NAGMINTIS ang palaso ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa sagupaan kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 21-25, 18-25, 18-25, sa 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena kahapon, Agosto 25.
Nagsilbing liwanag para sa Taft-based squad si middle blocker Joshua Magalaman nang magpamalas ng siyam na puntos mula sa tatlong atake, limang block, at isang ace. Sa kabilang dako, nanguna para sa koponan ng FEU Tamaraws si Player of the Game Lirick Mendoza matapos magpasiklab ng 11 puntos mula sa anim na atake at limang block.
Naging malamlam ang pagsisimula ng hanay ng Berde at Puti buhat ng kanilang sunod-sunod na unforced error na nagdulot ng maagang kalamangan para sa Tamaraws, 6-8. Nag-init pa ang bakbakan matapos magpakawala ng isang bounce ball attack ni DLSU outside hitter Eugene Gloria na sinagot naman ng dalawang magkasunod na puntos ni L. Mendoza, 13-19. Nagawa pang maibaba ng Green Spikers ang kalamangan sa tatlo matapos ang sunod-sunod na palyadong atake mula sa kabilang panig, 19-22. Subalit, hindi na nagpatinag pa ang Morayta-based squad matapos isarado ang unang set gamit ang isang crosscourt hit mula kay Amet Bituin, 21-25.
Mas naging agresibo ang opensa ng DLSU pagdako ng ikalawang set buhat ng mga atake ni opposite hitter Rui Ventura, 5-4. Naging dikit naman ang salpukan sa gitnang bahagi ng yugto, ngunit nagtuloy-tuloy ang mga error ng Green Spikers dahilan upang makaabante muli ang FEU, 13-17. Nagsumite man ng dalawang puntos mula sa open ang bagong pasok na si Yoyong Mendoza upang tapyasin ang kalamangan ng Tamaraws, ngunit ang sariling pagmimintis sa service line at atake ng Taft mainstays ang kumitil sa kanilang pag-asang maitabla ang laro, 18-25.
Sa pagpasok ng ikatlong set, nadala ng FEU ang momentum mula sa dalawang nagdaang yugto upang makauna sa first technical timeout gamit ang atakeng pinakawalan ni Bituin at malapayong block ni L. Mendoza, 4-8. Kumamada ng backrow attack ang bagong saltang si DLSU opposite spiker MJ Fortuna, subalit agad namang sumagot ng dalawang magkasunod na drop ball shots si FEU Team Captain Jelord Talisayan, 13-17. Sinubukan pang habulin ni Magalaman ang abante ng mga taga-Morayta, ngunit tuluyan nang inangkin ng Tamaraws ang laro sa bisa ng one-two play ni Benny Martinez, 18-25.
Bunsod ng pagkatalo, bumaba sa ikalawang puwesto ang Taft-based squad tangan ang 4-1 panalo-talo kartada. Samantala, susubukan ng Green Spikers na maikulong ang mababagsik na NU Bulldogs sa darating na Miyerkules, Setyembre 4, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong lugar.