Nababalot ng mga isyu ang mga halalan sa loob ng Pamantasan. Sa paulit-ulit na kaguluhan ng mga proseso ng De La Salle University – Commission on Elections (DLSU COMELEC) at kapabayaan ng mga partidong politikal, tila nakapuwesto ang lahat ng ahedres ng eleksyong pangmag-aaral upang tuluyang magapos ang demokrasya.
Nagdulot ng matinding lamat sa prosesong elektoral ang dekreto ng DLSU COMELEC bunsod ng mga panukalang nagdulot ng kalituhan sa mga kandidato at pamayanang Lasalyano. Isang tahasang pagbasag ng demokratikong proseso ang pagdiskwalipika at pagkitil sa karapatan ng mga partidong politikal na lumahok sa General Elections 2024 (GE 2024).
Sa kabilang banda, nakalimutan ng mga partidong politikal ang kanilang tunay na adhikain bilang mga kinatawan ng pamayanang Lasalyano. Sa halip, tila sila pa ang kailangang protektahan ng pamayanan dahil sa mga kapabayaang kanilang nagawa bago pa man magsimula ang halalan. Ano ang aasahan ng mga estudyante sa mga kandidatong hindi nakatutupad sa itinakdang batas bago pa man sila tumakbo sa mga posisyon?
Namamatay na ang demokrasya sa Pamantasan at walang ibang dapat sisihin maliban sa mga partidong politikal na lumabag sa mga panuntunan ng eleksyon at nagpabaya sa pagpapasa ng mga rekisitong kaya namang gawan ng paraan. Hindi rin maaaring maghugas-kamay ang DLSU COMELEC na nagkulang ng sapat na aksyon upang siguruhing may pagpipilian ang mga Lasalyano sa halalan. Nagmistulang tinanggap na lamang nila ang malungkot na kahihinatnan ng bawat eleksyon na ginaganap sa Pamantasan.
Nananawagan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa Santugon sa Tawag ng Panahon at Alyansang Tapat sa Lasallista na isaayos ang kanilang mga sistema at paninindigan. Bilang mga organisasyong nakasentro sa pagiging boses ng mga estudyante, malaki ang impluwensya ng mga partidong politikal sa Pamantasan. Sa isang maling hakbang ng mga partido, maaaring makitil ang representasyon at demokratikong proseso para sa pamayanang Lasalyano.
Naninindigan din ang APP para sa mas patas at makabuluhang eleksyon. Walang saysay ang pagsasagawa ng eleksyon ng DLSU COMELEC sapagkat huwad ang representasyong naihahatid nito sa mga estudyanteng dapat ipinaglalaban. Sa pagdiskwalipika ng mga partidong politikal ngayong GE 2024, mapatatanong na lamang ang mga Lasalyano na anong esensya ng isang eleksyong iniiwan ang mga Lasalyano na walang pagpipilian?