Pagmamahal bang maituturing ang ipaubaya sa ulan ang munting dagitab ng buhay?
Isang paglalakbay na puno ng hiwaga’t hiraya at sanga-sangang dagok ang buhay ng isang tao. Maaaring isang araw, walang nakikihating pighati; nag-uumapaw ang waring walang hanggang ligaya. Kinabukasan, maaaring gapusin nito ang natitirang pag-asa. Minsan, anomang lakas ng pagpiglas, tila hindi pa rin mabaklas ang rehas. Gamit ang natitirang alas, nanaisin pa bang magbigay-buhay gayong batid nang nagbabadyang balutin din ito ng lumbay?
Sa panulat ni Lino Balmes at direksyon ni BJ Borja, pinag-alab ng dulang “Ningas” ang nagbabanggang perspektiba ng pagkakaroon ng anak. Kabilang ang nasabing dula sa Set A ng Virgin Labfest 19: Pintog na kasalukuyang ipinalalabas sa Tanghalang Ignacio Gimenez, Cultural Center of the Philippines hanggang Hunyo 30.
Kapirasong hiraya ng buhay
Pag-asang maituturing ng ilan ang mumunting sandali ng natupad na panaginip. Ito ang nagtutulak sa isang taong suungin ang mga kahindik-hindik na pagsubok, maambunan lamang ng kahit kaunting ligaya.
Sa pagganap ni Geraldine Villamil, nakilala ng manonood ang karakter na may natatanging katangian—kawalan ng ngalan. Handa niyang harapin ang lahat upang makamtan ang inaasam-asam na kakulangang makukuha lamang kay Austin, na siyang ginampan ni Ross Pesigan. Sa sandaling bigyan ng lalaki ang babae ng pangalan, magkakaroon siya ng buhay at ang lalaki ang kaniyang magiging ama.
Hangad ng babaeng maisilang upang matikman ang mga piraso ng ligayang nakapaloob sa pagkabuhay. Nais niyang maranasang maglaro at sumayaw; masugatan at masaktan; yakapin sa init ng pagmamahal—maging isang taong nakararamdam. Kaya naman, ganoon na lamang ang kaniyang pagmamakaawa sa binatang bigyan siya ng identidad.
Hangad na kamatayan ng nagdurusa
Masalimuot ang pasikot-sikot ng buhay. Nakapapaso ang ilang tagpo, walang habas na lalamunin ng apoy ang sinomang magpatatalo rito.
Isang bombero si Austin—handang ialay ang sarili para sagipin ang buhay ng iba. Dala-dala niya ang pagiging mapagmalasakit maging sa pagsagip sa babaeng walang ngalan. Subalit, nagtagal ang pag-iisip niya ng paraan upang mas mailigtas ang babae sa napipintong panganib ng lumbay. Sa kaniyang paglilimi, bitbit niya ang hapdi ng mga sugat ng sariling pag-iral.
Simula pa lamang ng dula, makikita nang napanghihinaan ng loob si Austin na magpatuloy sa buhay. Matagal nang patay kahit patuloy pa ring humihinga—marahil nagpatong-patong na lumbay ang nakadagan sa dibdib kaya hindi gaanong marinig ang pulsong pumipintig. Sa hapdi ng mga sugat ng sariling pagkapaso, tila napagtanto niyang mas mainam na hindi bigyan ng pangalan ang babae upang isalba ito mula sa iba’t ibang anyo ng tiyak na pagdurusa.
Pagpapasiya para sa dagitab
Pagmamahal ang madalas na binhi ng pagpapasiya—siyang dahilan ng desisyong magkaanak o hindi magkaanak. Sa pagbibigay-buhay sa isang tao, pag-ibig ang hindi siya pagkaitan ng pagkakataong malasap ang tamis ng buhay. Gayundin ang piliing salagin ang lahat ng nakaambang pait na gigipit sa kaniya.
Inilunod ng ulan ang munting dagitab upang hindi na ito magningas pa. Sa huli, anoman ang hatol na kahihinatnan, pag-ibig ang tiyak na sanhi at bunga nito.