INILATAG ng Legislative Assembly (LA) ang mga patakaran para sa pagpapalawig ng panunungkulan ng mga opisyal ng University Student Government (USG), paglalaan ng pondo sa bawat yunit, at pangangasiwa sa Special Elections 2024 sa ika-13 regular na sesyon, Hulyo 31. Kaugnay ito ng failure of elections para sa 79 na puwesto noong General Elections 2024.
Isinapormal din sa sesyon ang Fiscal Management Manual ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) at Committee on Student Opportunities (CoSO). Binigyang-bisa rin ang Student Services (SS) Council at Manual sa loob ng Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED). Iminandato naman ang pagsasagawa ng bi-termly town hall meetings ng College Government of Education (CGE) at Science College Government (SCG).
Patuloy na paglilingkod
Palalawigin ang panunungkulan ng mga inihalal at itinalagang opisyal ng USG hanggang sa inagurasyon ng mga magwawagi sa SE 2024. Hindi nito nasasaklaw ang mga posisyon ng SCG president, FOCUS2022 batch president (BP), at FOCUS2022 batch vice president (BVP). Labas din dito ang FAST2021 BP, FAST2022 BP, at FAST2023 BVP.
Samantala, ililipat sa college government ang pamamahala sa mga yunit ng magsisipagtapos na batch. Gayunpaman, maaaring manatili sa USG ang mga opisyal ng mga ito hanggang sa kanilang pagbibitiw sa puwesto o pagtatapos sa Pamantasan. Hahawakan ng mga College Legislative Board (CLB) ang pag-apruba sa liham ng pagbibitiw ng kani-kanilang mga opisyal. Pagpapasyahan naman ng executive secretary ang pagdaraos ng Student Government Annual Recruitment sa unang termino.
Pagkakalooban ang OTREAS ng 33.3% mula sa taunang badyet para sa mga operasyon ng USG sa unang termino. Nilinaw ni CATCH2T26 Sai Kabiling na nagmula ang halagang ito sa direktiba ng Pamantasan. Sa kabilang dako, itatalaga ang mga bagong opisyal ng USG Judiciary, Office of the Ombudsman, Commission on Audit, at Commission on Elections (COMELEC) sa Setyembre.
Magtatatag naman ang chief legislator ng ad hoc Committee on Electoral Affairs bilang kinatawan ng LA sa mga idaraos na legislative inquiry kasama ang COMELEC. Bubuoin ang komite ng chief legislator, majority floor leader, minority floor leader, dalawang miyembro mula sa komiteng Rules and Policies, at isa mula sa komiteng National Affairs at Students’ Rights and Welfare (STRAW).
Tatalakayin sa mga pagpupulong ang pagrebisa sa Omnibus Election Code at mga usapin tungkol sa eleksyon. Nararapat namang magpasa ang COMELEC sa LA ng kalendaryo at mga detalye para sa SE 2024. Iuulat din ng Committee on Electoral Affairs ang kanilang mga nakalap na impormasyon sa Legislative Assembly Inner Circle.
Pinagtibay ang batas sa botong 17 for, 0 against, at 0 abstain.
Bagong-tatag na polisiya
Magsisilbing gabay ng executive treasurer ang Fiscal Management Manual para sa pamamahala sa badyet ng USG. Tinitiyak nito ang pagkakaroon ng malinaw na sistema, sapat na alokasyon ng pondo, at pinansyal na pananagutan sa loob ng OTREAS.
Nakasaad sa manwal ang pag-apruba ng executive treasurer sa lahat ng fundraising activity (FRA) bago magsimula ang procurement of funds. Makikiisa rin ang executive treasurer sa nasabing proseso para sa mga FRA na nangangailangan ng higit Php50,000.
Nararapat namang ideposito ng mga opisyal ang nalikom na pondo sa depository account ng kanilang yunit sa loob ng 14 na araw matapos ang isinagawang proyekto. Mapupunta ang 50% ng mga ito sa OTREAS scholarships, 30% sa executive board offices, at 20% sa OTREAS depository account.
