KINORONAHAN ang De La Salle University Viridis Arcus (VA) Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) Team matapos siilin ang Far Eastern University Tam FX (TFX) Nireus, 3-0, sa grand finals ng Collegiate Center for Esports (CCE) Season 4 playoffs sa SMX Convention Center, Hulyo 28.
Maagang bentahe ang nakuha ni VA MLBB jungler Yungch [Roger] sa unang 2:26 na minuto ng unang laro matapos ibulsa ang turtle objective kaakibat ng pagpitas ni VA Team Captain Jinx [Gloo] kay TFX jungler PDash [Lancelot]. Sinamantala naman ng TFX ang pumalyang tower lock ng VA upang angkinin ang enhanced level two lord pagdako ng 12:57 marka. Nagpatuloy pa ang pagsalakay ng Morayta-based squad nang kunin ang gold lead at level three lord upang basagin ang inhibitor turret ng VA sa experience (exp) lane. Gayunpaman, nanaig ang kumpiyansa ng luntiang koponan sa pangunguna ni Yungch na nagtala ng Maniac sa pagtatapos ng unang yugto, 1-0.
Tangan ang hangaring bumawi, maagang nagpamalas ng double kill si TFX PDash [Lancelot] na sinundan pa ng malinis na turtle take sa panimula ng ikalawang yugto. Nakaranas din ng wipeout ang Berde at Puting pangkat sa pangunguna ni TFX Wage [Roger] at PDash. Sinamantala naman ito ng Morayta mainstays upang bumasag ng dalawang tore sa mid lane at isa sa exp lane. Hindi naman pinanghinaan ng loob si VA Yungch [Ling] matapos tudlain ang level one lord kaakibat ng dalawang miyembro ng TFX. Gawa ng mahusay na set ni VA roamer laytutu [Tigreal], isa-isang binura nina jungler Yungch at Kapitan Jinx [Ruby] ang TFX upang sungkitin ang championship point sa loob ng 14:24 na minuto, 2-0.
Bitbit ang momentum, kaagad na nakaporsyento ng solo kill si VA goldlaner Gabo [Harith] kontra TFX Wage [Roger] sa panimula ng ikatlong yugto. Nakapitas din ng tatlo si VA midlaner Aaronqt [Zhask] upang makabasag ng tore ang Taft-based squad sa mid lane at exp lane. Nakahanap naman ng panandaliang tanglaw ang TFX sa 2-1 tradeoff na agad ding pinundi ni VA Gabo matapos bumasag ng tore sa gold lane at pitasin si TFX PDash [Joy]. Bago pa man pumatak ang 10:00 marka, sinelyuhan na ng VA ang kanilang dominasyon sa bisa ng pagkuha ng level one lord at wipeout, 3-0.
Samantala, ibinahagi ni Jinx ang kanilang biyahe patungong kampeonato at paano ito nakaapekto sa kondisyon ng koponan sa entrada ng esports sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). “All throughout lumamang lang talaga paniniwala namin sa [isa’t isa] and sa papalapit na UAAP masasabi naming [handang-handa na kami] kahit bukas na agad, confident kaming magcha-champion kami [roon],” aniya.
Tinapos ng VA ang kampanya sa CCE bitbit ang malinis na 7-0 panalo-talo baraha. Gayundin, itinanghal ang Berde at Puting koponan bilang kauna-unahang kampeon ng CCE matapos tumanggap ang torneo ng mga kalahok sa labas ng National Collegiate Athletic Association.