PINULBOS ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang langkay ng Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 82–52, upang sungkitin ang kanilang ikalawang panalo sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 11.
Pinangunahan ni Player of the Game Kevin Quiambao ang Berde at Puting pangkat matapos tumikada ng 21 puntos, limang rebound, apat na assist, dalawang steal, at isang block. Umagapay rin si DLSU rookie Andrei Dungo bitbit ang 15 marka mula sa 5/5 tira sa labas ng arko. Samantala, pinasan ni big man Cedrick Manzano ang San Marcelino-based squad sa pag-ukit niya ng 15 puntos, walong rebound, at dalawang assist.
Maagang katahimikan ang bumungad sa magkabilang koponan sa pagsisimula ng bakbakan bago ito basagin ni DLSU shooting guard Lian Ramiro gamit ang jump shot, 2–0. Sinagot ito ng slam ni AdU center OJ Ojarikre upang panatilihing dikit ang talaan, 6–4. Gayunpaman, hindi nagpahuli si reigning Most Valuable Player Quiambao nang pumukol ng limang marka para sa luntiang koponan, 11–4. Nagpasiklab din ng tatlong magkakasunod na tres sina Dungo at Vhoris Marasigan upang dominahin ang unang yugto ng sagupaan, 20–6.
Nakabuwelo agad ang mga palkon sa simula ng ikalawang kuwarter, bisa ng mga tirada nina small forward Manu Anabo, Manzano, at Ojarikre, 22–13. Gayunpaman, hindi natinag ang tambalang EJ Gollena at Quiambao matapos bumandera sa labas ng arko, 28–15. Kumamada rin si DLSU center Henry Agunanne sa loob ng paint mula sa one-hand pass ni power forward Quiambao pagdako ng 2:16 na marka, 35–23. Bumuwelta naman ng pitong magkakasunod na puntos si point forward Jcee Macalalag upang selyuhan ang first half, 44–27.
Binuksan ni Dungo ang ikatlong yugto gamit ang tirada sa labas ng arko, 47–27. Nagpalitan naman ng puntos sina Manzano at Quiambao upang mag-ambag ng anim na marka sa kanilang mga koponan, 53–35. Nagpamalas din ng perimeter jump shot si Marasigan upang itala ang unang two-point field goal ng mga taga-Taft sa naturang yugto, 64–37. Bunsod ng momentum, tinapos ni small forward Ramiro ang ikatlong kuwarter sa free throw line, 65–45.
Tangan ang hangaring idikit ang iskor, pumorsiyento ang mga taga-San Marcelino ng limang marka sa pagsisimula ng huling sampung minuto ng salpukan. Pinangunahan ang atake ng driving layup ni Monty Montebon, 65–50. Subalit, nagngalit ang puwersa ng mga manunudla at nagpamalas ng 11–0 run mula sa mga tirada nina Earl Abadam, Agunanne, at Quiambao, 76–50. Nagawa pang makaalpas ng pakpak ni Soaring Falcon Montebon gamit ang two-point shot, 76–52. Ngunit, tuluyan nang minarkahan nina Green Archer Marasigan at Matt Rubico ang panalo sa pagdagundong nila sa labas ng arko, 82–52.
Umangat sa 2–0 ang panalo-talo baraha ng Green Archers sa torneo. Susubukang panatilihin ng Taft-based squad ang malinis na rekord kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles sa SM Mall of Asia Arena sa ika-6:30 n.g. sa Linggo, Setyembre 15.
Mga Iskor:
DLSU 82 – Quiambao 21, Dungo 15, Agunanne 11, Macalalag 9, Marasigan 8, Gollena 7, Ramiro 3, Gonzales 3, Rubico 3, Abadam 2, David 0, Phillips 0, Alian 0, Konov 0.
AdU 52 – Manzano 15, Montebon 7, Anabu 7, Yerro 6, Ojarikre 4, Erolon 3, Fransman 3, Alexander 3, Mantua 2, Barasi Jr. 2, Calisay 0, Dignadice 0, Ramos 0, Ignacio 0, Ronzone 0, Barcelona 0.
Quarter scores: 20–6, 44–27, 65–45, 82–52.