KINAPOS ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra National University (NU) Bulldogs, 23–25, 22–25, 23–25, sa pagpapatuloy ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 13.
Nanguna para sa Green Spikers si Chris Hernandez matapos maglatag ng 11 puntos. Umagapay rin sina outside hitter Eugene Gloria at opposite spiker Michael Fortuna na umukit ng pinagsamang 16 na puntos. Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si Jan Abanilla matapos pumoste ng 14 na puntos.
Mainit na sinimulan ng dalawang koponan ang bakbakan matapos magpalitan ng mga atake, 14–all. Patuloy ang kanilang naging gitgitan, ngunit namuhunan ang Bulldogs sa mga error ng Green Spikers upang maiangat ang kanilang kalamangan sa tatlo, 16–19. Kumayod naman si Gloria matapos magpakawala ng atake at idikit ang laban, 22–23. Gayunpaman, hindi na hinayaan ng Bulldogs na makabawi ang Taft mainstays at tuluyang sinikmat ang unang set, 23–25.
Agresibo ang naging bungad ng Green Spikers sa ikalawang yugto matapos magpasiklab ng atake sa open si Hernandez, 8–5. Nagsumite naman ng isang power tip at block si NU middle blocker Obed Mukaba upang maibaba ang kalamangan ng DLSU sa dalawa, 11–9. Nagbago ang takbo ng laro matapos umukit ng 8–3 run ang Jhocson-based squad sa pangunguna ni Abanilla upang masikwat ang kalamangan, 19–20. Nagpatuloy ang pag-ariba ng Bulldogs sa huling bahagi ng yugto bunsod ng sunod-sunod na unforced error mula sa Green Spikers, 22–25.
Maaga namang nagpakawala ng atake si DLSU opposite hitter Rui Ventura na kumitil sa momentum ng Bulldogs sa ikatlong set, 2–3. Sa kabilang banda, muling pinakinabangan ng Jhocson mainstays ang mga unforced error ng Green Spikers upang umabante sa sagupaan, 17–20. Humarurot pa ng crosscourt attack si DLSU sophomore Yoyong Mendoza tangan ang hangaring makahabol, 20–22. Gayunpaman, inangkin na ng Bulldogs ang laro gamit ang off-the-block na atake ni Abanilla, 23–25.
Mananatili ang Green Spikers sa ikalawang puwesto tangan ang 5–2 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng elimination round. Sunod namang haharapin ng Taft mainstays sa semifinals ang puwersa ng University of Santo Tomas Golden Spikers sa parehong lugar sa ika-12:00 n.t. sa Miyerkules, Setyembre 18.