SINALAKAY ng defending champions De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang sandatahan ng Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Knights, 25-19, 27-25, 28-26, sa pagbubukas ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena, Hulyo 28.
Hinirang bilang Player of the Game si Kapitan Menard Guerrero matapos pagtibayin ang floor defense ng Green Spikers gamit ang 15 excellent reception at 10 excellent dig. Umagapay rin sa kaniya sina open spiker Chris Hernandez at Eugene Gloria na nagtala ng pinagsamang 18 puntos. Sa kabilang banda, bumida para sa Knights si Vince Himzon nang magrehistro ng walong puntos.
Mainit na sinimulan ng Green Spikers ang bakbakan matapos matagumpay na maglatag ng 4-0 run, 6-2. Nagpatuloy ang pananaig ng Berde at Puting hanay nang magbitiw ng quick attack si Joshua Magalaman upang panatilihin ang pitong puntos na kalamangan, 14-7. Samantala, sinubukan pang humabol ni CSJL middle blocker Himzon ng isang quick attack, ngunit hindi na nagpapigil pa si Gloria at tuluyan nang ibinulsa ang unang set, 25-19.
Nag-iba naman ang ihip ng hangin pagtungtong ng ikalawang yugto matapos magpaulan ang Knights ng atake upang magsumite ng 4-0 run, 0-4. Sa kabilang banda, pinatatag nina Green Spiker Rui Ventura at Eric Layug ang depensa sa net matapos umukit ng magkasunod na block point, 9-10. Ginulantang naman ni Knight Namron Caballero ang DLSU matapos magpasiklab ng atake sa gitna, 22-24. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang sophomore duo na sina Gloria at Ventura matapos ibalik ang angat sa mga nakaberde, 25-24. Tuluyan nang tinuldukan ni Gloria ang naturang set sa bisa ng crosscourt hit, 27-25.
Agad na umarangkada ang dalawang koponan sa pagratsada ng ikatlong set matapos magpalitan ng mga atake, 10-all. Nagpatuloy pa ang dikit na sagupaan ng dalawa, ngunit nagawang patahimikin ni middle blocker Himzon ang Green Spikers gamit ang dalawang magkasunod na block, 18-20. Tangan ang momentum, unang naisukbit ng Intramuros mainstays ang set-point advantage, 24-21. Gayunpaman, nagpakawala ng service ace si Magalaman upang ibalik ang abante sa mga taga-Taft, 25-24. Tuluyan nang inangkin ng Green Spikers ang panalo matapos ang attack error ni Sta. Maria, 28-26.
Bunsod ng panalong ito, nasungkit ng Green Spikers ang 1-0 panalo-talo kartada sa torneo. Samantala, sunod na makahaharap ng Taft mainstays ang University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers sa darating na Miyerkules, Agosto 7, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong lugar.