NANATILING NAKAGAPOS ang kampo ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers matapos salantain ng University of the East (UE) Lady Warriors, 47–65, sa kanilang unang bakbakan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Setyembre 22.
Namayagpag para sa hanay ng Taft si Luisa San Juan matapos pumoste ng 14 na puntos bitbit ang isang assist at block. Umagapay rin sa luntiang puwersa si power forward Tricia Mendoza tangan ang sampung puntos kaakibat ang dalawang steal at tatlong block. Sa kabilang banda, nagreyna para sa hukbo ng Silangan si Princess Ganade na tumikada ng 15 puntos, anim na assist, dalawang steal, at isang block.
Bumungad sa unang kuwarter ang palitan ng puntos mula sa free throw line ng parehong koponan. Sa pagnanais na manaig, tumantos ng dalawang puntos sariwa mula offensive rebound si Lady Warrior Aliyah Ronquillo, 3–5. Agad namang kumaripas pababa ng kort si DLSU rookie Mica Camba upang ibalik sa tabla ang talaan sa bisa ng layup, 5–all. Unti-unting dumistansiya ang mga taga-Recto matapos makapagtala ng 6–0 run sa pangunguna ni Ivy Yañez, 11–19. Sa pagsasara ng unang yugto, bahagyang napanipis ang kalamangan sa pananalasa ng mauutak na kumpas ni Claudine Santos at pananamantala nina Lee Sario at Kyla Sunga para sa DLSU, 18–21.
Matagumpay namang naisalpak ni Eli Delos Reyes ang hook shot upang simulan ang bakbakan sa ikalawang yugto ng sagupaan, 20–23. Mula sa sandamakmak na turnovers, nanatiling liyamado ang mga taga-Silangan matapos gulangan ng jump shot ni Lady Warrior Daniela Cruz ang Taft mainstays, 21–33. Tangan ang momentum, kinalawit ni Ganade ang 14 na puntos na bentahe sa matagumpay na pagkasa ng free throw, 21–35. Sinubukang rumesponde ni San Juan matapos tipakin ang labas ng arko, ngunit patuloy na nagpumiglas ang mga nakaberde sa pagtatapos ng kuwarter, 26–37.
Sa pagpitik ng second half, agad na rumatsada ang puntos sa hanay ng Lady Warriors matapos kumamada ng 7–0 run mula sa iba’t ibang bahagi ng kort, 26–44. Tinangka namang baguhin ni Mendoza ang ihip ng hangin sa pagrehistro ng back-to-back na puntos sa tulong ng depensa ni Sario, 30–44. Sa kabila ng maraming pagsisikap upang makaiskor, patuloy na niluwa ng ring ang bola sa panig ng Berde at Puti. Sa huli, ganap na naibulsa ng Recto-based squad ang bentahe sa ikatlong salang sa bisa ng pinakawalang tirada ni Rachel Lacayanga mula sa labas ng arko, 32–49.
Matagumpay na nailagak ni Mendoza ang puntos, sa tulong ni Sunga, sa pagbulusok ng huling bugso ng sagupaan, 34–51. Sa hangaring makabawi, kumubra ng iskor si Kapitana Bernice Paraiso, 36–55. Mula rito, humagip ng jump shot si San Juan upang iangat ang iskor ng luntiang grupo, 38–55. Patuloy na nalagay sa lusak ang Taft mainstays matapos tumarak ng tres si Lady Warrior Ganade, 42–61. Samakatuwid, nanatiling nakasadsad ang mga taga-Taft matapos dominahin ng Recto-based squad ang sagupaan, 47–65.
Sa kabiguang makasungkit ng kauna-unahang panalo sa torneo, nananatili sa ilalim ng talaan ang Lady Archers tangan ang 0–4 panalo–talo kartada. Gayunpaman, muling susubukan ng Taft mainstays na magpasimula ng kuwento ng tagumpay kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum sa ika-11:30 n.u. sa Miyerkules, Setyembre 25.
Mga Iskor:
DLSU 47 – San Juan 14, Mendoza 10, Camba 4, Sario 4, Sunga 4, Rodriguez 3, Santos 2, Dela Paz 2, Paraiso 2, Delos Reyes 2, Villava-Cua 0, Catalan 0, Bacierto 0.
UE 65 – Ganade 15, Lacayanga 13, Ronquillo 11, Vacalares 9, Ruiz 9, Yañez 5, Kone 3, Dalguntas 0, Buscar 0, Cruz 0, Lumibao 0.
Quarter scores: 18–21, 26–37, 32–49, 47–65.