SUMALA ang mga palaso ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 62–65, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Adamson University Gym, Setyembre 15.
Nanguna sa hanay ng Berde at Puti si Luisa San Juan na nagpakawala ng nakapanggigising-diwang 24 na puntos kaakibat ang tatlong rebound, tatlong assist, at isang steal. Malaking suporta naman ang hatid ni Team Captain Bernice Paraiso na kumayod ng 13 puntos at pitong board. Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si reigning Most Valuable Player Kacey Dela Rosa matapos kumana ng double-double output bitbit ang 24 na puntos, 16 na rebound, apat na block, at dalawang steal.
Bumungad sa unang yugto ang malamig na simulang tinangkang patirin ni Lady Archer Bea Dalisay sa bisa ng pinakawalang tirada sa labas ng arko, 5–6. Sinundan ito ng maagang pag-aalinlangan ng mga taga-Taft dulot ng tatlong napaagang personal foul ni Dalisay. Tinakasan naman ni Blue Eagle Kailah Oani ang depensa ng luntiang koponan gamit ang binitawang ayuda sa labas ng arko, 8–11. Agad na kumaripas ang Lady Archers at bumulsa ng puntos sa tulong ng spin move ni DLSU point guard Luisa Dela Paz, 10–11. Bago magtapos ang kuwarter, tumantos si DLSU shooting guard Lee Sario ng dalawang marka mula sa free throw line na mabilis na binura ng pagragasa ni ADMU Team Captain Sandra Villacruz sa loob ng paint, 14–17.
Muling nanlata ang Lady Archers sa ikalawang bugso ng kuwarter matapos palobohin ni Dela Rosa ang bentahe ng mga agila, 17–23. Pumalag si San Juan sa hamon at dinagundong ang labas ng arko, 21–25. Humirit naman si Oani para sa Blue Eagles at ibinulsa ang anim na markang kalamangan, 21–27. Tangan ang hangaring makabawi, bumalangkas sa ilalim si Sunga at matagumpay na rumehistro ng puntos para sa Taft mainstays, 26–32. Bumida pa si Dela Paz nang matagumpay na maisalansan ang dalawang free throw, ngunit hindi ito naging sapat upang ungusan ang mga nakabughaw sa pagtatapos ng first half, 28–32.
Sariwa mula halftime, maagang nagtala ng mainit na momentum ang Loyola-based squad matapos magrehistro ng 10–0 run mula sa iba’t ibang panig ng kort, 29–47. Makaraan ang ilang pagtatangka, nagparamdam ng bisa ng mga palad si San Juan mula sa labas ng arko, 34–48. Sa kagustuhang panipisin ang kalamangan, sumegunda si Paraiso mula sa parehong distansiya, 37–50. Bago magsara ang ikatlong yugto, sumikwat si Sario ng isang puntos hango sa free throw. Sa kabila nito, hindi pa rin nawala ang komportableng kalamangan ng Asul at Puti, 38–51.
Nanatiling paralisado ang luntiang pangkat matapos humarurot ng layup si Calago sa pagratsada ng huling sampung minuto ng sagupaan, 40–53. Sinundan pa ito ni Dela Rosa ng dos nang pumorma sa loob ng paint, 40–55. Nabuhay ang diwa ng Taft-based squad sa pagbandera ni San Juan ng back-to-back na tres, 54–57. Bumida rin ang tambalang San Juan at Claudine Santos upang matagumpay na umukit ng iskor, 59–60. Gayunpaman, hindi naging sapat ang puwersa ng Lady Archers matapos selyuhan ng Blue Eagles ang sagupaan mula sa free throw ni Oani, 62–65.
Muling dumapa ang Lady Archers sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya upang mapanatili ang madungis na rekord sa torneo tangan ang 0–3 panalo talo kartada. Susubukang madakip ng Berde at Puting kampo ang panalo kontra University of the East Lady Warriors sa SM Mall of Asia Arena sa ika-1:30 n.h. sa Linggo, Setyembre 22.
Mga Iskor:
DLSU 62 – San Juan 24, Paraiso 13, Dalisay 6, Santos 5, Sario 5, Dela Paz 4, Sunga 4, Delos Reyes 1, Camba 0, Mendoza 0, Rodriguez 0, Baciento 0.
ADMU 65 – Dela Rosa 24, Calago 13, Oani 10, Makanjuila 8, Villacruz 7, Batongbakal 3, Eufemiano 0, Nieves 0, Angala 0, Aquirre 0, Cancio 0, Cruza 0.
Quarter scores: 17–14, 37–29, 51–38, 65–62.