INILAHAD sa University General Assembly ang mga naisakatuparang proyekto at nakaambang plano ng De La Salle University (DLSU) sa simula ng akademikong taon 2024–2025 sa Teresa Yuchengco Auditorium, Setyembre 13.
Itinampok ng Lasalyanong mamamahayag na si Rico Hizon ang tagumpay ng Pamantasan sa larangan ng pampalakasan, pananaliksik, at likas-kayang pag-unlad. Inilatag din sa programa ang mga isinasagawa at ilulunsad na programang pang-imprastraktura at pang-akademya ng DLSU.
Pag-uumapaw ng Lasalyanong talento
Sinimulan ni Hizon ang programa sa pagbabalik-tanaw sa nakamit na 100% passing rate ng Pamantasan sa Mechanical Engineers Licensure Exam nitong Pebrero, Licensure Examination for Teachers nitong Marso, at Chemical Engineers Licensure Exam nitong Mayo.
Ibinahagi ni Hizon na tumaas ng mahigit 600% ang mga nailimbag na pag-aaral ng DLSU mula 2013 hanggang 2022. Kaugnay nito, nangunguna ang Pamantasan sa may pinakamaraming naitalang publikasyon sa Scopus sa mga Higher Education Institution sa bansa. Wika ni Hizon, “In La Salle, we always want to improve. We always want to grow. The learning is never-ending.”
Binigyang-diin din ni Hizon ang implementasyon ng social engagement sa kurikulum ng mga Lasalyano. Bukod pa rito, ibinida niya ang mga pagsasanay at aktibidad ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-Being (LCIDWell) para sa mental na kalusugan, gender diversity, at social inclusion. Pinangunahan din ng LCIDWell ang paglulunsad ng Student Success Center na magbibigay-suporta sa mga estudyante mula ngayong akademikong taon.
Nagbigay-pugay naman ang Pamantasan sa mga Lasalyanong namayagpag sa larangan ng midya at isports upang patunayan ang kanilang husay sa pandaigdigang entablado. Kabilang sa mga naturang Lasalyano si Hizon na nasungkit ang grand slam para sa mga tagapag-ulat matapos magwaging Best Factual Presenter sa Asian Academy Creative Awards at Best News Anchor sa Asian Television Awards noong 2023.
Pagtugon sa likas-kayang misyon
Tututukan ng DLSU ang pagdaragdag ng mga pasilidad sa kampus ng Laguna. Ilan sa programang pang-imprastraktura nito ang mga bagong laboratoryo, dihital na silid-aklatan, research spot, collaborative learning at working space, at technology center. Pasisinayaan din sa kampus ang Enrique K. Razon Jr. Hall at University Hall. Dagdag pa rito, magkakaroon ng mga planting strip sidewalk at bike lane upang isulong ang sustainable mobility sa mga siyudad.
Matatandaang pumuwesto ang Pamantasan sa top 981–1000 ng Quacquarelli Symonds World University Rankings: Sustainability 2024 at top 31% ng Universitas Indonesia GreenMetric World University Ranking 2023 para sa kontribusyon nito sa likas-kayang kasanayan at pananaliksik. Ibinahagi din ni Hizon ang pagtatatag ng isang panibagong research center upang maiprisenta ang kauna-unahang bakuna para sa African swine fever.
Patuloy namang itinataguyod ng Pamantasan ang United Nations Sustainable Development Goals alinsunod sa panawagan ng Laudato Si’ ni Pope Francis na aksiyonan ang hamon ng kapaligiran. Kasalukuyang nakikipag-uganayan ang DLSU-Manila sa lokal na pamahalaan upang tugunan ang krisis sa klima. Pinagkalooban naman ng Department of Environment and Natural Resources ang DLSU-Laguna ng full environmental legal compliance para sa biodiversity management plan nito.
Winakasan ni DLSU President Br. Bernard Oca, FSC ang programa sa pagsalubong sa mga Lasalyano sa akademikong taon 2024–2025. Minamarkahan nito ang Golden Jubilee o ang ika-50 taon mula nang itaas ang DLSU bilang pamantasan mula sa isang kolehiyo.
Muling pinagtibay ni Oca ang kaniyang layunin para sa Pamantasan. Paninindigan niya, “The first and more obvious [truth] is that a full impact of a great institution takes generations to unfold. . . only the long arc of prosperity can properly reckon this. But there is a second, perhaps more challenging truth—first, we must build a great university.”