GINAPOS ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang National University (NU) Bulldogs, 78–75, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 8.
Naghari para sa Green Archers si reigning Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao matapos kumamada ng 22 puntos, walong rebound, at pitong assist. Katuwang sa pagsikwat ng panalo, pumoste rin sa opensa at depensa si Mike Phillips sukbit ang 12 puntos, 11 rebound, at dalawang assist. Nakipagsabayan naman para sa panig ng asul at ginto sina PJ Palacielo at Jake Figueroa na parehong umukit ng 15 puntos.
Pagpatak pa lamang ng unang kwarter, dikdikang depensa na ang ipinamalas ng dalawang koponan sa tindi ng agawan sa bola at pinaigting na presensiya sa ilalim. Unti-unting bumugso ang hangin pabaling sa Bulldogs sa pagsiklab ng dalawang magkasunod na puntos, 0–4, na sinagot ng Taft mainstays upang pansamantalang ipako ang NU, 7–4. Hindi rin nagtagal at nagising ang opensa ng DLSU sa pangunguna nina Season 86 MVP Quiambao at Team Captain Josh David upang tupukin ang pag-aalab ng Bulldogs, 23–18.
Samantala, naging maalat ang pagsisimula ng Green Archers sa pagpasok ng ikalawang kwarter matapos kumamada ang Bulldogs ng 8–0 run dala ng mga pukol nina Figueroa at Nash Enriquez, 23–26. Agad na sumagot ang Taft-based squad sa bisa ng isang dunk mula kay Quiambao na sinundan ng three-point shot ni DLSU point guard Lian Ramiro upang maitabla ang laro, 31–all. Muling namang gumawa ng kalamangan ang NU mula sa mga tira ni Kenshin Padrones, 40–45, bago magpamalas ng sariling 5–0 run si Quiambao na nagpadikit sa talaan, 45–all.
Binuksan ng Green Archers ang second half sa pagbira ng tres ni EJ Gollena, 48–45. Palitan ng bentahe angkin ang masugid na opensa ang binuwelta ng parehas na kampo, ngunit pinihit ni Ramiro ang laro sa bisa ng madamdaming block kontra Bulldogs. Agaran itong inaksiyonan ni Phillips upang ibigay ang tatlong kalamangan sa panig ng Berde at Puti, 54–51. Gayunpaman, sinalanta ng sunud-sunod na turnover ang DLSU na sinamantala ng mga taga-Jhocson. Bunsod nito, napaigting ng Bulldogs ang pagratsada ng kanilang opensa upang umalagwa sa ikatlong kwarter, 60–65.
Agad na nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan pagdako sa huling sampung minuto ng tapatan. Subalit, napatuloy ang pamamayagpag ni NU player Ian Manansala na nag-angat sa kanilang kalamangan sa pitong marka, 64–71. Sumagot naman ng apat na puntos si Earl Abadam na sinundan ng tres ni Quiambao upang muling maitabla ang laro, 71–all. Sa huli, nanaig ang Green Archers sa kanilang unang panalo sa torneo buhat ng three-point shot ni Quiambao sa nalalabing siyam na segundo ng laro, 78–75.
“‘Yung mga pagkakamali namin kanina, kailangan namin baguhin and then paghandaan ‘yung Adamson. . . paghandaan ‘yung mga tendencies nila sa lahat-lahat,” pagbabahagi ni Quiambao sa Ang Pahayagang Plaridel tungkol sa kanilang sunod na katunggali.
Aakyat na sa 1–0 panalo-talo kartada ang Green Archers sa torneo. Susubukan namang panain ng Taft mainstays ang pakpak ng Adamson University Soaring Falcons sa parehong lugar sa ika-4:30 n.h. sa darating na Miyerkules, Setyembre 11.
Mga Iskor
DLSU 78 – Quiambao 22, M. Phillips 12, Gollena 10, Abadam 8, Gonzales 6, Ramiro 6, Macalalag 5, David 4, Dungo 2, Agunanne 2, Marasigan 1.
NU 75 – Figueroa 15, Palacielo 15, Manansala 10, Padrones 7, Jumamoy 6, Francisco 6, Enriquez 4, Yu 2, Cruz 2, Garcia 2, Perciano 2, Santiago 2, Lim 2.