based squad, 30–18. Hindi nagpaawat si Sean Quitevis sa pagpapakitang-gilas ng isang reverse layup, 34–29. Sa kabila ng paghihikahos, naibaba ni Blue Eagle Porter ang kaangatan ng DLSU sa siyam matapos pumorsiyento sa free throw line, 42–33.
Sinelyuhan ni Quiambao ang pangingibabaw ng Green Archers sa simula ng ikatlong yugto matapos ipasok ang isang free throw shot, 45–33. Rumatsada naman si Bahay mula sa paint at arko upang habulin ang lumalayong distansiya ng Berde at Puting pangkat, 45–38. Ngunit, ginulantang ni Macalalag ang mga nakaasul nang umindak ng dalawang puntos kaakibat ang isang free throw, 48–38. Sa nagbabadyang pagsara ng kuwarter, hindi na nagawang iadya ni Porter ang lumulubog na kapalaran ng Loyola-based squad, 60–48, hanggang sa tuldukan ito ng three-pointer ni Quiambao, 63–48.
Pinaigting pa ni David ang Berde at Puting kalasag ng kanilang bentahe matapos bumanat ng tres sa pagtungtong sa huling yugto, 68–51. Gayunpaman, hindi nagpaawat si Bahay at umarangkada pa ng isang easy layup, 72–56. Sinikap ng Blue Eagles na pasiklabin ang kanilang karera nang kumamada si Quitevis ng sarili niyang bersiyon ng tres, 73–64. Sa kabila ng masugid na pag-abot ng Loyola mainstays sa kalamangan ng DLSU, hindi na hinayaan pa ni Kapitan David na bumukas ang bagwis ng mga agila at matalas na pinuntirya ang panalo mula sa labas ng arko, 80–65.
Napasakamay ng Green Archers ang 9–1 panalo—talo kartada sa torneo bunsod ng pagtudla sa karibal na Blue Eagles. Sunod na makahaharap ng Taft mainstays ang puwersa ng Far Eastern University Tamaraws sa parehong lugar sa ika-3:30 n.h. sa Miyerkules, Nobyembre 6.
Mga Iskor:
DLSU 80 – Quiambao 33, David 9, Gollena 9, Austria 7, Marasigan 7, Macalalag 5, M. Phillips 4, Ramiro 3, Gonzales 2, Dungo 1, Agunanne 0.
ADMU 65 – Bahay 22, Koon 9, Porter 8, Tuano 8, Espinosa 6, Lazaro 6, Quitevis 5, Bongo 1, Bologun 0, Ong 0, Gamber 0, Espina 0.
Quarter scores: 17–11, 42–33, 63–48, 80–65.