Kasabay ng paglipas ng panahon ang pag-usbong ng mga makabagong teknolohiyang ginagamit ng midya sa iba’t ibang larangan ng pampalakasan. Nagresulta ang hindi maiiwasang pagbabagong ito sa mga komersyalisadong platapormang tuluyang nagpailap ng akses ng kabataan sa mga isport ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Matatandaang libreng mapanonood ang mga isport ng UAAP sa ABS-CBN simula noong 2000 gamit ang Sports + Action (UHC Channel 23). Subalit, bunsod ng nagdaang pandemya at pagpapasara ng prangkisa ng naturang network noong Mayo 2020, hindi na nasundan pa ang sang-usapan. Noong Oktubre 23, 2020, pormal na nilagdaan ng Cignal TV ang isang kasunduan sa UAAP para sa karapatan sa pagpapalabas ng mga sporting event hanggang 2026 sa TV5 at One Sports sa ilalim ng UAAP Varsity Channel. Inilunsad din ng Cignal TV ang ilang live streaming site katulad ng Cignal Play at Pilipinas Live.
Layunin ng mga aplikasyong itong maabot ang milyon-milyong tagahanga ng pampalakasan sa iba’t ibang panig ng mundo. Subalit sa kasalukuyan, tila hindi na ito para sa madla, partikular na sa mga estudyante. Kinakailangang magbayad ng hindi bababa sa Php75 kada buwan ang isang Cignal Play subscriber at Php149 naman kada buwan para sa isang Pilipinas Live subscriber upang magkaroon ng premium access sa lahat ng laro. Hindi rin lingid sa kaalaman ng nakararaming hindi libre ang mga tiket ng mga estudyanteng mula sa walong kalahok na unibersidad sa UAAP na nais manood ng mga live na laro.
Sa kabila ng pagbabayad para matamasa ang premium access, bigo pa ring bigyan ng UAAP Varsity Channel ng sapat na media coverage ang bawat isports sa naturang torneo. Nitong Season 86, nanatili ang spotlight sa mga pinakatanyag na pampalakasan sa bansa katulad ng basketball at volleyball. Maraming larangang hindi naipalabas sa telebisyon at sa mga streaming platform na inilunsad ng Cignal TV kagaya ng badminton, judo, table tennis, taekwondo, at iba pang hindi sikat na isports. Sa halip na magsilbing bukas na pintuan para sa lahat ng kabataang nais makibahagi sa mga tagumpay at pag-asa ng kanilang mga atleta at pamantasan, naging eksklusibo at limitadong pribilehiyo ito para sa mga may kakayahan.
Sa harap ng lumalalang komersyalisasyon ng UAAP coverage, nananatiling matibay ang ANG PAHAYAGANG PLARIDEL (APP) sa paninindigan nitong maging tinig ng mga estudyante at ng masa. Nananawagan ang pahayagan sa mas makatarungan, mas abot-kamay, at mas inklusibong mga plataporma para sa lahat. Naninindigan ang APP na para sa lahat ang UAAP, lalong-lalo na sa kabataang huhulma sa matagumpay at maaksiyong kinabukasan ng lipunan. Nangangalampag din ang APP sa kinauukulan ng UAAP na buksan ang kasalukuyang saradong pinto ng naturang torneo, hindi lamang sa mayayaman, bagkus sa bawat kabataang nais makibahagi sa mundo ng pampalakasan.