PINURUHAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang puwersa ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 25–18, 25–20, 25–23, sa kanilang ikalawang paghaharap sa best-of-three semifinals series ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa PhilSports Arena, Setyembre 22.
Hinirang na Player of the Game si DLSU middle blocker Joshua Magalaman matapos umukit ng 13 puntos mula sa pitong atake, apat na block, at dalawang service ace. Umagapay rin sa kaniya sina wing spiker Rui Ventura at Chris Hernandez na nagsumite ng pinagsamang 20 marka. Sa kabilang banda, pinangunahan ni opposite hitter Al-Bhukarie Sali ang Golden Spikers matapos magtala ng sampung puntos mula sa pitong atake at tatlong block.
Liksi at bilis ang ipinamalas ng Green Spikers sa pagsisimula ng sagupaan matapos magpakawala ng mga atake si DLSU open spiker Eugene Gloria, 5–3. Agad na rumatsada si Sherwin Umandal ng dalawang magkasunod na opposite kill na sinundan ng isang crosscourt attack ni Gboy De Vega upang mapihit ng Golden Spikers ang manibela ng laro, 7–8. Muli namang nasikwat ng Taft-based squad ang kalamangan bunsod ng dalawang service ace ni Magalaman kaakibat ang pagmintis ng kabilang panig, 20–16. Sa huli, inangkin ni Hernandez ang naturang set sa bisa ng isang down-the-line hit, 25–18.
Solidong opensa ang naging bungad ng Taft mainstays sa ikalawang set tangan ang atake ni Gloria, 4–1. Umariba naman para sa España-based squad si Sali na nagrehistro ng atake upang itabla ang talaan, 6–all. Subalit, nagpakitang-gilas si open spiker Yoyong Mendoza na pinalobo ang kalamangan ng Berde at Puting koponan sa walo, 20–12. Sinubukan pang makahabol ng Golden Spikers, ngunit tuluyan nang tinuldukan ni Mendoza ang naturang yugto sa kaniyang crosscourt attack, 25–20.
Maagang nag-init ang mga palad ni Mendoza bitbit ang hangaring maibulsa ang panalo matapos muling magpasiklab ng crosscourt attack, 7–2. Samantala, pinaigting ng Golden Spikers ang kanilang depensa sa net upang agawin ang kalamangan sa mga nakaberde, 11–12. Ngunit, nalinlang ang depensa ng mga tigre matapos tumipa ng atake si DLSU playmaker Eco Adajar, 22–21. Nanatili namang buhay ang pag-asa ng España mainstays buhat ng depensa sa net ni veteran De Vega, 24–23. Gayunpaman, hindi na hinayaan pa ni Ventura na makahabol ang mga taga-España at ganap nang sinelyuhan ang tapatan sa bisa ng kaniyang atake, 25–23.
Tutungtong ang Green Spikers sa do-or-die match kontra Golden Spikers matapos itabla ang serye, 1–all. Susubukang ibulsa ng Taft mainstays ang tiket tungo sa pinal na yugto ng torneo sa parehong pook sa ika-5:00 n.h. sa Miyerkules, Setyembre 25.