Paglayag ng ID 124 tungo sa buhay kolehiyo, tampok sa LPEP 2K24

mula sa Lasallian Personal Effectiveness Program

MAINIT NA SINALUBONG ng Lasallian Ambassadors (LAmbs) at Council of Student Organizations (CSO) ang mga ID 124 sa Lasallian Personal Effectiveness Program (LPEP) 2K24 na may temang “Animo Voyage: Sailing Towards Success” sa De La Salle University – Manila, Agosto 19 hanggang 24.

Binuo ang programa ng misa, plenary session, kumustahan session, at campus tour para sa bawat kolehiyo. Muli ring idinaos ang Animo Building Concert at Frosh Walk sa edisyong ito ng LPEP.

Pagdaong sa destinasyon

Sinimulan ang bawat araw ng LPEP sa isang banal na misa sa pangangasiwa ni Fr. Alejandro Mijangos, LC. Binigyang-daan naman ng salo-salo sa Corazon Aquino Democratic Space (CADS) at Don Enrique T. Yuchengco Cave ang masiglang interaksiyon sa pagitan ng mga estudyante.

Itinampok din ng LAmbs ang iba’t ibang espasyo sa kampus at mga nakapupukaw na kaalaman sa likod ng mga gusali rito. Nagtapos ang programa sa Animo Building Concert ng Cultural and Arts Office. Layunin ng konsiyertong magbigay ng kasiyahan at inspirasyon sa mga bagong miyembro ng komunidad ng mga Lasalyano.

Hindi naman nagpatinag ang pamunuan ng LPEP sa nagbadyang kanselasyon ng Frosh Walk dahil sa matinding pag-ulan nitong Agosto 19. Bunsod nito, nagsagawa ang LAmbs ng Mini Frosh Walk sa CADS upang maiparanas sa mga estudyante ng College of Liberal Arts ang isang mahalagang bahagi ng kanilang paglalakbay bilang mga Lasalyano.

Binigyang-kulay din ng mga organisasyon ng CSO ang Frosh Walk sa sumunod na mga araw. Tinahak ng mga ID 124 mula College of Computer Studies, Br. Andrew Gonzalez College of Education, Ramon V. del Rosario College of Business, College of Science, Gokongwei College of Engineering, Carlos L. Tiu School of Economics, at School of Innovation and Sustainability ang daan mula Don Enrique T. Yuchengco Cave tungo sa St. La Salle Walkway.

Sa kabilang dako, pinamunuan ng College of Student Affairs at LAmbs ang Frosh Welcoming ng mga estudyante mula sa kampus ng Laguna nitong Agosto 27.