DUMAPA ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa bangis ng National University (NU) Lady Bulldogs, 49–64, sa kanilang unang engkuwentro sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Adamson University (AdU) Gym, Setyembre 8.
Nanguna sa kampanya ng Lady Archers si Tricia Mendoza matapos umukit ng 16 na puntos, 11 rebound, dalawang assist at steal, at isang block. Umagapay rin sa opensa si DLSU Team Captain Bernice Paraiso na pumoste ng sampung marka. Sa kabilang panig, gumawa ng ingay si Player of the Game Camille Clarin matapos tumikada ng 16 na puntos, anim na rebound, at tatlong steal.
Rumatsada ang puwersa ni Mendoza sa entrada ng unang kuwarter matapos palasapin ang NU ng dalawang magkasunod na jumpshot, 6–7. Sa kabila ng dikit na talaan, kumayod ng dos ang Jhocson-based squad upang masulot ang kalamangan sa Taft mainstays, 9–11. Gayunpaman, muling umaksiyon si Mendoza kasunod ng pag-asinta sa loob ng paint, 17–14. Hindi naman nagpatinag si Cielo Pagdulangan at nagawang supalpalin ng tres ang Taft-based squad sa huling limang segundo ng yugto, 17–all.
Agad na sumagupa ng layup si DLSU player Mica Camba tangan ang hangaring ungusan ang Bulldogs pagdating ng ikalawang kuwarter, 21–20. Ngunit, nagpasiklab ng fastbreak si Clarin upang sikwatin ang kalamangan ng luntiang koponan, 21–23. Bunga ng mainit na sagutan, kumasa ng tira sa labas ng arko si Kapitana Paraiso, 26–23. Pumalag muli si Clarin upang itabla ang talaan sa bisa ng umaatikabong tres, 26–all. Sa huli, napasakamay ng Bulldogs ang naturang yugto matapos magrehistro ng mga puntos, 28–33.
Bumulusok naman si Lady Archer Lee Sario pagdako ng second half at mariing ipinasok ang bola mula sa gitna, 30–33. Samantala, sumagot si Angel Surada ng isang midrange jumper upang ikandado ang kalamangan ng Lady Bulldogs. Humirit din ng isang maalab na tres si Kristine Cayabyab sa natitirang isang minuto ng naturang kuwarter, 37–43. Nagpakawala rin ng kaniyang bersyon ng tirada mula sa labas ng arko si Bonie Solis upang palakihin ang agwat ng mga nakaasul sa pagtatapos ng yugto, 38–57.
Naging mailap ang opensa ng dalawang koponan sa pagbubukas ng huling sampung minuto ng tapatan. Ngunit, binasag ni Paraiso ang katahimikan nang maisalaksak ang tirada mula sa three-point line, 43–57. Kumayod naman ng reverse layup si Ara Bacierto sa huling isang minuto ng sagupaan, 47–62. Gayunpaman, tuluyang pinamaga ng Lady Bulldogs ang kanilang bentahe upang maselyuhan ang panalo, 49–64.
Bunsod ng pagkatalo, maagang nadungisan ang rekord ng Taft-based squad sa torneo bitbit ang 0–1 panalo-talo kartada. Sunod namang hahamunin ng Lady Archers ang AdU Lady Falcons sa parehong lugar sa ika-11:30 n.u. sa darating na Miyerkules, Setyembre 11.
Mga Iskor:
DLSU 49 – Mendoza 16, Paraiso 10, Sario 7, Binaohan 4, Sunga 4, Dalisay 2, Bacierto 2, Camba 2, De La Paz 2, San Juan 0, Delos Reyes 0
NU 64 – Clarin 16, Cayabyab 13, Pagdulagan 11, Solis 8, Fabruada 7, Surada 5, Talas 3, Konateh 1, Canuto 0 , Betanio 0, Alterado 0, Ico 0, Pring 0
Quarter scores: 17-17, 28-33, 38-57, 49-64.