Green Spikers, dinakip ang langkay ng Blue Eagles

mula V-League

PINANA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pakpak ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 25-21, 31-29, 25-19, sa pag-arangkada ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 18. 

Hinirang na Player of the Game si opposite hitter Rui Ventura matapos umukit ng 16 na puntos mula sa 14 na atake, dalawang block, at apat na dig. 

Bumira ng apat na puntos na kalamangan ang luntiang pangkat matapos ang crosscourt attack ni DLSU open hitter Chris Hernandez upang buksan ang unang bugso ng sagupaan, 8-4. Mula unang technical timeout, nagsimulang uminit ang Blue Eagles nang magpakawala ng down-the-line hit si ADMU opposite spiker Kennedy Batas, 10-11. Sumunggab pabalik ng crosscourt attack si Ventura upang mapanatili ang dikit na talaan, 14-13. Bitbit ang momentum, tumipa ng single block si DLSU middle blocker Joshua Magalaman, 21-19. Sa huli, napasakamay ng Green Spikers ang unang yugto gamit ang 1-2 play ni Magalaman, 25-21.

Nagawang lampasuhin ng Green Spikers ang Blue Eagles sa bungad ng ikalawang set matapos payungan ni Magalaman ang kabilang koponan, 5-1. Bumida si open hitter Jian Salarzon matapos gantihan ang Taft-based squad gamit ang off-the-block hit, 9-8. Umangat ang tensyon sa parehong pangkat nang humataw si Salarzon ng down-the-line hit, 25-26. Tumugon naman si Ventura nang bombahin ng crosscourt attack ang zone 1, 27-26. Sa kabila ng mahabang palitan ng atake, nagawang tuldukan ni Ventura ang yugto matapos rumatsada ng down-the-line hit, 31-29.

Sa pagbubukas ng ikatlong set, muling dinomina ng Taft-based squad ang tapatan matapos bumida si open hitter Eugene Gloria ng power tip, 8-3. Humambalos pabalik ng atake si Batas sa hangaring pagdikitin ang talaan, 12-9. Muli namang pinaigting ng Green Spikers ang kanilang depensa sa net matapos lumayag si setter Eco Adajar upang harangin ang atake ng kabilang koponan, 18-13. Pumana pa ng crosscourt attack si Yoyong Mendoza upang selyuhan ang limang puntos na bentahe, 21-16. Tuluyang naghari ang Taft mainstays matapos tuldukan ni Mendoza ng umaatikabong atake, 25-19.

Bunsod ng panalong ito, napanatili ng Green Spikers ang malinis na rekord sa torneo tangan ang 4-0 panalo-talo kartada. Samantala, sunod na hahamunin ng Taft-based squad ang Far Eastern University Tamaraws sa darating na Linggo, Agosto 25, sa ganap na ika-3 ng hapon sa parehong lugar.