INAKO ni Denise Cebrero, pangulo ng Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), ang pananagutan para sa diskwalipikasyon ng kanilang partido sa General Elections (GE) 2024. Gayunpaman, dumaing siya dahil sa kawalan ng makatarungang proseso para sa kanilang mga kandidato nitong Special Elections (SE) 2023.
Matatandaang binawi ang kandidatura ng tatlong miyembro ng executive slate ng TAPAT dahil sa kanilang mga sirang kopya ng ID at enrollment assessment form sa nakaraang eleksyon. Inilipat naman ang walong major offense na nalikom nila mula sa mga indibidwal na kandidato nitong SE sa darating na GE bilang pagtalima sa Omnibus Election Code (OEC). Lagpas ito sa tatlong major offense na katumbas ng diskwalipikasyon ng isang partido sa halalan.
Sinubukan din ng Ang Pahayagang Plaridel na makapanayam ang Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) at DLSU USG Judiciary (USG-JD), subalit wala pa ring natatanggap na kasagutan ang publikasyon sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito.
Pananaig ng mga suliranin sa sistema
Umalma si Cebrero para sa kompromisong hindi ipinagkaloob ng DLSU Commission on Elections (COMELEC) upang lutasin ang kanilang isyu hinggil sa mga sirang dokumento. Iginiit niyang hindi naisasaalang-alang sa OEC ang mga aberya sa pagpapasa ng digital files. Samakatuwid, marapat aniyang bumuo ang COMELEC ng regulasyong magsisilbing batayan para rito.
Dumulog naman ang TAPAT sa USG-JD upang magsampa ng kaso laban sa COMELEC. Itinanggi ni COMELEC Chairperson Denise Avellanosa na nakaapekto ito sa pangangasiwa nila sa nagdaang halalan. Pinasalamatan din niya ang USG-JD Counsel Officers para sa mga legal na abiso at tulong na ibinigay nila sa COMELEC sa kabuuan ng kaso.
Ikinabahala naman ng COMELEC ang paggawad ng USG-JD ng temporary restraining order (TRO) sa diskwalipikasyon nina Ina Peñaflor, Moi Pulumbarit, at Jimson Salapantan dahil sa kalituhang naidulot nito sa pamayanang Lasalyano. Pansamantalang sumalang sa pangangampanya ang mga naturang kandidato sa bisa ng TRO bago alisin ang kanilang mga pangalan sa balota kasunod ng hindi pagkakaloob ng USG-JD sa hiling ng TAPAT na pahabain ang naunang hatol.
Tapat sa sinumpaang prinsipyo
Nagsagawa naman ng pagdinig ang COMELEC para sa inihaing reklamo ng SANTUGON laban sa TAPAT noong Nobyembre 2023. Ayon kay Avellanosa, tatlong beses inako ng nasasakdal ang mga alegasyon ng pangangampanya sa labas ng kalendaryo ng eleksyon.
Inamin ni Cebrero na kapabayaan ng kanilang mga campaign member at manager ang naging sanhi ng patong-patong na opensa ng partido nitong SE 2023. Binigyang-linaw niyang hindi nagkulang ang kanilang mga opisyal na ipabatid sa bawat miyembro ang mga panuntunan sa pangangampanya.
Ipinaliwanag naman ni Chief Legislator Elynore Orajay ang mga probisyon ng OEC tungkol sa opensa ng mga partido. Pagpapalalim niya, “Sila’y may kasunduan at isang kolektibong lumalaban patungo sa kanilang iisa at natatanging layunin. . . kaya’t kolektibong sinasalamin [ng mga partido] ang bawat opensa na ginawa ng bawat indibidwal.”
Kinikilala ng mga naturang probisyon ang pangunahing gampanin ng mga partidong magpadala ng mga kandidato sa halalan at ang kanilang malawak na impluwensiya sa Pamantasan. Isinaad din ni Orajay na walang kaparehong polisiya para sa mga koalisyon dahil binuo lamang sila para sa interes ng isang siklo ng eleksyon.
Sinang-ayunan ito ni Cebrero at ikinintal na sa kawalan ng pamantayan para sa bigat ng bawat parusa nararapat umikot ang pag-amyenda sa OEC.
Pagsuri sa demokratikong proseso
Inaasahan ni Avellanosa na magkakaroon ng mga pagbabago sa demokratikong proseso ng Pamantasan sa nalalapit na GE 2024. Paglalahad niya, “The atmosphere allows for the exploration of having a multiparty system in the University, as we expect a number of independent candidates and coalitions, which is something refreshing for Lasallians.”
Gayunpaman, ipinunto ni Avellanosa ang limitasyong dulot ng pagkawala ng isang partido sa karapatan ng mga estudyanteng pumili ng kanilang pamunuan. Inilahad naman ni Cebrero na matinding dagok ito sa representasyon ng mga estudyante dahil walang magsisilbing kinatawan ang ibang sektor sa eleksyon.
Ipinaalala rin ni Cebrero sa mga estudyante na panahon ang halalan upang kanilang pagpasyahan ang mga mananatili o bagong uupo sa puwesto. Wika niya, “Itinatampok [sa eleksyon] ang kapangyarihan ng botante na gawing katotohanan ang kanilang mga hangarin para sa kanilang buhay bilang mga estudyante.”