PINIGILAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang pagaspas ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 74–61, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Setyembre 15.
Itinanghal na Player of the Game si DLSU power forward Kevin Quiambao matapos umukit ng 13 puntos, 13 rebound, pitong assist, at dalawang steal. Tumulong din sa kaniya sina Mike Phillips at Jcee Macalalag na pumoste ng pinagsamang 22 puntos. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Shawn Tuano ang ADMU matapos maglatag ng 18 marka.
Nagpasiklab sa unang minuto ng sagupaan si Green Archer Earl Abadam matapos pumukol ng tirada sa labas ng arko, 5–2. Hindi rin nagpatinag si DLSU Team Captain Joshua David nang supalpalin ng tres ang Loyola-based squad upang iangat ang kanilang kalamangan sa anim na marka, 15–9. Maliksing winakasan ni M. Phillips ang unang kuwarter matapos magpakawala ng nagbabagang slam, 21–18.
Muling nagpamalas ng tikas sa panimula ng ikalawang kuwarter si Abadam matapos magbitaw ng puntos sa three-point line, 29–22. Nanatiling maalab ang opensa ng Green Archers sa pag-eksena ni center Raven Cortez ng layup mula sa pasa ni reigning Most Valuable Player Quiambao, 33–25. Samantala, nahirapang umarangkada ang Green Archers sa nalalabing minuto ng naturang yugto bunsod ng 8–0 run mula sa Blue Eagles, 40–32. Gayunpaman, matagumpay na naipasok ni M. Phillips ang isang free throw kasunod ang putback buzzer beater sa pagwawakas ng first half, 44–40.
Ipinamalas ng Green Archers ang hagupit ng isang kampeon matapos magpaulan ng sunod-sunod na tirada sa pag-arangkada ng second half, 52–42. Hindi pa nakuntento si David at humirit ng tres, 57–44. Bigong makakuha ng momentum ang mga agila matapos mapako sa apat na puntos ang kanilang naitalang marka at tuluyang tapusin ni Macalalag ang ikatlong yugto sa bisa ng isang layup, 59–44.
Agad tumipa ng layup si DLSU rookie Andrei Dungo upang paigtingin ang kalamangan ng Taft mainstays sa huling kuwarter, 61–44. Umariba naman si Tuano upang subukang maihabol ang Loyola-based squad sa talaan, 66–49. Gayunpaman, nagpakitang-gilas si David ng isang layup mula sa mapanlinlang na assist ni Quiambao upang palobohin ang kalamangan ng DLSU, 72–52. Sa kabilang banda, sinubukan pang baliin ni ADMU rookie Jared Bahay ang solidong depensa ng Berde at Puting pangkat matapos magrehistro ng layup na sinundan ng three-point shot, 72–59. Subalit, hindi na nagpaawat pa ang Green Archers at ganap nang sinelyuhan ang laro, 74–61.
“As a team, lagi naman kaming nagpre-prepare ng natural best ng ginagawa namin. Unang ni-remind sa’min ni Coach is respect your opponent. . . ‘Yung respect namin sa Ateneo, mataas,” pahayag ni Quiambao sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) tungkol sa kanilang naging preparasyon kontra ADMU.
Isiniwalat naman ni DLSU Head Coach Topex Robinson sa APP ang rason sa pangunguna ni Quiambao sa kanilang mga nakalipas na laro. Aniya, “When the veterans left. . . the role that he has now is bigger. He is not just carrying this team, but [he is] also a leader to the rest.”
Nananatiling malinis ang talaan ng Green Archers bitbit ang 3–0 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Sisikaping supilin ng Taft mainstays ang sandatahan ng University of the East Red Warriors sa parehong lugar sa ika-6:30 n.g. sa Linggo, Setyembre 22.
Mga Iskor:
DLSU 74 – Quiambao 13, Phillips 13, Macalalag 9, David 8, Gonzales 7, Gollena 6, Dungo 6, Abadam 6, Ramiro 2, Agunanne 2, Marasigan 2, Konov 0, Rubico 0.
ADMU 61 – Tuano 18, Bongo 9, Bahay 8, Porter 8, Espina 6, Lazaro 6, Balogun 3, Quitevis 2, Espinosa 1, Gamber 0, Ong 0.
Quarter scores: 21–18, 44–40, 59–44, 74–61.