PANTAY NA SERYE ang ipinamalas ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) kontra National University (NU) Bulldogs, 1-all, sa pag-uumpisa ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Mobile Legends: Bang Bang Tournament sa Aretè, Ateneo de Manila University, Agosto 17. Hinirang na Most Valuable Player ng Game 1 si VA gold laner Gabriel Sanchez matapos kumamada ng 14 na kill, death, at assist (KDA) mula sa dalawang kill at 12 assist.
Maagang setup ang bitbit ni VA roamer Ryu Godoy [Jawhead] para kay jungler Joshua Tating [Roger] upang pitasin si NU roamer Josh Paculan [Edith] at angkinin ang unang turtle objective. Patuloy na naghasik ng lagim ang Taft-based squad, ngunit hindi nagpahuli ang mga taga-Jhocson na nagpakawala ng 3-3 trade off. Bago sumapit ang ika-12 minuto, kumumpas ng Glorious Pathway skill si DLSU Team Captain Nixon Ong [Hylos] upang salakayin si Paculan at mabasag ni mid laner Clement Chua [Yve] ang inhibitor turret ng Bulldogs sa gitna. Buhat ng momentum, ibinulsa ni Tating ang level two lord at tuluyang winakasan ng VA ang unang yugto sa kanilang pabor.
Nakabuwelo naman ang mga Bulldog sa ikalawang yugto matapos makakuha ng tatlo sa hanay ng DLSU sa pangunguna ni jungler John Ver Gerez [Hayabusa]. Agad namang bumawi si Tating [Roger] nang kunin ang ikalawang turtle objective at supilin sina Paculan [Tigreal] at Gerez. Nagpamalas pa ang mga taga-Taft ng 4-1 trade off upang kunin ang ikatlong turtle. Nagtuos pa ang tambalan nina Tating at Kapitan Ong [Hylos] at tambalan nina Rendell Bangsal [Arlott] at Gerez upang depensahan ang kanilang mga tore sa gold lane na nagbunga ng 3-3 trade off. Pagpatak ng ika-17 minuto, nakaporma ang NU nang bawasan ng dalawa ang hanay ng VA. Agad naman itong sinagot ni Tating na pumukol ng tatlo kaakibat ng lord take. Gayunpaman, nanaig ang late game na potensyal ng Bulldogs at tuluyang itinabla ang serye.
Buhat nito, napasakamay ng VA ang 0-1-0 panalo-tablado-talo kartada at isang puntos sa Group A ng naturang torneo. Samantala, susubukang iangat ng Berde at Puting pangkat ang kanilang ranggo kontra Far Eastern University Tamaraws Esports bukas, Agosto 18, sa ganap na ika-2:30 ng hapon sa parehong lugar.