PUSO ANG NANAIG hanggang dulo para sa De La Salle University Lady Tracksters matapos umigpaw ang koponan patungo sa makasaysayang unang kampeonato sa nagtapos na University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Athletics Tournament. Nakamit ng Berde at Puting hanay ang kabuoang 301 puntos upang ungusan ang powerhouse team na Far Eastern University Lady Tamaraws bitbit ang 268 puntos.
Kaakibat ang pisikal na katatagan at matibay na samahan, tuluyang nakalusot sa butas ng karayom ang mga bagong reyna ng takbuhan. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), isinalaysay nina Lady Trackster Jessel Lumapas at Head Coach Jeoffrey Chua ang kanilang mga dinanas sa pagsabak sa naturang torneo.
Pag-ukit ng kasaysayan
Nagsilbing testimonya ng kanilang husay ang kampeonatong nakamit ng Lady Tracksters sa iba’t ibang larangan ng athletics. Pinangunahan ni Season 86 Most Valuable Player Bernalyn Bejoy ang naging kampanya ng luntiang hanay matapos mag-uwi ng gintong medalya sa 400m at 800m event at tanso naman sa 200m event. Naibulsa rin ni National Team Player Bejoy ang ginto sa 400m hurdles event at 4x400m relay kasama sina Lumapas, Erica Ruto, at Hannah Delotavo.
Naging katuwang ni Bejoy sa kanilang makasaysayang kampanya si Season 86 Athlete-Scholar Lumapas. Hindi nagpaawat si Lumapas sa pagkamit ng gintong medalya sa 4x100m relay upang paigtingin ang kabuoang puntos ng Lady Tracksters. Bukod dito, naibulsa ni Lumapas ang pilak na gantimpala sa 200m at 400m event. Kanya ring binitbit ang tansong medalya sa 100m event.
Hindi naman nagpahuli si Lady Trackster Abcd Agamancos matapos selyuhan ang ginto sa 100m hurdles event. Gayundin, nag-uwi ng tanso sina Ana Eugenio sa 1500m event, Yessamin Carbonilla sa 3000m walk event, at Laurize Wangkay sa 5000m walk event.
Pinagtibay na mithiin
Madalas mabitin ang Lady Tracksters sa pagtakbo patungo sa inaasam na ginto, ngunit hindi na sila muling pumayag na maranasan ang masalimuot na pangyayaring ito. “Hindi na tayo nabitin this year, nakuha na natin. . . Higit sa masaya, this is a dream come true for me, lalo na pangarap ‘to eh. Pangarap na naging katotohanan na siya,” nagagalak na saad ni Coach Chua sa APP.
Natamasa man ang tagumpay sa Season 86, hindi nakaligtas ang luntiang hanay sa mga hamong tunay na sumubok sa kanilang katatagan at determinasyon. Inihayag ng tagapagsanay na ang kakulangan sa bilang ng mga manlalaro ang kanilang naging pangunahing suliranin sa nagdaang torneo kaya kinailangang magdoble-kayod sa pag-eensayo ng Lady Tracksters. Bukod pa rito, isiniwalat din ni Lumapas ang paghihirap ng koponan pagdating sa kanilang tinutuluyan, pagkain, at transportasyon. Hindi naging madali sa pangkat ang preparasyon para sa torneo dahil naging palaisipan pa kung saan sila kukuha ng makakain o hahanap ng matutuluyan sa kanilang pagluwas mula probinsya patungong Maynila.
Sa kabila nito, patuloy na pinapayuhan ni Coach Chua ang kaniyang mga manlalarong magtiwala sa sistema at sa isa’t isa. Naniniwala siyang ito ang kanilang magiging susi upang mapagtagumpayan ang bawat laro. Binanggit din ng tagapagsanay na hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa Lady Tracksters ng kanilang mga responsibilidad upang magawa nila nang maayos ang kanilang mga gampanin bilang isang manlalaro at estudyante.
Hanggang sa susunod na ginto
Hindi nagtatapos ang pangarap ng Lady Tracksters sa iisang kampeonato lamang. Sa kanilang pagreyna sa Season 86, lalong tumindi ang kanilang kagustuhang panatilihin ang korona sa Berde at Puting kampo. Bunsod nito, kumakayod ang bawat miyembro ng koponan simula 5:30 N.U. makamit lamang ang minimithing tagumpay bilang mga estudyanteng atleta.
Buhat ng matinding ensayo para sa kanilang mga nilalahukang kompetisyon, hindi naitanggi ni Lumapas ang hirap na kanilang naranasan sa pagbabalanse ng kanilang buhay. Gayunpaman, sa kabila ng anomang pag-ulan o pag-araw, buong-pusong nagpapasalamat si Lumapas at Coach Chua sa pamayanang Lasalyano. “Thank you, La Salle! We love you! Sana mas suportahan [pa ninyo] kami lalo na sa next season para makapag-prepare kami nang maayos,” sambit ni Lumapas kaakibat ang abot-taingang ngiti.
Sinubok man ng mga balakid ang Lady Tracksters, pinantayan naman nila ito ng nag-uumapaw na dedikasyon at kahusayang nagsilbing tulay upang maibalandra sa Taft Avenue ang kanilang kauna-unahang kampeonato. Sa bawat patak ng pawis, inilalahad ng Lady Tracksters ang kuwento ng kanilang walang hanggang determinasyon. Sa bawat tagumpay na kanilang nilulundag, isinisilang ang pangarap na patuloy nilang tatakbuhin patungo sa susunod pang mga ginintuang karera.