TUMIKLOP ang hukbo ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa nanggigitgit na mga pakpak ng Adamson University (AdU) Lady Falcons, 49–72, sa kanilang ikalawang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, Oktubre 19.
Bagaman natamo ang pagkatalo, umukit ng 11 puntos, dalawang rebound, at dalawang steal para sa Taft-based squad si Lady Archer Luisa San Juan. Kasangga rin niya sa pagpapadaloy ng opensa si shooting guard Lee Sario tangan ang pitong puntos, apat na rebound, at isang steal. Nagpasiklab naman sa kampo ng mga taga-San Marcelino si Elaine Etang sukbit ang 19 na puntos, pitong rebound, tatlong assist, at dalawang steal.
Humarurot ng backboard shot si Lady Archer Mendoza upang padyakin ang momentum ng mga palaso, 2–0. Umariba naman si San Juan ng jumper na nagpaigting sa bentahe ng mga nakaberde, 4–0. Gayunpaman, hindi kumalas ang tikas ng Lady Falcons na nagpalipad sa loob at labas ng arko upang maisakatuparan ang 11–2 run, 6–11. Sinubukang gisingin ni Sario ang luntiang koponan matapos pumihit pailalim, 8–11. Subalit, patuloy na rumatsada ang Lady Falcons sa talaan nang pumuntirya si Cheska Apag ng layup, 9–13.
Bitbit ang layuning burahin ang kalamangan ng kalaban, agad na umarangkada sa loob si Lady Archer Mica Camba sa bisa ng isang layup kaakibat ang foul, 11–13. Sa kabilang banda, umalagwa ang tambalang Bernice Paraiso at Kyla Sunga upang panipisin ang bentahe ng mga palkon, 16–17. Pumitas pa ng second-chance point si Bea Dalisay at nakamit ang kaangatan, 25–22. Matagumpay ring nailusot ni Mendoza ang isang off-the-glass point sa pagwawakas ng naturang kuwarter, 30–33.
Tahimik na nagsimula ang ikatlong yugto para sa parehong koponan nang malimitahan ang kanilang pag-iskor sa unang tatlong minuto, 30–38. Gumawa naman ng ingay para sa Taft-based squad si San Juan matapos pumoste ng magkasunod na jumper, 35–41. Umeksena pa si DLSU point guard Lisa Dela Paz sa huling segundo ng kuwarter nang sumalansan ng dalawang free throw. Gayunpaman, hindi ito naging sapat upang ungusan ang pamamayagpag ng mga palkon, 39–55.
Hangad na matapyasan ang bentahe ng Lady Falcons, mabilis na binago ng Lady Archers ang timpla ng kanilang opensa upang pumiglas ng tatlong puntos, 44–58. Sumampa rin ng turnaround jumper si San Juan na bahagyang nag-ahon sa mga taga-Taft mula sa laylayan, 46–62. Sa kabila ng buong kayod na pagwasak ng Berde at Puting hanay sa turnover drought, hindi pa rin nagpapigil ang dumadagundong na puwersa ng Lady Falcons, 46–69. Wala namang sindak na bumira si Lady Archer Claudine Santos ng and-1 mula sa isang floater, 48–70. Gayunpaman, tuluyan nang isinukbit ng San Marcelino mainstays ang panalo bunsod ng naglalagablab na 23 markang abante, 49–72.
Nananatili sa ilalim ng talaan ang Lady Archers hawak ang 2–7 panalo–talo baraha. Tatangkaing lupigin ng Taft mainstays ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa SM Mall of Asia Arena sa ika-12:00 n.t. sa Sabado, Oktubre 26.
Mga Iskor:
DLSU 49 – San Juan 11, Sario 7, Mendoza 6, Camba 5, Paraiso 4, Bacierto 4, Santos 4, Dalisay 3, Sunga 3, Dela Paz 2, Rodriguez 0.
AdU 72 – Etang 19, Adeshina 16, Alaba 8, Limbago 6, Apag 5, Manlimos 5, Padilla 3, Alaba 2, Agojo 2, Meniano 2, Delos Santos 2, Ornopia 2, Mazo 0, Cortez 0, Trabado 0.
Quarter scores: 9–13, 30–33, 39–55, 49–72.