Pag-alala sa masalimuot na nakaraan: Solidarity Walk at Prayer Vigil para sa anibersaryo ng Batas Militar, inilunsad ng OVPEA

Kuha ni Georvene Marzan

“Never again to Martial Law! Never again! Never forget!”

IKINASA ng Office of the Vice President for External Affairs ang malawakang kilos-protesta sa De La Salle University-Manila para sa ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, Setyembre 18.

Umikot ang mga estudyante bitbit ang mga karatula ng kanilang mga panawagan sa Bro. Connon Hall, Don Enrique T. Yuchengco Hall, St. Joseph Hall, William Hall, Henry Sy Sr. Hall, at St. La Salle Hall. Nagtapos ito sa isang prayer vigil sa Pearl of Great Price Chapel. 

Pagbalik sa nakaraan

Inilahad ni Vice President for External Affairs Macie Tarnate na sariwa pa rin sa taumbayan ang karahasan ng diktadurang Marcos sa kabila ng paglipas ng 52 taon. Ikinintal din niya sa pamayanang Lasalyano ang responsibilidad ng pag-alala sa nakaraan ng bansa bilang mamamayan nito.

Binigyang-pugay rin ni Tarnate ang mga Lasalyanong nag-alay ng kanilang buhay para sa muling pagkamit ng demokrasya. Kabilang ang Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) at Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), na ipinagdiriwang ang kanilang ika-39 na anibersaryo ngayong taon, sa mga organisasyong pang-estudyanteng itinatag noong kasagsagan ng Batas Militar.

Ipinahayag ni SANTUGON President Earl Guevara na hindi pa nawawakasan ang laban ng mga Pilipino. Pagtindig niya, “Tayo ay maninindigan para sa mga magsasaka. . . sa mga mangingisdang inaatake ng mga dayuhan, sa mga manggagawang pinagsasamantalahan, [at] sa mga martir ng Martial Law na nagsakripisyo ng buhay at dugo para sa ating mga karapatan.”

Nagbigay-babala naman si TAPAT President Emman Mantaring ukol sa buhay na banta ng Batas Militar bunsod ng pagbabalik ng isang Marcos at muling paghawak ng mga Duterte sa pinakamatataas na posisyon sa gobyerno. Tinutulan din ni Mantaring ang pananatili sa kapangyarihan ng mga naturang tauhan sa nalalapit na Halalan 2025.

Pag-asa sa kabila ng paghihirap

Ipinaliwanag ni USG President Raphael Hari-Ong na hindi lamang bahagi ng kasaysayan ang Batas Militar, bagkus isa itong babala sa panganib ng pananahimik sa gitna ng paniniil. Pagsasaboses niya, “Sa bawat kandila na sisindihan ngayong gabi, pinipili natin maging tagapangalaga ng katotohanan, tagapagtanggol ng katarungan, at tinig ng mga nawalan.”

Dumaing naman si Dr. Jazmin Llana, chairperson ng Committee on National Issues and Concerns, para sa sapilitan umanong pagsulong ng kasalukuyang administrasyon sa ideolohiyang Marcos gamit ang mga logo at awit ng kampanyang Bagong Pilipinas. Binigyang-halaga niya ang pakikipaglaban para sa tunay na pambansang kasaysayan upang pagkaisahin ang iba’t ibang sektor ng komunidad.

Isinaad naman ni Saleha Hassan, ID 123 mula Bachelor of Arts in Development Studies at Bachelor of Science in Accountancy, na may pribilehiyo ang mga Lasalyano at hinikayat silang gamitin ito sa pagpapalawig ng diskurso ukol sa mga isyung panlipunan. Ilan dito ang pagtaas ng matrikula at pag-apruba ng mga mapanupil na batas.

Binigyang-atensiyon din ni Alexavier Hain, ID 123 mula Bachelor of Arts in Psychology, ang mga kasalukuyang isyu sa bansa, partikular na ang Anti-Terror Law at mga paksang hindi gaanong natututukan.

Tinalakay naman ni Tarnate sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang suliranin ng paglaganap ng disimpormasyon at pagtanggi sa mga krimen sa kasaysayan. Payo niya, “Let us all be constantly educated [tungkol sa] kung ano ba talaga ang nangyari. . . And us as Filipinos, it is our duty and responsibility to keep the spirit alive of what has happened in the past.”