BINIGYANG-SIGLA ng Animusika 2024 ang kulminasyon ng halos dalawang linggong selebrasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ng University Vision-Mission Week (UVMW), Hunyo 21.
Naisakatuparan ang konsyerto sa pangunguna ng UVMW Central Committee at sa tulong ng Office of the Vice President for Lasallian Mission. Ipapamahagi naman ang nalikom na pondo sa mga Lasallian beneficiaries at daycare centers ng mga katuwang na Barangay sa Leveriza.
Pasiklaban ng mga tagapagtanghal
Napuno ng ingay at kasiyahan ang Pamantasan nang magtanghal ang iba’t ibang kilalang OPM icons na sina Sean Archer, Syd Hartha, Josh Cullen, at Al James. Kasama ring nagtanghal ang mga bandang Of Mercury, Sponge Cola, Cup of Joe, at Lola Amour. Nagpasikat din ang mga itinanghal na kampeon sa Lasallian Showtime ‘24 at Battle of the Bands ‘24 na sina Emman Rivera, kinikilala bilang Vera Arveri, at ang bandang Crazy Corgis.
Nagkaroon ng magkakahiwalay na uri ng tiket ang konsyerto. Nagkakahalaga ng Php1,300 ang tiket para sa mga VIP Seated, Php1,100 para sa mga VIP Standing, at Php500 para sa General Admissions. Binigyan naman ng discount ang mga estudyanteng may mga kapansanan, alumni, at nagmula sa mga Lasalyanong paaralan. Pinagkalooban din ng early entrance, Animusika stickers, Animusika shirt, at lanyard ang mga estudyanteng kumuha ng VIP ticket.
Pag-ulan ng kritisismo
Sa kabila ng tagumpay ng Animusika 2024, hindi pa rin ito nakaligtas sa ilang kritisismo mula sa pamayanang Lasalyano. Isa sa mga naging isyu ang mabilis na pagkaubos ng tiket na ikinadismaya ng nakararaming estudyante.
Ayon sa pahayag ng UVMW Central Committee, limitado lamang ang bilang ng mga ibinentang tiket upang masiguro ang kaligtasan ng mga dadalo. Bukod pa rito, nilimitahan lamang ang kapasidad ng Animusika 2024 sa 1,500 katao dahil ayaw nilang maulit ang aberyang nangyari noong nakaraang Animusika na umabot sa mahigit-kumulang 5,000 ang nakidalo.
Nakaapekto rin ang biglaang pag-ulan bago magsimula ang programa na nagdulot ng pagkabahala sa mga organizer. Nagkaroon din ng pagbabago sa layout ng lugar sa huling sandali na naging sanhi ng kalituhan sa mga may hawak ng tiket at ushers.
Pinuna rin ang mga organizer dahil sa nahuling paglabas ng Animusika guidelines at magulong sistema ng online ticket selling. Naging isyu rin ang biglaang pagpapapasok sa mga opisyal ng University Student Government sa venue nang walang tiket sa kalagitnaan ng Animusika.
Kaugnay nito, nagpahayag ng taos-pusong paumanhin ang UVMW 2024 Central Committee sa pamayanang Lasalyano at ipinangakong magsasagawa ng komprehensibong ebalwasyon upang mapabuti ang mga susunod na UVMW. Ipinangako nilang makikinig sila sa sentimyento ng pamayanang Lasalyano at tiniyak na magiging maayos ang programa sa hinaharap.
Tinig ng mga Lasalyano
Ibinahagi ni Gabriela Pascua, ID 123 mula AB Political Science, na labis na pananabik ang kaniyang naranasan sa Animusika. Aniya, “Para sakin, sobrang saya ng Animusika! Frosh ako, ito [ang] pinakauna ko na Animusika kaya sobrang solid para sakin.” Pareho rin ang naging karanasan ni Abishai Nazario, ID 123 mula AB Communication Arts, na nagsalaysay na pumila siya mula 12:30 N. T. upang makakuha ng magandang puwestong panonooran.
Samantala, ipinabatid naman ni Cole Casilla, Senior High School student mula De La Salle-College of Saint Benilde, ang kaniyang pagkadismaya para sa mga organizer. Ayon kay Casilla, may mga tagapangasiwang ginagamit ang kanilang titulo upang makisiksik sa madla. Sinang-ayunan naman ito ni Adrienne Ines, Senior High school mula sa parehong paaralan, at inilahad na dapat nilang isaalang-alang ang kanilang pangunahing layuning panatilihing maayos ang programa.
Nagpaabot din si Nicco Oliveros, ID 123 mula AB Political Science, ng kaniyang matinding pagkabagabag sa mga tagapangasiwa. Wika niya, “Ang akin lang naman, sayang sobra. Hindi ko maintindihan at mawari bakit nila tinipid ang mga estudyante pagdating sa mga ticket.” Isa lamang si Oliveros sa maraming estudyanteng hindi pinalad makakuha ng tiket upang makapanood sa taunang konsyerto.
Naging problema rin ang website na ginamit sa pagbili ng tiket. Pangangatwiran ni Oliveros, “‘Yung mismong site ng bentahan ng ticket, mula 6 PM nakaantabay na ako pero wala akong napala.”
Mula sa mga naging pangyayari, umaasa ang pamayanang Lasalyanong magsilbing aral ito sa mga tagapangasiwa ng Animusika at mapabuti ito sa mga susunod na taon. Ipinaintindi ni Pascua na maraming pagkakamaling nangyari sa programa at mahalagang pakinggan nila ang hinaing ng mga estudyante. “Sana makinig na sila, kung hindi, huwag na lang mag-Animusika. Ang gabi na ito ay para sa’tin,” pagtatapos niya.