SUMUKO ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa matibay na puwersa ng University of the East (UE) Red Warriors, 71–75, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Setyembre 22.
Bagamat natamo ang pagkatalo, patuloy na gumawa ng ingay si reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao matapos umalagwa ng 17 puntos, siyam na rebound, limang assist, at isang steal. Kasangga rin niya sa pagpuntos si big man Michael Phillips na kumamada ng 16 na puntos, siyam na rebound, limang steal, dalawang block, at isang assist. Sa kabilang banda, sumiklab para sa sandatahan ng Recto si John Abate sa paghakot niya ng 20 puntos mula sa 3/3 3-point field goal, limang rebound, isang steal, at isang assist.
Naging maalat na ang simula ng Green Archers sa pagbubukas ng unang yugto ng labanan bunsod ng nakasasakal na depensa ng UE, 2–10. Nakalusot naman ng isang midranger si Green Archer Earl Abadam upang iangat ang talaan, 8–17. Samantala, sumagot ng nakagigimbal na tirada mula sa labas ng arko si Wello Lingolingo upang ikandado ang kalamangan ng mga nakapula, 8–20. Lalo pang lumagablab ang mga galamay ni Lingolingo matapos umukit ng magkakasunod na tres sa pagtatapos ng naturang kuwarter, 11–28.
Bitbit ang hangaring burahin ang kalamangan, umarangkada sa loob si Green Archer Vhoris Marasigan sa bisa ng isang layup kaakibat ang foul, 14–28. Umukit naman ng tres si DLSU power forward Quiambao dala ang pagtatangkang idikit ang talaan, 24–33. Pinagtibay na momentum ang ipinamalas ng Green Archers nang sumakmal ng isang slam dunk si Phillips, 32–37. Pumundar naman ng mga marka ang Taft-based squad mula sa lumulobong turnovers ng mga taga-Silangan sa pagwawakas ng first half, 38–42.
Mainit na sinimulan ng Green Archers ang ikatlong kuwarter matapos ang isang momentum booster dunk mula kay Phillips na tumapyas sa kalamangan ng UE sa dalawang puntos, 40–42. Ngunit, hindi pa rin nakakuha ng bentahe ang Taft mainstays buhat ng sunod-sunod na backing foul ni Phillips. Umigting pa ang kalamangan ng Red Warriors sa siyam nang tumira ng tres si Lingolingo na sinundan pa ng layup ni UE sophomore Precious Momowei, 40–49. Muling nabuhay ang pag-asa ng luntiang koponan matapos ang magkasunod na layup ni Jcee Macalalag at dalawang free throw ni Henry Agunanne. Sa kabila nito, nagtapos ang naturang kuwarter sa kamay ng mga taga-Recto, 50–56.
Tangan ang momentum, sinalubong ng Recto-based squad ang huling sampung minuto ng sagupaan gamit ang 10–4 run sa pangunguna ng mga tirada nina Rainer Maga at Abate, 55–66. Bitbit ang hangaring makabawi, kumamada sa paint sina Green Archer Macalalag at Quiambao, 64–71. Humirit din si Phillips ng offensive rebound at floater na agarang sinundan ni Quiambao ng perimeter jumpshot upang idikit ang talaan, 71–73. Gayunpaman, tuluyang napasakamay ng mga nakapula ang salpukan nang bigong maipasok ni Quiambao ang dalawang crucial free throw kasabay ng pagliyab ni Red Warrior Abate sa free throw line, 71–75.
Ibinahagi ni DLSU small forward Earl Abadam sa Ang Pahayagang Plaridel ang dadalhing mindset ng Green Archers sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya. Bida niya, “We’re gonna look back at this game at film tomorrow and yeah, just bounce back. It’s early in the first round. [We] can’t let this [loss] take away what we wanna achieve.”
Nadungisan ang kampanya ng Green Archers sa unang pagkakataon tangan ang 3–1 panalo–talo baraha sa torneo. Tatangkain ng Berde at Puting pangkat na muling hanapin ang kanilang ritmo kontra Far Eastern University Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum sa ika-4:30 n.h. sa Miyerkules, Setyembre 25.
Mga Iskor:
DLSU 71 – Quiambao 17, Phillips 16, Marasigan 10, Aguanne 8, Gollena 6, Macalalag 5, Gonzales 3, David 2, Dungo 2, Abadam 2, Ramiro 0.
UE 75 – Abate 20, Lingolingo 18, Wilson 10, Galang 7, Maga 7, J. Cruz-Dumont 5, Momowei 5, Fikes 3, Jimenez 0, Mulingtapang 0, Malaga 0.
Quarter scores: 11–28, 38–42, 50–56, 71–75.