BUMIGAY ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 25–22, 23–25, 15–25, 16–25, sa kanilang unang sagupaan sa best-of-three semifinals series ng V-League 2024 Men’s Collegiate Challenge sa PhilSports Arena, Setyembre 18.
Nagsilbing pundasyon ng mga taga-Taft si rookie Emman Hernandez na rumehistro ng 17 puntos mula sa 16 na atake at isang block. Samantala, hinirang na Best Player of the Game si UST middle blocker Trevor Valera matapos pumukol ng siyam na puntos gamit ang tatlong atake, tatlong block, at tatlong ace.
Umarangkada sa unang set ang España-based squad sa bisa ng mga atake nina middle blocker Popoy Colinares at wing spiker Gboy De Vega, 4–8. Gayunpaman, nabuhayan kaagad ng loob ang Taft mainstays matapos nilang kunin ang bentahe bunsod ng magkasunod na block ni outside hitter Eugene Gloria, 15–13. Pinagtibay pa ni playmaker Eco Adajar ang Berde at Puting kalasag kontra Jan Macam, 20–15. Buhat ng momentum, inangkin ng Green Spikers ang naturang set kasunod ng attack error ni Macam, 25–22.
Dikdikang salpukan ang bumungad sa magkabilang koponan sa panimula ng ikalawang set dahil sa palitan ng tirada nina De Vega at Gloria, 11–all. Nagpamalas naman ng off-the-block hit si open spiker Hernandez upang dalhin ang luntiang koponan sa ikalawang technical timeout, 16–14. Nagpatuloy pa ang momentum ng DLSU kaakibat ng regalo ni Golden Spiker Joshua Avila kay Adajar, 23–21. Subalit, namuhunan ang mga nakaginto sa mga kargadong serve ni Valera upang sulutin ang yugto, 23–25.
Tumamlay ang Taft-based squad pagdako ng ikatlong yugto matapos payungan ni Valera ang tirada ng bagong saltang si MJ Fortuna, 1–6. Pinilit na makasabay ni Hernandez sa tulin ng España mainstays gamit ang through-the-block hit, 9–15. Umukit din si Fortuna ng off-the-block hit upang subukang idikit ang talaan, 12–18. Sa kabila ng pagtatangkang humabol, tuluyang napasakamay ng UST ang ikatlong set buhat ng double contact error ni second-stringer setter Gene Poquita, 15–25.
Maagang nakipaggitgitan ang mga nakaberde sa España mainstays sa ikaapat na yugto nang salagin ni middle blocker Eric Layug ang tirada ni Macam, 2–all. Gayunpaman, nakapagpundar ng 8–0 run ang mga taga-España sa pangunguna ng 1–2 play at block point ni playmaker Dux Yambao, 7–17. Nagpakawala rin si UST opposite hitter Sherwin Umandal ng magkasunod na umaatikabong off-the-block hit upang selyuhan ang tapatan, 16–25.
Bigong matamo ng DLSU ang 1–0 bentahe sa best-of-three semifinals ng torneo. Tatangkaing itabla ng Green Spikers ang serye sa parehong pook sa ika-3:00 n.h. sa Linggo, Setyembre 22.