Sa kabilang banda, itinakda rin sa manwal na hindi maaaring bumaba sa Php10,000 ang ilalaang badyet sa bawat college government. Isinabatas ang panukala sa botong 15-0-0.
Itinaguyod naman ni EXCEL2026 Jami Añonuevo ang pagtatatag ng CoSO sa ilalim ng Office of the Vice President for External Affairs. Mandato ng komiteng makipag-ugnayan sa mga opisina ng Pamantasan, partikular na sa Office of the Vice President for External Relations and Internationalization, upang pataasin ang kamalayan ng mga estudyante ukol sa mga inisyatiba ng administrasyon, kagaya ng mga lokal na kompetisyon at exchange programs.
Layunin ng CoSo na gawing sentralisado ang mga proseso ng aplikasyon at umagapay sa mga aplikante sa kabuoang proseso. Tungkulin din ng mga miyembro ng komiteng makipag-ugnayan sa mga opisina ng Pamantasan at ipakalat ang mahahalagang anunsiyo ng mga naturang opisina sa USG channels.
Inaprubahan ang panukala sa botong 16-0-0.
Pinalakas na komunikasyon sa BAGCED at COS
Inihain ni EDGE2022 Billy Chan ang resolusyong nagsasabatas sa SS Council. Pangungunahan ito ng college president kasama ang lahat ng SS officers, BP, BVP, batch legislator, chiefs of staff, at chief operating officers ng CGE. Makikiisa rin sa konseho ang mga kinatawan mula sa OTREAS, Office of the Vice President for Internal Affairs, at Office of the President. Magiging batayan ng konseho ang SS Council Manual para sa mga operasyon nito.
Inaatasan ang SS Council na iparating ang mga anunsiyo ng De La Salle University at CGE sa mga estudyante ng BAGCED. Nararapat naman nilang itaas ang mga personal o akademikong suliranin ng mga estudyante sa CGE. Mandatoryo ring dadalo ang mga miyembro ng konseho sa onboarding process, alignment meetings, at refresher trainings ng kolehiyo.
Inabisuhan naman ni FAST2023 Huey Marudo ang mga may-akdang magdagdag ng noncompliance clause sa resolusyon. Isinabatas ang panukala sa botong 0-16-0, alinsunod sa voting procedures para sa mga resolusyon ng CLB.
Pinangasiwaan din ni Chan ang pagmandato sa CGE na magpatawag ng dalawang town hall meeting bawat termino. Layunin nitong palakasin ang ugnayan sa pagitan ng mga estudyante, lider, at administrasyon. Tatalakayin ang mga nakaambang plano ng kolehiyo sa inisyal na pagpupulong na gaganapin mula una hanggang ikatlong linggo ng termino. Pagtutuunan naman ang mga naisakatuparang proyekto sa huling pagpupulong na isasagawa mula ika-12 hanggang ika-14 na linggo ng termino.
Pinagtibay ang resolusyon sa botong 0-16-0.
Magdaraos din ang SCG ng mandatoryong town hall meetings sa simula at katapusan ng bawat termino. Isasagawa ang unang pagpupulong para sa mga isyu sa pre-enlistment process kasama ang college at batch governments sa ikatlo o ikaapat na linggo ng bawat termino. Bibigyang-pansin naman ang mga suliranin sa enlistment process sa ikalawang pagpupulong kasama ang mga kinatawan mula sa bawat departamento tuwing ikaanim hanggang ikasiyam na linggo ng termino.
“Every term, there are changes regarding the courses to be offered and the system that will be followed by the students upon pre-enlistment and enlistment. This [causes] students to be delayed or take courses different from what is stated in their flowcharts,” pagdaing ni FOCUS2023 Sam Panganiban. Maglalabas ng sarbey ang SCG bago ang mga town hall meeting upang mangalap ng mga katanungan mula sa mga estudyante.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 0-16-0.